Saturday, August 25, 2012

Love at Second Sight : Chapter 2


CHAPTER 2

( Princess POV )


“Bhest,  hintayin mo naman ako. Ang bilis mo namang maglakad.” Napalingon siya kay Cathrine. Hinintay niya ito. Ang bagal naman kasing maglakad. Humawak ito sa braso niya ng makalapit ito sa kaniya. Kakapasok lang nila ng entrance ng mall. Inaya siya nitong bumili ng babaunin nila. Bukas na ang alis nila. Mahal daw ang mga tinda sa barko. Napangiwi siya. Mabanggit lang ang salitang barko, nahihilo na siya.



“Saan tayo?” tanong nito.


“Hmm… Watch na muna tayo ng movie.”



“Ay, sige.” excited na wika nito. “Matagal na tayong hindi nakakanood, eh. Puro pirated na lang.”



Natawa siya. “Sira, madinig ka. After nating manood saka na tayo mamili ng babaunin natin.”


“Okidoki, bhest. Let’s go.” sambit nito. Pumunta na sila sa movie theater ng mall.



* * * * * * * *



( Aeroll POV )


“HAY, SALAMAT! Bakasyon ko na.” wika ni Aeroll pagkalabas niya ng ospital na pinag-du-duty-han niya.


“Buti pa ikaw, pare.” wika ng co-nurse niya.


Napatingin siya dito. “Ikaw naman kasi inubos mo ang leave mo. Eh, ako naipon ko ‘yong leave ko.”


Napakamot ito ng ulo. Tinapik niya ito sa balikat ng nasa tapat na siya ng kotse niya. “Sige, pare. Una na ako.” aniya dito.


“Sige. Ingat.”



* * * * * * * *



( Princess POV )



“NAKAKAKILIG talaga yung movie, parang yung story namin ni Harold. Love at first sight.” sambit ni Cathrine matapos nilang makapanood.


“Oo na. Nagugutom ako. Kain muna tayo.” aya niya. 


“Daan muna tayo sa rest room. Kanina pa ‘tong pantog ko, eh.”


Napailing siya. “Ano ka ba? Masama ang magpigil. Pag naiihi ka na, go.” payo niya dito.


“Eh, hindi ko maiwan ‘yong palabas kanina, eh.” dahilan nito. “Bilis, bhest!” Hinawakan nito ang kamay niya at hinila na siya. 


“Oo. Wait lang.” sambit niya. Nang makarating sila ng rest room. “Dito na lang kita sa labas hihintayin.” wika niya.


“Hindi ka ba mag-aayos?” tanong nito. Nakatingin ito sa buhok niya.


Napahawak siya sa buhok niya. Naka-pony tail ang mahaba niyang buhok at may ilang hiblang nahulog sa gilid ng mukha niya. “Gulo look ang tawag diyan. Uso ‘yan, okay.”


Napailing ito. “Bakit ba suot mo na naman ‘yang eyeglass mo? May contact lens ka na ‘di ba?” tanong nito. Malabo ang mata niya. Medyo blurred kapag wala siyang suot na eyeglass o contact lens na may grado. Dati eyeglass lang ang gamit niya, pero itong bestfriend niya. Sinabihan siyang mag-contact lens na lang daw siya at hindi na uso ang eyeglass ngayon. 


“Tinatamad akong magsuot ng contact lens kanina.” sagot niya. “Teka, iihi ka ba o makikipagchikahan sa’kin?”


“Iihi.” Inabot nito ang bag nito sa kaniya at pumasok ng restroom.


“Taga-hawak ba ako ng bag niya? Pwede naman ipasok sa loob. May sabitan naman sa loob ng cubicle.” bulong niya. Nang marinig niyang may nag-ri-ring na phone. Tiningnan niya ang phone sa body bag niya. Wala naman. Napatingin siya sa bag ni Cathrine. Mukhang sa phone nito may tumatawag. Binuksan niya ang bag nito at akmang kukunin ang phone nito ng may biglang bumangga sa likod niya. Nabitiwan tuloy niya ang bag ng kaibigan niya at naglabasan ang mga laman no’n sa sahig.


“Bakit ka ba nakahara sa dadaanan ko?!” inis na wika ng taong nakabangga sa kaniya.


Aba’t! Ito pa ang may ganang magalit!



* * * * * * * *



( Aeroll POV )


“BWISIT!” asar na sambit niya nang paandarin niya ang kotse niya. Katatapos lang naman siyang tiketan ng pulis. Beating the red light ang offense niya. Nagmamadali na kasi siyang umuwi at inaantok na siya, iyon tuloy ang napala niya. Nang mapadaan siya sa mall sa lugar nila. Makapagpalamig nga muna. Tutal naman, nawala na ang antok niya. Matapos maiparada ang kotse niya ay pumasok na siya ng mall. Nang makaramdam siya na tila naiihi siya. Dumeretso na muna siya ng rest room. Nang matapos ay lumabas na siya, nang marinig niyang mag-ring ang phone niya. Mama niya ang tumatawag. Napangiti siya. Itatanong na naman kung nasa’n na ako. Si mama talaga. Sinagot niya iyon.



“Hello sa maganda kong ina!” bati niya.



“Ang kapatid mo.” sa halip ay sambit nito.


Nawala ang ngiti niya. “What is it this time, ‘Ma?” tanong niya.



“Nakipag-away na naman kanina.” sagot ng mama niya. Napakamot siya sa noo niya. King! Kailan ka ba titino?!  “Sige po, ako na pong bahala—“ Nang may kung anong pumatak sa braso niya. Napatingala siya sa kisame. Hindi niya tuloy napansin ang taong nasa harap niya. Nabunggo niya iyon. Nabitiwan nito ang bag na hawak nito at kumalat sa sahig ang laman niyon. “Mama, maya na lang po tayo mag-usap.” sambit niya sa mama niya sa phone at nagpaalam na siya. At dahil siguro sa inis niya sa pulis at sa sinabi ng mama niya ay napagbalingan niya ang babae.


“Bakit ka ba nakahara sa dadaanan ko?!” inis na wika niya dito. Nakatalikod ito. Unti-unti itong humarap sa kaniya. Kumunot ang noo niya. “Miss, binagyo ba ‘yang buhok mo?” tanong niya. Paano ba naman, gulo-gulo ang ayos ng buhok nito. Mukha pa itong nerd sa salamin nito.



* * * * * * * *



( Princess POV )


NAGPAMEYWANG siya at tiningala ito. Matangkad kasi ito sa kaniya. “Hoy! Lalaki! Ang kapal ng mukha mo! Ikaw na nga itong nakabangga sa akin, ikaw pa itong may ganang mainis!” singhal niya dito. “At wala kang pakialam kung bagyuhin man itong buhok ko!” Ang kapal nito, ah!


 Kumunot ang noo nito. “Miss, nakita mong daanan ito tapos nakaharang ka pa.”



Bakit binili mo ba ‘tong daanan na ‘to? Pag-aari mo ba ang mall na ‘to?” Napatingin siya sa phone nitong hawak. Humalukipkip siya. “Kaya naman pala. Kausap mo ang girlfriend mo kaya mo ako nabunggo. Ikaw ang hindi tumitingin sa dinadaanan mo.”


“Hindi ko girlfriend ang kausap ko. Ikaw ang nakaharang. May salamin ka na nga, hindi mo pa nakitang nakaharang ka sa daan.”


Naningkit ang mata niya. Dinutdot niya ang ilong nito. “Bakit pati salamin ko sa mata pinapakialaman mo, hah?! Eh, ikaw? Mataas ba ang araw at naka-sun glass ka?” Tiningala niya ang ilaw sa kisame bago ibalik ang tingin dito. “Mataas nga. O baka naman siguro, may sore eyes ka.” Agad siyang lumayo dito at baka mahawa pa siya.



* * * * * * * *



( Aeroll POV )


GRABE ‘tong babaeng ito. Ngayon lang siya nakaharap ng ganitong babae. Napaka-lakas mam-bwisit! Inalis niya ang sunglass niya. Sinuot lang naman niya kanina ‘yon dahil nasisilaw siya sa araw kanina. Puyat pa siya sa duty. Masakit sa mata kapag tumatama ang sikat ng araw.


“Sinong may sore eyes, hah?” tanong niya dito. Inirapan lang siya nito. Aba’t! Babae ba ‘to? Kung ibang babae lang kinilig na makita lang ang mukha niya tapos eto? Irap lang ang sinagot sa kaniya. Napailing na lang siya. Hindi na siya nakatiis at tinanong ito. “Miss, tomboy ka ba?”


Nanlaki ang mga mata nito sa tanong niya. Maya-maya’y tiningnan siya na parang gusto nang dukutin ang dila niya. “Kung mukha akong tomboy, mukha ka namang bakla!” ganti nito sa kaniya.


Natawa lang siya. “Ako bakla? Sa gwapo kong ito.”


Natawa ito ng pagak. At tiningnan siya mula ulo hanggang paa. “Ikaw gwapo?” Tinanggal nito ang salamin nito sa mata. “Kapag wala akong salamin, pwede pa siguro dahil blurred ang nakikita ko.” Isinuot ulit nito ang salamin nito.


Ang lakas nitong mang-insulto, ah. “Alam mo kung lalaki ka lang, pinatulan na kita.”



“Alam mo kung lalaki lang ako, mata mo lang walang latay.” ganti nito. Kumunot ang noo niya. Huminga siya ng malalim. Kinuha na lang niya ang mga nahulog na gamit nito.


“Hep! Huwag mong hawakan ‘yan!” pigil nito sa kaniya.


Binitawan niya ang gamit nito. “Ikaw na nga ang tinutulungan, ikaw pa ang galit.”


“‘Di ba galing ka sa restroom? Baka mahawaan mo ng germs ‘yang mga gamit ko.”


“Iba ka din, ‘no? Saang planeta ka ba nanggaling?”


“Sa Earth. Ikaw siguro sa Pluto.” sarkastikong sagot nito.


Napakamot siya ng noo. Nakakainis ka na, ha. “Miss, may galit ka ba sa mundo?” tanong niya.



“Sa’yo.” sagot nito.


“Siguro wala ka pang boyfriend ‘no? Kaya ganyan ka kasungit. Tatanda kang dalaga niyan, Miss. Sabagay, mukha naman ngayon.” ganti niya dito nang matahimik na ito.


“Aba’t!” Sinimulan nitong pulutin ang mga gamit na nahulog sa bag nito. Pagkatapos ay hinarap siya. “FYI, may boyfriend na ako.” Hinawakan nito ang manggas ng uniform niya. “Puti nga ang suot mo, maitim naman ang ugali mo. Gagawin kitang pagong sa nobela ko!” Iyon lang at tinalikuran na siya nito at pumasok sa restroom ng babae.


Pagong? Nobela? Napapailing na lang siya habang nakatingin sa nakasaradong pintuan ng restroom na pinasukan ng babae. Napahawak siya sa noo niya. Kumirot iyon. Pasaway na babae ‘yon! Nang mapansin niya ang isang litrato sa sahig. Kinuha niya iyon. Nagulat siya ng makita ang taong nasa larawan. Si Harold ‘to, ah. Napatingin siya sa pinasukang restroom ng babaeng amazona kanina. Sino kaya siya? Ang sabi niya may boyfriend na siya. Bakit siya may picture ni Harold? At ano ang koneksyon niya sa pinsan ko? Ibinulsa niya ang litrato at lumakad na. Uuwi na siya at wala na siyang ganang maglibot. Nawalan na siya ng gana. At dahil iyon sa amazonang babaeng iyon.



* * * * * * * *



( Princess POV )


“NAKAKAINIS!” sambit niya ng makapasok ng restroom.


“Oh, bakit ka nandito?” tanong ni Cathrine sa kaniya. Kakalabas lang nito sa isa sa mga cubicle.


“Bwisit na lalaki iyon! Antipatiko!” inis na sambit niya.


Kumunot ang noo nito. “Sino?”


Kinuwento niya dito ang nangyari kanina. “Gwapo ba?” Iyon ang tanong nito sa kaniya pagkatapos niyang mag-kuwento dito.


“Iyan talaga ang tinanong mo? Kahit siya pa ang pinaka-gwapo sa mundo, wala akong pakialam.” inis na sagot niya. Natawa lang ito.


“Natatawa ka pa!” wika niya.


“Eh, kasi nakakapanibago ka. Hindi ka naman ganyan mainis dati. Ngayon para kang susugod sa gyera.” sambit nito.


“Eh, bwisit na lalaki na ‘yon, eh. Tama bang sisihin ako? Pati buhok at eyeglass ko, pinakialamanan. Hmp! I don’t want to talk about him. Nasisira ang mood ko.“


“Hayaan mo na’yon. Hindi naman na kayo magkikita pa.”


“I hope so. Makita ko lang siya. Ititirik ko siya patiwarik. Tara na nga. Tama bang magkwentuhan sa loob ng restroom.” sambit niya. Lumabas na sila.



...

1 comment:

Say something if you like this post!!! ^_^