“Salamat”, marahan at malambing na tugon ng ginang matapos kong iabot ang pahayagang naglalaman ng mga balita noong mga nagdaang araw. Pambihira lamang ang ganitong pagkakataon, bihira lamang kasing lumabas sa balkonahe ang ginang upang magpahangin. Madalas, nagkukulong lamang siya sa loob ng magara nilang tahanan—Tila takot na mabatid ng ibang tao na naroon siya. Ilang beses na ako na rin mismo ang nakatiyempo sa sunod-sunod na pagdating ng mga tao upang sadyain ang ginang. Mariin ko namang itinanggi sa mga nagsadya na naroon nga ang ginang. Tulad na mahigpit na habilin ni Kuya Kulas: ”Kahit nandiyan yung sasakyan ni madam, sabihin mo wala, may pinuntahan.”
Bakas sa mukha ng ginang ang karangyaan; makikita sa kanyang mga mata ang kapangyarihan. Sino nga naman ang maglalakas loob na bastusin o kutyain man lamang ang isa sa mga maimpluensyang tao sa bayan? Sinomang payak na tao tulad ko ay tiyak na magdadalawang loob na siya’y lapitan at kausapin. Mapalad na kung tutugunan niya ng “Good morning din!” ang aking pagbati ng “Magandang umaga po”, sa aking tinig na gumagaralgal.
Bago pa man ako umalis palabas ng balkonahe, nakita ko ang pagbuklat ng ginang sa pahina ng mga editoryal at opinyon. Baon ko ang pangamba, habang pilit na hinahakbang papalayo ang aking mga binting nanginginig sa kinalalagyan ng ginang-- Mesang babasagin, malinaw tulad ng kristal; sa ibabaw ay isang tasa ng mainit na kape at ito’y nakapatong sa platito, sa kanan nito, ay armas na bumubuga ng apoy at tingga, sa tantiya ko ay kalibre-45 iyon.
Mainit ang tuwirang pagdampi ng sikat ng araw, mahapdi sa balat. Ngunit ang aking buong sistema’y anong lamig—Tila ang dumadaloy sa aking ugat ay dugong ibinobomba ng pusong nagyeyelo, na nagpapamanhid sa aking mga kalamnan, pati utak. Naninigas ang aking mga braso’t binti. Naramdaman ko ang pagtulo ng pawis mula sa aking noo, ngunit bago pa man ito dumampi sa dapat nitong kabagsakan, natuyo ito dahil sa talim ng sikat ng araw sa kalagitnaan ng umaga. Unti- unting naglaho ang mga bagay na kanina lamang ay aking natatanaw. Liwanag na bumubulag, ni walang tuldok ng kadiliman, walang hanggang kawalan.
Isang linggo pa lamang ang lumipas nang aking isulat sa isang malinis na papel ang aking hinaing, mga sikreto’t pagbubunyag; anim na buwan na rin mula nang ako’y naninilbihan bilang kasambahay sa magarang tirahan ng ginang. Isang taon na rin ang nakakalipas noong huli akong sumulat para sa isang pahayagan. Dalawang taon mula ng ako’y magtapos sa sekondarya, at ngayo’y namamasukan upang bayaran ang aking ginastos sa sampung buwan kong pag-aaral sa unang taon sa kolehiyo.
Nagtiwala ako, ngunit nabulag; naniwalang ang tulad nila ay sinserong tumutulong sa tulad kong maralita at nangangailangan. Nilagyan ko ng piring ang aking mga mata; dinaya ang aking sarili at pinaniwalaang ang buwayang nakikita ko nang harapan ay hindi namiminsala sa labas ng kanilang lawa. Naniwala sa kanilang mga pangako—Na ang aking buhay ay gaganda, magtiwala lamang ako at manatili sa kanilang panig, Sa mga panahong sabik akong tumuntong sa unibersidad, kinalimutan ko na siya’y isang pulitiko—Ang mga pangako’y salitang naglalaho, at napapako!
“Noy…”, marahang tawag sa aking atensiyon ng ginang. Ako’y nagising sa kawalan ng kamalayan. Isang mahina ngunit malutong na mura ang sumunod, murang paukol sa akin. Ang baril na kanina’y nakapatong lamang sa malinis na mesa ay hawak na ng kanyang maruming kanang kamay. Nakatutok sa akin ang tubo. Kinalabit ang gatilyo. Lumabas ang tingga. Pero hindi ko alam kung mas unang lumabas ang apoy, o mas unang umalingawngaw ang hiyaw ng kamatayan. Bumaon sa aking dibdib ang bala, tagos hanggang likod. Hindi lang sa parteng tinamaan sumirit ang dugo. May lumabas din sa bibig. Nagkulay pula ang kanina’y puti kong kamiseta. Ngunit bago pa man dumapo sa sahig ang luoy kong katawan, malakas na halakhak ng demonyo ang aking naulinig, isang pahayag: ”Hindi ang tulad mo ang makakapagpabagsak sa akin! Hindi ang tulad mo ang sisira ng aking blusa na nagtatabing ng baho at kasinungalingan! Ako’y konkreto, tulad ng pader na namamagitan sa kahirapan at pagkagahaman! Ikaw ay isang anay lamang! At ika’y nag-iisa lang!”
Isa pang malakas na halakhak ang aking narinig, bago ako magising mula sa isang masamang panaginip.
grbe! nkkpukaw tlga ng damdamin ang mga gawa mu kuya. ang dming mlalalim n salita n tlga nmng tumtagos sa puso kpg binbsa.
ReplyDeletesalamat po sa iyong nakakaantig na komento :)
ReplyDelete