Wednesday, August 29, 2012

Love at Second Sight : Chapter 8


 CHAPTER 8

( Aeroll POV )

“May phobia ba siya sa dagat? Sa pagsakay ng barko? At bakit?” sunod-sunod niyang tanong kay Cath ng kausapin niya ito tungkol kay Princess. Kanina pa kasi niya napapansin ang kakaibang kilos nito, eh. Nakikita niya itong nakatanaw sa dagat habang nakangiwi. Ang tahimik pa nito. Tapos kanina no’ng pasakay na sila ng barko, kumapit pa ito sa braso niya na para bang ayaw na siyang bitawan. She’s acting weird.


“Uyy, bakit parang concern ka sa kaibigan ko.” tudyo nito sa kaniya.

Napangiti siya. “Nurse ako ‘di ba? Normal lang sa’kin ang mag-alala.” dahilan niya. Pero parang labas sa ilong ang sinabi niya.

“Akala ko naman….” Nagkibit-balikat ito. “Sabagay, she’s already taken.” Kumunot ang noo niya. Bago pa siya nakapag-react ay nagsalita ulit ito. Tumingin ito sa dagat.

“Hindi ako ang pwedeng sumagot sa tanong mo kung bakit. All I can say is that you’re right, may phobia siya. Pero medyo na-overcome na din niya ‘yon. Hindi lang niyang maiwasan na matakot. Ng slight. Saka ‘yong mga reaction niya kanina. Natural na ‘yon kapag sumasakay kami ng barko. Pero once in a blue moon mangyaring sumakay ‘yon sa barko. Kung walang airport sa pupuntahan namin. No choice siya.” Nilingon nito ang kaibigan nito bago ibinalik ang tingin sa dagat. 

“Nakatulog na ata. Mamaya pagkagising niyan, magsusuka na ‘yan. Sinabihan ko na ngang uminom ng gamot para sa hilo. Nakalimutan na naman.”

Nilingon niya ang babae. Nakatagilid ito ng higa paharap sa kanila. “Tama nga ako ng hinala kanina.”

“Iyon lang ba ang itatanong mo? Babalikan ko na muna si bhest. Baka naliligo na ‘yon sa pawis. Kapag nakasakay kami sa barko, para ‘yang batang alagain. At ako ang umaaktong nanay niya.”

Napangiti siya. “Wala na. Close na close kayo, ‘no?” Bumalik na sila sa kaibigan nito.

“Oo naman. Mga bata pa lang kami, magkasama na kami. Neighbors kami niyan.” Umupo si Cath sa tabi ng kaibigan nito. Umupo naman siya sa higaan sa tabi ni Princess. Tiningnan niya ang babae. Hindi man lang naisip ng babaeng ‘to na siya ang makakatabi nito. Eh, samantalang nung nasa bus sila kanina. Halos ipagtabuyan siya nito ng malaman nitong makakatabi niya ito. 

Masama nga kasi ang pakiramdam. Tingnan mo, pag baba ninyo ng barko, balik amasona na naman ‘yan, sambit ng kabilang isip niya.

“Tingnan mo ang pawis.” napapailing na sambit ni Cath. May kung anong kinuha ito sa bag nito. Pamaypay at dalawang bimpo ang kinuha nito. Inilagay nito ang isa sa likod ni Princess. Pinampunas naman ni Cath ang isa sa pawis ng kaibigan nito. 

Princess. Para talaga itong prinsesang pinagsisilbihan sa lagay nito ngayon.

“Mamaya pa ‘to gigising.” Napapalatak si Cath. “For sure, nakalimutan nitong dalhin ang gamot nito.”

“Anong gamot?”

“Anti-emetic lang. Mamaya kasi pagkagising niyan, magsusuka na ‘yan.”

“May dala ‘ko.”

Napatingin si Cath sa kaniya. Napangiti ito. “Boy scout, ah.”

“Kailangan, eh.” May first-aid kit pa nga siyang dala. For emergency purposes.

Pinaypayan nito ang kaibigan nito.

“Ako na.” Kinuha niya ang pamaypay dito. Umayos naman ng upo si Cath at sumandal sa haligi ng higaan nila.

“Hindi naman dapat sasama ‘yan. Napilitan lang dahil sa’kin.” maya-maya ay wika ni Cath. Nakatingin ito sa kaibigan nito.

“Bakit?”

“Gusto niyang makilala si Harold. Gusto nitong kilatisin ang boyfriend ko. Napaka-protective naman kasi nito sa’kin. First boyfriend ko kasi ang pinsan mo.”

Nagulat siya. Hindi nabanggit ng pinsan niya ‘yon. “Talaga?”

“Nakakahiya mang sabihin, at my age of twenty four, oo.”

“Ang swerte ni pinsan sa’yo.”

Napangiti ito. “Dahil first boyfriend ko siya?”

“No. Dahil maalaga ka.”

“Ito naman. Hindi naman masyado.” Tinapik pa siya nito sa balikat. “Ahm, Aeroll, pwede bang iwanan ko muna sa’yo ang prinsesa?” nakangiting biro nito sa pangalan ng kaibigan nito.

Nakisakay siya sa biro nito. “Nasa’n ba kasi ang prinsipe nito? Dapat ‘yon ang nag-aalaga dito, eh.”

“Ikaw. ‘Di ba prince ka?”

Napangiti siya. “Oo nga pla. Sige na, ako nang bahala sa prinsesitang ito.”

“Pupunta lang ako sa taas. Saglit lang ako, promise.” Tumayo na ito.

“Ingat ka. Ibinilin ka pa naman sa’kin ng pinsan ko. Lagot ako do’n.”

“Hayaan mo, sagot kita.” Umalis na ito.

“Ang init…” Napatingin siya kay Princess. Mahilig ba ‘tong magsalita kapag tulog? Pinaypayan niya ito. O, ayan na po mahal na prinsesa. Prinsesa ng mga amasona. 

Ano kayang gagawin nito kapag nalaman nito na ang ginagawa niya ngayon? Parang alam na niya. “Thank you po, ha.” mahina niyang sambit, ginaya pa niya ang tono nito kapag nagpapasalamat sa kaniya, yung pilit na thank you nito. Hay… Hindi na lang niya ipapaalam dahil baka sa halip na pasalamatan pa siya, sungitan pa siya nito.

 Inayos niya ang eyeglass nito. Saglit niyang tinanggal ‘yon. Parang anghel, ah. Tumikhim siya. Nilagay niya ulit ang eyeglass nito. Tuluyan na siyang humiga sa tabi nito, sa higaan niya. Itinukod niya ang kanang braso sa bandang ulunan nito, habang hawak ang pamaypay sa kaliwang kamay niya at pinapaypayan ito. 

Taga-paypay na lang pala ang kagwapuhan ko ngayon. Buti sana kung may bayad ‘to. Buti sana kung girlfriend ko ‘to. Teka, hindi naman niya nagawa sa mga naging girlfriends niya ‘to, ah. Napatingin siya sa babaeng kay himbing ng tulog. Ang swerte mo, ah. Sinungitan mo na ako’t lahat-lahat, ang bait ko pa din sa’yo. Hay naku, baligtad na ata ang mundo.




( Princess POV )

NAGISING siyang tila hinahalukay ang sikmura niya. Masakit pa ang ulo niya. Dahan-dahan siyang umupo. Anong oras na ba? Tiningnan niya ang relo niya. Mag-aala-sais na. Ilang oras na pala siyang tulog. Nasa’n ba si Cath? Dahan-dahan siyang tumayo para tingnan ito sa higaan nito nang makaramdam siya na tila masusuka siya. Kainis! Mabilis siyang pumunta sa restroom. Buti na lang at nando’n lang din iyon sa floor na ‘yon. At buti na lang, walang pila. Binuksan niya ang pinto at lumapit sa maliit na sink na nando’n.

“Okay ka lang, miss?” tanong ng isang babae sa kaniya.

“Okay—” Hindi na niya natapos ang sasabihin niya dahil naduwal na siya. Naramdaman niyang may humaplos sa likod niya. Yung babaeng nagtanong sa kaniya ang nalingunan niya.

“Thank you.” sambit niya.

“Buntis ka ba?” nakangiting tanong nito.

“Ay hi—” Hindi na niya natuloy ang sasabihin niya dahil naduwal na naman siya. Hanggang sa tila wala na siyang mailabas saka lang siya natigil. Nanghihinang napasandal siya sa pader.

“I hate this.” mahinang sambit niya.

“Okay lang ‘yan. Normal lang ‘yang sa nagbubuntis.” sambit nito.

I’m not pregnant! Gusto na niyang isigaw ‘yon kaya lang tinatamad na siyang magsalita. Naduwal lang, buntis na kaagad. Hindi ba pwedeng nahilo lang? May nakaing hindi nagustuhan ng sikmura. Ang mga tao talaga. Advance mag-isip. Nginitian na lang niya ito at humakbang palabas ng restroom.

“Alalayan na kita.” wika ng babae. Hinawakan siya nito sa braso niya. Pagbukas ng pinto ng babae ay sinalubong siya ng isang mukha. Anong ginagawa nito dito?

“Okay ka lang ba?” tanong nito. Tama ba ang nahimigan niya? Parang nag-aalala pa ito sa kaniya. At bakit?

“O, ayan na pala ang asawa mo.” sambit ng babaeng umalalay sa kaniya. Napalingon siya dito. “Siguradong maganda at gwapo ang magiging anak ninyo.” dagdag pa nito. Napahawak siya sa noo niya. Kanina sa bus, girlfriend. Ngayon naman asawa. Ano naman sa susunod?
...
READERS,  care to visit may wattpad AieshaLee mas nauuna ako mag-update do'n, wahehe. pahirapan ako pagnagpa-publish d2, ERROR.ERROR.ERROR! Parang si Vander lang paulit-ulit na error >,<

3 comments:

  1. wuuuaaahh! ang sweet ni aeroll!..inggit nman ako.. haha,buntis?agad2??.. hahah, mag asawa daw sila!!.. kinilig ako!..

    ReplyDelete
  2. tnx demidoll sa pag appreciate ng story, muah!

    ReplyDelete
  3. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete

Say something if you like this post!!! ^_^