Showing posts with label flash fiction. Show all posts
Showing posts with label flash fiction. Show all posts

Saturday, February 9, 2013

Dalawang Dagli para sa Araw ng mga Puso

Valentines's Gift

Alas-7 ng umaga, kanyang sinamantala ang oras na hindi pa gaanong maalisangan at tirik ang araw. Ayaw niyang lubos na pagpawisan sa kanyang suot na abuhing long sleeves at acid wash na Levis. Puting-puti pa rin ang kanyang Chuck Taylor dahil sa maingat na pag-iwas sa putik at alikabok--- Nais niyang maging presentable sa araw na ito.

Bumababa siya ng kanyang itim na sedan. Tangan-tangan ang isang bouquet ng pulang rosas at isang liham na isinulat sa scented stationary, tinahak niya ang malaparaisong landas patungo sa kinaroroonan ng kanyang pinakamamahal. Araw ng mga Puso ngayon. Sana'y magustuhan niya itong handog ko!

Monday, May 7, 2012

Artikulo (Sudden Fiction)

“Salamat”, marahan at malambing na tugon ng ginang matapos kong iabot ang pahayagang naglalaman ng mga balita noong mga nagdaang araw. Pambihira lamang ang ganitong pagkakataon, bihira lamang kasing lumabas sa balkonahe ang ginang upang magpahangin. Madalas, nagkukulong lamang siya sa loob ng magara nilang tahanan—Tila takot na mabatid ng ibang tao na naroon siya. Ilang beses na ako na rin mismo ang nakatiyempo sa sunod-sunod na pagdating ng mga tao upang sadyain ang ginang. Mariin ko namang itinanggi sa mga nagsadya na naroon nga ang ginang. Tulad na mahigpit na habilin ni Kuya Kulas: ”Kahit nandiyan yung sasakyan ni madam, sabihin mo wala, may pinuntahan.”

Thursday, April 26, 2012

Balahaw

Mabilis na tinakasan ng tsuper ng itim na Toyota Land Cruiser ang aksidenteng kinasangkutan. Parang walang anoman na naganap bagamat may kaunting kaba sa kanyang dibdib. Nangangamba siya na baka mayroong nakasaksi sa pagsalpok ng rumaragasang sasakyan sa papatawid na batang babae.

Saturday, April 21, 2012

Isang Tagpo... Habang Sila ay Nagre-recess

"Kringgggg!!!"

Halos magkandarapa sa paglabas ng silid-aralan ang mga nagmamadali at hindi mapigilang mag-aaral sa ikalimang baitang, ikatlong pangkat. Walang nagawa ang disamayadong guro na naantala sa pagtuturo ng aralin para sa araw na iyon, kung hindi ang paalalahan ang kanyang mga estudyante na maging maingat sa pagpanaog sa hagdan. Nangangamba siya na baka muling mangyari ang aksidenteng tulad noong nakaraang linggo. Pasigaw na sinaway ng guro ang mga batang tila nakawala sa kaniya-kaniyang koral. Hindi ito pansin ng mga musmos. Lahat nag-uunahan; walang gustong maiwan, o maubusan ng kanilang paboritong meriendang mabibili--- Iced candy.