"Kringgggg!!!"
Halos magkandarapa sa paglabas ng silid-aralan ang mga nagmamadali at hindi mapigilang mag-aaral sa ikalimang baitang, ikatlong pangkat. Walang nagawa ang disamayadong guro na naantala sa pagtuturo ng aralin para sa araw na iyon, kung hindi ang paalalahan ang kanyang mga estudyante na maging maingat sa pagpanaog sa hagdan. Nangangamba siya na baka muling mangyari ang aksidenteng tulad noong nakaraang linggo. Pasigaw na sinaway ng guro ang mga batang tila nakawala sa kaniya-kaniyang koral. Hindi ito pansin ng mga musmos. Lahat nag-uunahan; walang gustong maiwan, o maubusan ng kanilang paboritong meriendang mabibili--- Iced candy.
Sa harapan, sa labas ng paaralan, ay naroon ang tindahang yari sa bulo at pinagtagpi-tagping lona. Ito ang natatanging tindahan na maaring puntahan ng mga mag-aaral na nagtitipid, o kung hindi man, ay yung mga said at sapat lamang ang baong pera para makabili ng pinatigas at pinalamig na Milo. Sa papainit na umaga, halos magiba ang tindahang pinagsisiksikan ng mga batang tila uhaw na uhaw. Sapat na ang chocolate flavored iced-candy upang mapawi ang alisangan sa kanilang katawan, o ang gutom, o maging ang uhaw.
Mapalad at sa araw na iyon ay naunang nakarating sa tindahan ang mga nasa ikatlong pangkat, o pangkat ng mga maralita at mahina ang utak, para sa iba. At kung mas nauna ang mga nasa ibang pangkat, o ang mga nasa ikaanim na baitang, o kahit ang mga mas mababang baitang, marahil ay wala ng daratnan ang mga mag-aaral na sapat lamang ang barya pambili ng ice candy. Tiyak na mauubusan sila dahil sa limitado lamang ang bilang ng nasabing pampalamig, at ito'y hindi sasapat upang pagbilhan ang lahat ng mga mag-aaral, o ng mga nais pang bumili. At kung magkagayon, ang mga nasa ikatlong pangkat ay matatagpuan kung saan-saang sulok ng bakuran ng paaralan. Naging libangan nila na kapag oras ng recess ay maglaro na lamang, sa halip na gumugol ng pera upang kumain, o kung walang ice candy na mabili.
At iyon ang gustong-gusto ni Allen. Ang maubusan ang kanyang mga kamag-aral. Na mauna ang lahat ng pangkat sa bawat baitang. At sa gayon, hindi siya mag-iisang nagmumukmok sa batong upan saMath Park, at maghihntay na mag-alok sa kanya ng out-an. At walang ibang bata na kanyang inaasahang makalaro kung hindi ang mga kamag-aral niya lamang. Siya ay anak pawis na kabilang sa pinakamararalitang pangkat, sa isang pampublikong paaralan.
Mapalad na si Allen kung minsan sa isang linggo ay magkaroon ng isa, o dalawang pisong laman ang maluwag na bulso ng kanyang "de- straw" na shorts. At hindi sa lahat ng pagkakataon, makakatikim siya ng ice candy tulad ng kanyang mga kamag-aral. Dahil kung mas madalang ang pagkakaroon niya ng baong barya, ganoon rin naman ang dalang na mauuna ang kanilang pangkat sa tindahan sa harap ng paaralan.
Nais na ni Allen na mabilis na lumipas ang mga oras na siya'y nakaupo sa batong upuan. Huminga siya ng malalim. Tumingin sa malayo na tila nag-iisip ng malalim. Maya-maya'y isang batang babaeng may tangan-tangang natutunaw na ice candy ang patakbong lumalapit sa kanya, si Remi, isa sa kanyang mga kamag-aral na mapalad na nakabili ng pinagkakaguluhang ice candy. Hindi napansi ng batang lalaki ang pag-upo sa tabi niya ni Remi.
"Allen, ice candy oh...", alok ng batang babae.
Halos hindi matinag sa pagkatulala ang batang lalaki.
"Allen?", sabay sabat sa harapan ni Allen ang natutunaw na pampalamig.
Sa oras na iyon ay nagising na ang ulirat ng lalaking kamag-aral.
"Salamat", marahan niyang tugon.
Pinagmasdan ni Remi ang bawat pagkagat, paghigop at paglunok ni Allen.
"Sa susunod meron pa kaya nito?", usisa ng batang lalaki sa katabi nang hidi niya tinitignan ito.
"Siguro"
"Eh sa sususnod na susunod na taon kaya?"
"Graduate na tayo nun!"
"Ahmmm, ayokong mag-graduate..."
"Bakit naman?"
Tila nag-isip ng malalim si Allen.
"Sabi ng pinsan ko, mahal daw ang bilihin sa hayskul, at wala na daw tigpipisong ice candy dun."
Naantala ang pag-uusap ng dalawa ng biglang tumunog ang electric bell. Hudyat na para magsibalikan ang mga mag-aaral sa kaniya-kaniyang silid-aralan.
"Kringgggg!!!"
Halos magkandarapa sa pagbalik ng silid-aralan ang mga nagmamadali at hindi mahadlangang mag-aaral ng ikalimang baitang, sa ikatlong pangkat. Pasigaw na sinaway ng guro ang mga batang tila nakawala sa kaniya-kaniyang koral. Pinaalalahanan ng gurong naka-assign sa mga oras na iyon ang kanyang mga estudyante na maging maingat sa pag-akyat ng hagdan. Nangangamba siya na baka muling mangyari ang aksidenteng tulad noong nakaraang linggo. Hindi ito pansin ng mga musmos. Lahat nag-uunahan; walang gustong maiwan, o maubusan ng kanilang silyang pag-uupuan..
napakalalim mo talaga magsulat. gustung-gusto ko.
ReplyDeleteand speaking of ice candy, parang gusto ko tuloy kumain nun kaso walang nagtitinda saamin dito. T^T
hehe! Salamat po ate. Ang sarap ngang isulat niyan eh. Ayan po 'yung piece na sinulat ko nga muna sa papel, pero nung tinype ko na, nag-iba na po 'yung takbo ng istorya. Hehe :)
ReplyDeleteWahehehe.. pareho tayo ganyan din ako magsulat.. sinusulat ko muna sa papel pero kapag tinype ko sa pc umiiba na..hahaha! PArang ini edit lang..
Deletehehe, pero diba mas ayos 'yung ganung istilo... Mas malaya yung isip mong makalikha ng mas malalalim na pagpapakahulugan sa isinulat mo :)
Deleteoo.. tama ka.. minsan kasi bumabago din ang isip natin..
Deletewow naaalala ko tuloy nung hi-scol ako, nung kasali pa ako sa journalism... dapat maging makata..hehehe,,,
ReplyDelete