Sunday, October 27, 2013

Oh My Ghost! - Chapter 8



Chapter 8

[ Jensen’s POV ]


“Bakit ba kasi tayo nagtatago dito?” tanong ko kay Sen. “Ano naman kung makita nila tayo?”


“Shhh... ang ingay mo naman.”


“Bahala ka dyan.” Akmang lalabas ako sa pinagtataguan namin ng hilahin niya ko. Sa lakas ba naman ng hila ng bwisit, muntik na kong mangudngod sa pader. Kinotongan ko nga siya. Kasabay ng isang tili na nagmula sa pinaka sala ng bahay.


“Are you happy now, Sen? May natakot ka na, o.”


Napakamot siya ng ulo. “Ang KJ mo talaga pagdating sa takutan.”


Tiningnan ko siya ng masama. Makuha siya sa tingin.


“Oo na. Oo na. Basta dito lang muna tayo.”


Hindi ko siya pinansin. Tuluyan na kong lumabas sa pinagtataguan namin.


“Insan naman, ba’t lumabas ka?”


May nakita akong dalawang babaeng nakatalikod sa gawi namin na mukhang lalabas na pero hindi natuloy dahil dahan-dahan silang napalingon sa gawi namin.


“Sino kayo?” tanong ng isa sa kanila.


“Sino din kayo?” balik-tanong ni Sen sa babaeng nagtanong.


“Ako ang unang nagtanong.”


“Answer me first.”


“Ladies first.”


“Hindi na uso ‘yon ngayon. Right, insan?”


Hindi ko pinansin ang sinabi ni Sen. Nakatuon kasi ang mga mata ko do’n sa isang babae na katabi ng kasagutan ni Sen. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Hindi ko alam kung nananaginip lang ba ako. And I wanted to make sure.


“Sen, suntukin mo nga ko nang malakas sa braso.” hindi lumilingong utos ko sa pinsan ko.


“What? Okay ka lang, insan? Bakit kita susuntukin?”


“Basta, gawin mo.”


“Okay. Sinabi mo, eh. Walang gantihan, ah.”


“Oo nga. Gawi—Aray!” Nahimas ko na lang ang braso kong sinuntok niya. Masakit. At hindi ako nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog. Unti-unti akong napangiti. “Totoo nga.”


“Anong totoo, insan?”
 

- F L A S H B A C K –

Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Nakikita ko lang naman ang sarili ko na nakahiga. May tubong nakakabit sa bibig ko at kung anu-anong aparato.


“Anong nangyayari? Bakit ko nakikita ang sarili ko?”


Sa pagkakaalala ko, sakay ako ng motor ko para pumasok ng school. Hanggang sa—


Bumukas ang pintuan. Pumasok ang isang doctor. Kasunod ng parents ko.


“Doc, kailan ba magkakamalay ang anak ko?” tanong ni mama.


“I’m sorry to say this, Mrs. Hidalgo. Grabe ang aksidenteng tinamo niya. He’s in coma right now.”


Aksidente? Comatose ako?


Mabilis akong umalis ng kwarto. Nagulat pa ako nang tumagos lang ako sa pintuan. Nasa hallway na ko ng hospital. May mga tao akong nasasalubong pero tumatagos lang ako sa kanila. Palakad-lakad lang ako. Ni hindi ako makaramdam ng pagod.


Ganito ba talaga ang mga kaluluwa? Kahit ilang ektarya ang lakarin, parang ilang hakbang lang?


+ + +


Nandito ako sa lobby ng hospital. Nakatayo sa gitna at pinagmamasdan ang mga tao na palakad-lakad. May mga sumasalubong sakin at tumatagos lang ako sa kanila.


“Parang lumamig ata.” narinig kong reklamo ng taong sumalubong sakin.


“Malapit na kasing mag-pasko.” dahilan ng kasama niya.


Kung alam lang nila ang dahilan ng malamig na pakiramdam na ‘yon.


Naglakad uli ako. At naglakad. At naglakad. Hindi naman ako napapagod, eh. Nakarating ako isang area na may sign na under renovation at restricted area. Gusto kong lumayo sa mga taong nasa paligid ko kaya pumasok ako sa area na ‘yon. Huminto ako maya-maya at nag-isip.


Paano akong makakabalik sa katawan ko?


Hmm... Hinimas ko ang baba ko. Nang hinimas. At hinimas. Teka lang... May naalala ako. Aha! May naisip ako. Pumikit ako at ginawa ang nasa isip ko.


Ilang minuto akong nakapikit nang dahan-dahan kong idilat ang mga mata ko. Para lang mapakamot ng ulo dahil nandito pa rin ako sa kinatatayuan ko.


“Gusto ko nang bumalik!” naiinis na sabi ko. Bakit hindi ako makabalik? Bakit?! Tuluyan na ba kong mawawala? Habang buhay na ba ko magiging ganito? Isang kaluluwa?!


Nag-indian seat ako sa sahig. Bakit ba hindi gumana ang ginawa ko? Dahil ba hindi— Hindi ko na itinuloy ang iniisip ko at napabuntong-hininga na lang. Hindi ko alam kung ilang minuto na kong nakaupo dahil hindi ko naman maramdamang umaandar ang oras.


“Anybody here?”


Kumunot ang noo ko nang marinig ko ang boses na ‘yon. Tumayo ako at hinanap ang pinanggalingan no’n. Hanggang sa makita ko ang isang babaeng nakasandal sa pader. Gumagala ang mga mata niya sa paligid hanggang sa matuon ‘yon sa gawi ko. It was like she was looking at me. Pero hindi, eh. Kaluluwa na kaya ako.


“Kuya, restricted area po ‘to. Bawal daw po ditong gumala.”


Teka lang! Ako ba ang kausap niya? Lumingon ako sa likuran. Baka nando’n ang kausap niya. Pero wala naman akong nakitang tao. Ibinalik ko ang tingin sa babae. Nakatingin talaga siya sakin. Tiningnan ko ang sarili ko. Kaluluwa pa naman ko diba?


“Kuya, nurse ka?”


“Yeah.” sagot ko na lang. Talagang nakikita niya ko?


“Patay! Sorry!” Nag-peace sign ang babae. “Naligaw lang ako dito. Promise! Ba-bye!”


Talagang nakikita niya ko! At wala na siya sa harap ko! “Miss! Wait!” Sinubukan ko pa siyang habulin pero paglabas ko ng restricted area. Wala na siya.


“Nakikita niya talaga ko.” hindi makapaniwalang sabi ko. “Pero hindi niya alam na kaluluwa ako? Pero paano? Saka bakit gano’n siya makatingin kanina sa loob na parang may kakaiba sa paligid niya? Hindi kaya nakakaramdam din siya? Hindi kaya parehas lang kami?”


+ + +


Napangiti ako nang makita ko ang uli ang babae. Papunta siya sa gawi ko nang bigla siyang huminto at humarap sa restricted area. Nilapitan ko siya. Tiningnan ko muna kung may mga tao. Nang masiguro kong wala ay saka ko siya tinawag.


“Psst...”


Hindi siya lumingon.


“Psst...”


Saka lang siya lumingon sakin. Parang nagtataka pa siya kung siya nga ba ng kausap ko dahil nilingon pa niya ang likuran niya.


“I’m talking to you, miss.”


Dahan-dahan niyang ibinalik ang tingin sakin. Tinuro niya ang sarili niya. “Ako?”


“Ay hindi. Yung halamang nasa likuran mo.” Bakit ba siya nagtataka? Hindi naman siya ako na isang kaluluwa para magtaka siya.


“Bakit, kuyang nurse?” tanong niya.


“Kuya? Mukha na ba kong kuya?” hindi makapaniwalang ko. Grabe! First year college lang ako, ah. At mukhang hindi naman nagkakalayo ang edad naming dalawa para tawagin niya kong kuya.


“Ahm. Hindi.”


“Hindi naman pala, eh.” Humalukipkip ako.


“Yun lang po ba ang sasabihin mo?”


“Wag mo nga akong popoin.” Nakakainsulto ‘tong babaeng ‘to, ah.


“Sige, manong nurse. Aalis na ho ako.” Nagmamadali siyang umalis.


“Aba’t! Hoy!” Hindi niya ko tinawg na kuya, tinawag niya akong manong! Hindi niya ko ginamitan ng ‘po’, pero ginamitan niya ko ng ‘ho! Nakakainsulto na talaga siya, hah!


Bakit parang nagmamadali siya at takot siyang kausapin ako? Hindi kaya alam niyang kaluluwa na ako? No! Hindi pwede ‘yon! Siya lang ang tanging taong makakausap ko. Mababaliw na ko kung wala kong makausap na kahit na sino.


At siya din ang taong pwedeng tumulong sakin. Kung makakatulong nga ba siya. Kung alam niyang kaluluwa ako, hindi siya pwedeng matakot sakin. Kaya kailangan ko uli siyang makita.


+ + +


Hindi ako umalis sa restricted area. Hinintay ko na bumalik ang babae kanina. At nakita ko nga siya. Nasa tapat na siya ng elevator. Nakasilip lang ako sa pader.


“Psst...”


Hindi niya ko pinansin.


“Miss!”


Lumingon siya sa gawi ko. Pero hindi man lang siya nagsalita.


“Hey, miss!”


Bakit ba nakatingin lang siya? Hindi na ba niya ko nakikita? No! Hindi pwede ‘yon!


“Come here!” Sana nakikita niya pa rin ako. Sana. Sa—


“Bakit ho?” tanong niya.


Natuwa akong malamang nakikita niya pa rin ako. Pero naiinis ako sa paggamit niya ng ‘ho’. Hindi ako matanda! “Just come here.”


Hindi niya ko pinansin dahil ibinalik niya ang tingin niya sa harap nang nakabukas na elevator.


Shit! Wag kang sasakay! “Miss!”


Nilingon niya ko. Sinenyasan ko siyang lumapit. “Wait lang.” sabi niya. Ibinalik na naman niya ang tingin sa elevator. Na pasara na. Yes!


“Miss!” Nilingon niya ko. Pero hindi siya lumapit. Ano bang problema niya? Nakakasawa na siyang tawagin, ah. “Miss!”


Pagkatapos ng walang katapusang pagtawag ko sa kaniya, saka lang siya lumapit. “Ano ho ‘yon, manong nurse?”


Manong nurse? Naku! Patience, Jensen. Patience. “Come with me.” Humakbang ako papasok ng restricted area.


“Ayoko nga! Ba’t ako sasama sa’yo? Tapos dyan pa?”


Nilingon ko siya. Paano ko ba sasabihin sa kaniya na kaluluwa na ko na hindi siya matatakot? Teka. Sasabihin ko nga ba sa kaniya na isa akong kaluluwa? Paano kung matakot siya?


Hindi ko alam kung makakatulong ba siya sakin para bumalik ako sa katawan ko. Pero kailangan ko lang ng kausap. Kailangan ko ng kasama. Ang hirap ng pakiramdam na isa ka lang kaluluwa. Ang hirap.


“Please.”


Napakamot siya ng ulo. “Oo na. Pero sa bungad lang, ah.”


Nakahinga ako ng maluwag. Hindi ko tuloy mapigilang mapangiti. Humakbang na ko papasok ng restricted area. Hindi kami lumayo gaya ng sinabi niya. Huminto ako sa lugar kung sa’n ko siya unang nakita.


“Manong nurse, anong sasabihin mo?”


Hindi ko muna pinansin ang sinabi niyang manong. “Hindi ako nurse dito.”


“What?!” Umatras siya ng hakbang na parang natakot.


“Wait! Wag kang matakot, okay? Student nurse ako dito. Sa pediatric ward ako naka-assign.” Which is wrong. Nursing ang course ko pero hindi pa ko nag-o-OJT sa pedia ward dahil first year pa lang ako.


“Pero bakit sabi mo kahapon, nurse ka?”


Tumaas ang sulok ng labi ko nang makita ko kung paano magliwanag ang mukha niya. May sinabi ba kong maganda? “Nurse naman talaga ako. Student nurse nga lang.”


“Hindi mo naman sinabi kahapon.”


“Paano ko sasabihin? Bigla ka na lang tumakbo.” At nagulat din ako nang malaman kong nakikita niya ko kaya hindi na ko nakapagpaliwanag.


“Paanong hindi ako tatakbo? Akala ko nurse ka talaga dito. Restricted area kaya ‘to. Baka pagalitan mo ko.”


Kaya pala parang iwas siya sakin kanina. “Restrited area pala ‘to, bakit ka nandito kahapon?”


“Ano kasi...” Inilibot niya ang tingin sa paligid namin. Yung expression ng mukha niya. Parang pamilyar sakin. Ganyan din ako kapag...


“Nararamdaman mo rin ba?” tanong ko. Gusto kong i-confirm kung tama nga ba ang hinala ko na nakakaramdam siya.


Nilingon niya ko. “Rin? Nararamdaman mo rin?”


Wala akong nararamdaman ngayon dahil ako ang kaluluwang nararamdaman niya. Pero nakakaramdam din ako ng kaluluwa. “Oo. Kaya nga nandito din ako nung nandito ka. Napadaan ako dito nang makaramdam ako kaya pumunta ako dito.” Tama nga ako. Kaya siguro siya napadpad dito dahil naramdaman niya ang kaluluwa ko.


“Parehas tayo! Ang galing!”


Kumunot ang noo ko. Bakit parang natutuwa pa siya? “Anong magaling do’n?”


“Kasi parehas tayong may kakayahang ganito. Na makaramdam ng mga kaluluwang nasa paligid natin.”


Nagsalubong ang kilay ko. Nag-iba na ang timpla ng mood ko. “Dapat ba nating ikatuwa ‘yon?”


Nawala ang ngiti niya. “Hindi ko naman sinabing dapat tayong matuwa. At hindi ko din sinabing natutuwa ako kasi may kakayahan akong ganito. Natutuwa lang akong malaman na may makakausap akong tao na makaka-relate sakin kasi parehas kaming may kakayahang ganito.”


“Does it mean na hindi ka natutuwa sa kakayahan mo?”


“Hindi sa gano’n. Hindi—”


“It’s a curse you know.” singit ko sa kaniya. “Ang makaramdam ng bagay na hindi nararamdaman ng normal na tao. Ang maging weird sa paningin ng ibang tao dahil sa kakayahan ko. Ang mabuhay nang hindi normal sa bawat araw na dumadaan dahil sa kakayahang ‘to. Lahat ng ‘to. Sumpa ‘to, eh.”


Sumpa talaga ang tingin ko sa kakayahan kong ‘to. Malayo ang loob ko sa parents ko. Tanging ang pinsan ko lang ang nakakaintindi sakin na minsan hindi pa rin maiwasang pagtripan ako. At bakit parang wala lang sa babaeng ‘to?


“Sumpa? Grabe ka namang magsalita, manong nurse.”


Kumunot ang noo ko. Galit ba siya?


“Oo. Hindi natin ginusto ‘to. Weird tayo sa paningin ng ibang tao, pero hindi naman lahat sila gano’n ang tingin satin. May mga tao rin namang open minded. And it doesn’t mean na kakaiba tayo, hindi na tayo pwedeng mabuhay ng normal gaya ng iba. Kaya naman nating gawin ‘yon, eh.”


“Hindi mo man lang ba naisip na may dahilan kung bakit tayo ganito? Kung bakit sa lahat ng tao sa earth, tayo pa ang nagkaro’n ng kakayahang ganito? Hindi mo man lang ba naisip na pwede tayong makatulong sa ibang tao kung gugustuhin natin dahil sa kakayahan natin?”
 
“Hindi mo man lang ba naisip ‘yon, hah? O talagang never mong inisip ‘yon kaya ganyan ka mag-isip. Sumpa? Grabe! Over grabe ka talaga! Para mo na ring sinabing anghel ako na pinatapon sa lupa. Oo. Ako lang. At hindi ka kasama. At kung mero’n lang fourth eye, pati ‘yon buksan mo na rin. Para naman makita mo ang dapat mong makita at ma-appreciate ang bagay na mero’n ka na wala ang iba. Dyan ka na nga!”


Umalis siya. At wala man lang salitang lumabas sa bibig ko. Inis na sinipa ko ang pader pero tumagos lang ‘yon do’n. Sa lakas ng pwersa ng pagsipa ko, nadulas ako. Nadulas ako na ang kalahati ng katawan ko nasa kabilang bahagi ng pader. Inis na sinabunutan ko ang buhok ko.


Ayoko mang aminin, pero may point ang babaeng ‘yon. Pero masisisi niya ba ko kung bakit ganito ang pananaw ko?


+ + +

No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^