Sunday, August 26, 2012

Love at Second Sight : Chapter 6



CHAPTER 6

( Princess POV )

“Hmm…” Sumiksik pa siyang lalo sa unang yakap niya. Ang sarap ng tulog niya, ayaw pa muna niyang bumangon. Mamaya pa naman ang alis niya pa-Batangas. Ang bango pa ng unan niya. Teka, unan? Batangas? Eh, nasa byahe na siya. At anong unang yakap? Biglang niyang naidilat ang mga mata niya. Bakit ang labo ng tingin niya? Pero ang ikinagulat niya ay ang nakita niya sa kabila ng malabo niyang paningin. 


Oh, my God! Ang unang yakap niya ay walang iba kundi ng katabi niya! Tiningala niya ito. Tulog ito. Tiningnan niya ang ayos nila. Paano ako napunta dito? At bakit ako nakayakap sa kaniya? Naniningkit ang mga matang tiningnan niya ito. Handa na sana siyang gisingin at komprontahin ito nang mapansin niyang siya lang ang nakayakap dito. Ang kaliwang kamay nito ay nasa hita nito, at ang kanang kamay nito ay nasa likod niya pero hindi nakaakbay sa kaniya. Sa madaling salita, siya ang lumapit dito habang tulog siya, gano’n? Oh, no! Nakakahiya! 


Unti-unti siyang kumalas dito para hindi ito magising. Pigil niya ang hininga niya hanggang sa makalayo dito. Buti na lang at tulog din ang nasa katapat nilang upuan. Inayos niya ang sarili niya. Nasa’n ang eyeglass ko? Sinilip niya sa sahig ng bus at baka nahulog kanina. Tiningnan niya ang loob ng bag niya. Kumunot ang noo niya. Bakit nandito ‘to? Isinuot niya ‘yon. Nilingon niya ang katabi niya. Siya ba ang naglagay nito sa bag ko? Kailan? Alam kaya nito na nakahilig ako sa kaniya? 


Tiningnan niya kung nasa’n na sila. Natatanaw na niya ang dagat. Malapit na sila sa port at ngayon lang siya nagising. Ang haba ng tulog niya at isipin pa lang niya na ilang oras siyang nakahilig sa lalaking ito. Nakakainis! Kahit kailan ang gulo ko matulog. Kasalanan ko ‘to, eh. Buti na lang at ako ang unang nagising sa’ming dalawa.






( Aeroll POV )

PINALIPAS na muna niya ang limang minuto bago idilat ang mga mata. Nauna siyang nagising sa babaing katabi niya. Nagulat nga siya ng nakayakap na ito sa kaniya. Pumikit lang ulit siya ng maramdamang tila nagising na ito. Inalis din niya ang pagkakaakbay dito at baka talupan siya ng buhay nito. Pinakiramdaman niya ito. Hinintay niyang gisingin siya nito, sungitan at sabihan ng kung anu-ano. Pero lumipas na ang ilang segundo bago niya naramdamang dahan-dahan itong kumalas sa kaniya. Wala siyang narinig mula dito. Marahil ay iniisip nitong kasalanan nito dahil ito lang ang nakayakap sa kaniya.


Nag-inat siya ng imulat niya ang mga mata niya. “Ang sakit ng balikat ko.” mahinang daing niya at minasahe ang balikat niya. Nakita niyang napalingon sa kaniya ang katabi niya. 


“Bakit?” painosenteng tanong niya.


Matagal bago ito sumagot. “Wala.” Iniwas na nito ang tingin sa kaniya. Napangiti siya. Hindi naman kasi siya gano’n kasama katulad ng iniisip nitong katabi niya, para ipangalandakan dito na ito ang unang dumikit sa kaniya. Nang mag-ring ang phone niya. Sinagot niya ‘yon.






( Princess POV )

NAKAHINGA siya ng maluwag ng walang sinabi ang katabi niya. Alam man nito o hindi ang pagkakayakap niya dito, wala siyang pakialam. Basta wala itong sinabi, tapos. Kinuha niya ang phone niya at tinext si Cathrine.


“Siguro mga fifteen minutes nasa port na ako.” nadinig niyang sambit ng katabi niya. Pasimple niya itong tiningnan, may kausap ito sa phone nito.  


Ang tagal namang mag-reply ni bhest. Tinawagan na lang niya ito. Naka-call waiting siya, mukhang may kausap ito.


“Okay, hintayin na lang kita sa may bilihan ng ticket do’n. Ingat, Cath. Bye.” Napalingon siya sa katabi niya. Napatingin din ito sa kaniya. “Why?” tanong nito.


Hindi niya ito sinagot. Sinubukan niya uli tawagan ang bestfriend niya. Sinagot naman nito ‘yon. 


“Hello, bhest! May kausap ako kanina kaya hindi ko nasagot ang tawag mo.” bungad nito.
 

“Okay lang. Malapit na ‘ko. Ikaw?”


“Medyo male-late ako.” wika nito.


“Hindi ka pa din nagbago.”


Nadinig niyang tumawa ito. “Sorry.” anito.


“Oo na. Hintayin na lang kita sa labas.”


“Malamang, ako ang bibili ng ticket mo, eh.” natatawang sambit nito.


Napangiti siya. “Buti alam mo.”


“Malay mo ilibre tayo ng pinsan ni Harold.”
 

“Nakakahiya.”


“Joke lang.”


“Pero pwede din.” kabig niya.


Natawa na naman ito. “Kunwari ka pa.” 


“Sige na. Kita-kits na lang do’n. Sayang ang unli ko sa’yo.”


“Paanong nasayang ‘yan? Unli nga, eh.”


“Basta sayang. Ba-bye na. Ingat ka.” paalam niya.


“Ikaw din.” Binaba na niya ang phone.


“Ang sakit talaga ng balikat ko. Bakit kaya?” wika ng katabi niya. Kumunot ang noo niya. Nagpaparinig ba ‘to? Care ko ba? Kung may alam siya, dapat sinabi na niya.






 ( Aeroll POV )

HINDI niya mapigilang mapangiti habang pinakikiramdaman ang katabi niya. Kanina pa niya ito pinaparinggan. Pero mukhang wa-effect. Hmm… isa pa nga. Last na ‘to.


Pinaikot-ikot niya ang kanang braso niya. “Ang sakit talaga. Kanina pa ‘to ah. Kailangan ko siguro ng masahe.” mahinang sambit niya, pero yung madidinig ng katabi niya.


Bigla itong napalingon sa kaniya. Ang sama ng tingin nito. “Kanina ka pa, ha.”


“Bakit?” painosenteng tanong niya. Inirapan lang siya nito. 


“Pogi, gusto mo ng masahe?” tanong ng beking nasa katapat nilang upuan.


Napalingon siya do’n. Napakamot siya ng ulo. “Thank you na lang.” wika niya.


“Paanong hindi mangangawit ang balikat mo, ilang oras nakasandal sa’yo ang girlfriend mo.” Hindi niya mapigilang mapangiti sa sinabi nito. Napagkamalan pang girlfriend ko ang katabi ko. Siguradong nadinig ng katabi niya ang sinabi nito. Nilingon niya ng babae. Halatang nagulat ito base na din sa ekspresyon ng mukha nito.






 ( Princess POV )

NANLAKI ang ulo niya sa sinabi ng beki. “Ang sweet mo naman. Ang swerte niya sa’yo.” dagdag pa nito. Patay! Bakit mo ako binukong beki ka? Napagkamalan pa akong girlfriend ng mokong na ‘to.


Lumingon sa kaniya ang lalaki. Sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi nito. “Kaya pala masakit ang balikat ko. Yung girlfriend ko kasi, ginawa akong unan.” may diing wika nito sa salitang ‘girlfriend’. Inirapan na lang niya ulit ito at ibinaling ang tingin sa bintana. Ayaw niyang makipagtalo dito dahil totoo naman talaga. At kung itatama niya ang beki, anong iisipin no’n sa kaniya? Na hindi naman niya kilala ‘tong katabi niya, tapos kung makayakap siya wagas.


“Ang sweet ko ‘no.” nadinig pa niyang sambit ng katabi niya.


Ang sweet mo nga. Para kang langgam, ang sarap mong apakan. Parang gusto niyang sabihan ang driver ng bus na bilisan ang takbo. Parang gusto na nga niyang  bumaba ng bus sa bagal ng oras. Dahil ang ilang minutong paghihintay niya ay parang ilang oras na sa kaniya.






( Aeroll POV ) 

HINDI mawala-wala ang ngiti niya hanggang sa makababa sila ng bus. Paano ba naman yung katabi niya, nagka-stiff neck na ata, dahil simula nang ibuko ito ng beki kanina hindi nito inalis ang tingin sa bintana ng bus. Nang makuha niya ang bag niya ay lumakad na siya. Pero hindi niya mapigilang lingunin ang babaing katabi niya kanina. Huminto siya at hinarap ito. Nakatingin ito sa—sinundan niya ang tinitingnan nito. Dagat? Nilingon niya ang babae. Nakangiwi ito habang nakatingin do’n. Biglang itong napalingon sa kaniya. Napahinto ito sa paglalakad nito.


Kumunot ang noo nito. “Bakit na naman?” inis na tanong nito.


Nagkibit-balikat siya. Bakit nga ba? “Wala lang.” sagot na lang niya.


“Kung gusto mo akong asarin tungkol sa nangyari kanina. Go. Nang matahimik ka na.”


Ang tapang talaga nito. “Hindi ako gano’n.”


Humalukipkip ito. “Eh, ano pang ginagawa mo diyan?” Hindi pa siya nakakasagot ng magsalita ulit ito. “You want me to say thank you dahil ginawa kitang unan kanina? Fine. Thank you po, ha.”


Kumunot ang noo niya. “I told you already , kung magte-thank you ka—”


“Yung sincere.” singit nito.
 

 “Alam mo naman pala, eh. Next time, don’t say thank you kung hindi bukal sa loob mo. Nakakainis ka.” Tumalikod na siya at naglakad palayo dito. Hindi ako makakatagal sa babaing ‘yon.


Pero kanina nakatagal ka sa pwesto ninyo habang natutulog kayo, singit ng kabilang isip niya.






 ( Princess POV )

SINUNDAN niya ng tingin ang papalayong lalaki. Ako pa ang nakakainis? Ako nga ang dapat mainis sa kaniya. Huminga siya ng malalim. Chill lang, Princess! Papangit ka niyan! Kahapon pa mainit ang ulo mo. At ‘yon ay dahil sa lalaking ‘yon. Okay lang ‘yan. You will never see him again. Iyon ang mahalaga. Naghanap siya ng pwesto malapit  sa babaan ng bus. Dito na lang niya hihintayin ang kaibigan niya. Five minutes na siguro siyang nakatayo do’n ng may dumating na bus. Hinintay niya kung do’n bababa ang kaibigan niya. Sana naman at nangangawit na siya, nakaupo na nga siya sa ibabaw ng maleta niya.


“Yes!” Natanaw na niya ito. “Cath!” tawag niya dito. Napalingon ito sa kaniya. Napangiti ito. “Ang tagal mo.” reklamo niya.


“Bakit dito ka nag-intay?” tanong nito ng makalapit sa kaniya.


“Gusto ko dito.” Baka makita ko pa ‘yong lalaking ‘yon. “Para makita agad kita. Tara na nga. Nagugutom na ako.” Hinila na niya ang kamay nito.


“Excited ka, bhest?”


“I’m hungry already. Anong oras na ‘no?” Tiningnan niya ang relo niya. “One thirty na. Pizza lang ang kinain ko kanina sa bus, tapos natulog na ko. Nagising lang ako ng tinawagan kita kanina.”


“Kawawa naman ang bhest ko. Gutom na ‘yong mga alaga sa tiyan niya.”


“Nang-aasar ka ba? Gusto mong kainin kita.”


“May kainan naman sa loob ng terminal, eh. Do’n ka na lang kumain.”


“Nasa’n na nga pala ‘yong pinsan ng Harold mo?” tanong niya. “Baka mamaya paghintayin pa tayo no’n. ”


“Kanina pa siya nandito. O, ayun na pala siya.” May kung sinong kinawayan ito. Kumunot ang noo niya ng makita niya ang isang pamilyar na mukha. Ano ba ‘yan? Bakit hindi pa nakaalis? Nauna ng bahagya sa kaniya si Cathrine. Sumunod lang siya dito. Nakatingin siya sa lalaki kanina sa bus. Nakakunot ang noo nito. Kung hindi mo ako gustong makita, mas lalo ako. Pero nagulat siya ng lumapit si Cathrine dito. Anong—


“Hi Aeroll! Sorry natagalan ako. Si Princess nga pala, bestfriend ko. Bhest, ito naman si Aeroll, pinsan ni Harold.” nakangiting pakilala ni Cathrine sa kanilang dalawa ng lalaki.


“Ikaw?!” sabay nilang sambit ng lalaki. Masyado bang maliit ang mundo para sa kanilang dalawa at madalas silang pinagtatagpo nito?



 ...




5 comments:

  1. luv at second sight, naalala ko ung pick-up line ni john lloyd e. hahaha!

    cute ng story!

    ReplyDelete
  2. John Lloyd: naniniwala ka ba sa love at first sight?
    Tony: hindi Eh ..
    John Lloyd: Ah ,, Okay .. [sabay alis, pero bumalik] Eh sa second sight?
    Tony: Pwede ..


    Ahahahahahaha!!!! Bigla ko din naalala yan! Hahaha!

    cute ng kwento ..

    ReplyDelete
  3. awwwhh!!.. ng cute talaga nila!!.. okay,i must admit na wala akong ginagawa so i decided to read this story.. di ko na namalayan, na engrossed na ako!ang ganda!..

    ReplyDelete

Say something if you like this post!!! ^_^