Saturday, January 24, 2015

Psycho's Love Interest : Chapter 32

CHAPTER 32


Bakit kailangan maranasan ni Richelle ang lahat ng ito?



Mga chismosa, bullies, stalkers, mga manyakis at rapists, at mamamatay-tao. Ngayon, biktima na rin siya ng mga kidnappers!



Bakit ang malas niya? Ano bang kasalanan niya? Bakit siya?



Halos isang oras na nagpasikot-sikot muna ang sinasakyan nila hanggang sa makarating sila sa isang private lot. Lubog na ang araw, piniringan pa ang mga mata ni Richelle bago sila bumaba ng sasakyan.



Makikilala na raw niya ang boss na tinutukoy ng mga kumidnap sa kanya. Ang tanong, sino kaya ito? At anong kailangan nito kay Richelle?



= = = = =



Samantala, malaking tulong naman ang pagpasok ni Doctor Greg sa eksena. Sa mga nalalaman nito at pagkumbinsi kay Shane na magsabi na ng totoo, mas naging malinaw na rin sa wakas ang lahat para kay Detective Dante. Kilala at sigurado na siya kung sino talaga ang tunay na Triple-face Killer.



Maglalabas na sana siya report upang sabihin na na resolba na ang kaso… ngunit isang masamang balita ang bumungad sa kanila nang dumating si Rey. “Sir Dante… may emergency po tayo…”



“Bakit? Anong nangyari?”



“Si… si Carlo po… natakasan po niya yung mga nagbabantay sa kanya…”



“ANO?” Sabay na naibulalas ito Shane at ng detective.



Ngunit may mas ilalala pa pala ang balita ni Rey. “At si Richelle Ariano po. May kumidnap po sa kanya.”



Halos nagwala na si Shane sa pwesto niya. “Pakawalan niyo ako! Tanggalin niyo na ‘tong posas ko! Kailangan ako ni Iche! Nasa panganib siya! Kailangan ako ni Iche!”



“Huminahon ka.”



“Hindi pa natin alam kung saan siya dinala.”



“ANO BANG GINAGAWA NIYONG MGA PULIS! BAKIT HINDI NIYO SIYA BINABANTAYAN NG MAIGI! KAPAG MAY NANGYARING MASAMA SA KANYA… KAPAG MAY NANGYARING MASAMA…” Dahil sa pagpapanic ni Shane, nakadadagdag din ito sa tensyon ngayon ni Detective Dante.



‘Sino na namang may pakana nito?’ Tanong niya sa sarili dahil kung kailan akala niyang tapos na ang lahat, saka may panibago na namang problema.



Lumayo muna sila sandali kay Shane at ipinaubaya sa Doctor Greg ang pagpapakalma rito.



“Rey, paanong may kumidnap kay Richelle? Diba may mga pulis naman tayong pinagbantay doon?”



“Mga armadong kalalakihan daw po ang sumugod. Pero ipinagtataka ko nga rin, hindi sila nakapagpaabot ng distress signal or call kaya walang ibang naka-respundeng pulis noong oras na nangyayari yun.”



“Inside job.” Ito na agad ang tinitignang anggulo ng detective. “Wala bang ibang witnesses nun na makapagtuturo kung saan nila dinala si Richelle?”



“Mga hospital personnels lamang po sila at wala ni isa sa kanila ang makapagturo.”



Panibagong problema na naman. At tila ba nakakawala ng pag-asa ang sitwasyon nila ngunit sa ‘di inaasahang pagkakataon, may nag-ring na cellphone.



“Cellphone ni Iche yun!” Naisigaw ni Shane nang marinig niya ang pamilyar na message tone na gamit ni Richelle.



Kasama pala ang cellphone doon sa box na dala ni Detective Dante kaya agad nila itong hinalungkat at nang i-check na nila ang message, mula ito sa isang unknown number na nagsasabi ng lokasyon ng pinagdalhan kay Richelle.



= = = = =



Nakaupo na sa isang upuan si Richelle. Nakapiring pa rin ang mga mata niya at nakatali ang mga paa at kamay.



Sinuotan siya ng isa sa mga kidnappers ng earphones at ipinapakinig siya ng mga nakabibinging heavy metal songs. Sa sobrang lakas nito, sumasakit lalo ang ulo niyang may sugat pa. Kung sana lang mga kanta ni Lana Del Rey ang pinakinig sa kanya, baka sakaling nakapag-relax pa siya.



Matapos ang halos kalahating oras ng tila ba torture sa kanya, tinanggal na ito sa kanya ng tenga. Inabot ng ilang sandali bago nakapag-adjust si Richelle sa sandaling katahimikan. At bagamat hindi pa rin niya nakikita ang lugar o kwartong kinaroroonan na niya, naririnig na niya ang boses ng mga kidnappers kasama ang tinatawag nilang boss.



Sa usapan ng mga ito, inside job nga ang dahilan kaya tagumpay sila sa pagkidnap sa kanya. May malakas palang kuneksyon sa pulis ang kanilang boss.



“Tanggalin niyo na ang piring sa mata niya.” Utos ng malalim na boses ng lalaki at sinunod naman ito.



Pinagpapawisan na ng malamig si Richelle at hinahanda ang sarili na makita na ang mukha ng nagpakidnap sa kanya.



Isang matandang lalaki ang nakatayo sa harap niya, nasa edad singkwena na siguro. Sa kanyang gilid, mas isang babaeng nakakapit sa kanyang braso at asawa siguro ito.



Nilibot pa ng tingin ni Richelle ang paligid at may nakita pa siyang isang matandang lalaki na abala naman sa pag-aayos ng mga gamit sa isang lamesa. Mas bata ng kaunti ang itsura nito—at medyo pamilyar din ang lalaking ito.



Maayos ang pananamit ng mga ito. Mukha namang mayayaman kaya impossible nang kidnap-for-ransom ang dahilan nito.



“Hindi mo kami kilala pero ikaw, kilala namin.” Sabi ng boss. “Ikaw ang dahilan kung bakit pinatay ang mga anak namin.”



Nanuyo na ang lalamunan ni Richelle. Mas lalo na siyang kinabahan.



Nagpakilala na yung boss at asawa nito na sila raw ang mga magulang ni Miggs. Yung isa pang lalaki na pamilyar sa kanya ay siyang daddy naman ni Sherrie—ang may-ari ng NEU.



Isa lang ang dahilan nila para ipakidnap si Richelle, iyon ay para ipaghiganti ang kanilang mga anak. Si Richelle lamang ang nararapat na pagbuntunan ng galit nila dahil siya nga naman ang dahilan ni Triple-face Killer kung bakit ito pumapatay.



Lumapit ang nanay ni Miggs at sinampal si Richelle ng kabilaan. “Maling tao ang binangga ng kaibigan mo!” Sakai to lumapit sa mga tauhan nila at kinuha ang baril nito para itutok sa kanya. “Ipaparamdam namin sa mamatay-taong yun kung paano rin mawalan ng minamahal.”



Halos hindi na makahinga si Richelle sa baril na nakatutok sa kanyang mukha. Halos sigurado na siyang pasasabugin na nito ang bungo niya pero pinigilan yung babae ng kanyang asawa.



“Dear, napag-usapan na natin kung paano natin siya papatayin, diba? Hindi tayo gagamit ng baril para mas mabagal, mas brutal.”



Nagtaka at mas lalong kinabahan si Richelle sa kung anong ibig sabihin noon.



Yung mga gamit pala na kanina pa inaayos ng daddy ni Sherrie ay mga pang-torture tools. May mga medical equipments, electroshock weapons, iba’t ibang klase ng kutsilyo at kung anu-ano pang bagay na sa mga gory films mo lang napapanood. Saka pa lang din napansin ni Richelle na mga sinet-up din pala silang video cameras sa paligid.



Sa wakas naman, nagsalita na ang daddy ni Sherrie, “At higit pa sa ginawa ni Shane sa anak ko at sa lahat ng mga biktima niya, pahihirapan ka namin hanggang sa hilingin mong patayin ka na lang namin agad. Tignan ko lang ang kung anong maging niya kapag pinanood na niya ang video mo.”



Nagsialisan na ang mga tauhan upang pabayaan ang kanilang mga amo sa krimeng balak na gawin. Nanaghoy naman si Richelle at nagmakaawa sa kanila. Ngunit dahil balot na ng matinding galit ang mga ito, balewala ang kanyang pagsusumamo.



Nagsuot na ng kanya-kanyang maskara ang mga naghihiganteng magulang at upang kumpletuhin ang palabas, nagpatugtog din sila ng kanta ni Lana Del Rey. Balak nilang gayahin si Triple-face Killer upang ipamukha na sila ang mas dapat katakutan.



Hindi naman na alam ni Richelle kung matutuwa pa ba siya sa kanyang naririnig.



Sa pagkakataong ito, isang tao na lang ang pumasok sa isip niya na tutulong sa kanya. Ang taong palaging dumarating kapag nasa panganib siya. Ang lalaking unang nagpakilala na siya raw ang totoong Triple-face Killer.



“Zenn...” Pumikit siya at tinawag ang pangalan niya na para bang nagdadasal, “Zenn, tulungan mo ako ako…”



May kanya-kaya nang torture devices ang tatlo. Tumatawa silang parang mga demonyo.



“Zenn, please dumating ka…”



Dahan-dahan pa silang lumapit at isang matalas na bagay na ang natutok sa mga mata ni Richelle pero...



“ZENN!!!” Buong lakas na niyang isinigaw.



At namatay bigla ang ilaw.



“Anong nangyayari—”



Umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril sa labas ng kwarto. Nagkakagulo ang boses ng mga tauhan hanggang sa sumunod na ang nakapangingilabot na katahimikan.



Madilim na rin sa kwartong kinaroroonan nila. Tanging yung mga maliliit na ilaw na nagmumula sa mga naka-set-up na camera ang makikita.



Tinawag ng boss ang kanilang mga tauhan ngunit wala nang sumagot isa man sa mga ito. Bakas ang takot sa mga boses nila, pare-parehong naduduwag at nagtutulakan kung sino ang dapat sumilip sa labas para alamin ang nangyayari.



Dahan-dahang may bumukas na sa pinto—tila ba isang halimaw na mananakot ng mga bata. Yung katiting na liwanag mula sa labas ang dahilan para maaninag nila ang isang lalaking may suot ng orihinal na triple-face mask.



Binaril ni Triple-face Killer ang tatlo pero hindi upang patayin kundi para lamang mapaluhod ang mga ito sa sahig. Saka ito sumenyas gamit ang daliri—lagot na sila.



Sunod ay tumingin ito sa direksyon ni Richelle. Gumilid ng kaunti ang ulo nito, para bang sinasabing ligtas na siya.



“Shane Venavidez!” Nakahugot naman ng lakas pa para magsalita ang daddy ni Sherrie, “Gago ka! Alam na naming ikaw yan!”



Pumasok na sa loob si Triple-face Killer, “Hindi ako si Shane.” At mulo niyang sinarado ang pinto upang bumalot ulit ang kadiliman sa buong kwarto.



Naramdaman ni Richelle ang paglapit sa kanya ni Triple-face Killer at hinalikan pa siya nito sa gilid ng leeg. Inabutan siya nito ng kutsilyo upang matanggal niya ang tali sa kamay.



Pagkatapos, narinig ni Richelle ang paglapit nito sa tatlo. Hindi niya nakikita ang nangyayari pero puro sigawan, tulakan at sasaksakan ang naririnig niya.



Nagawa na rin namang pakawalan ni Richelle ang kanyang sarili. Ngunit dahil sa nagaganap na away sa loob, para bang napako na siya sa kinatatayuan niya dahil sa takot.



Si Zenn iyon laban sa tatlo. Kahit pa pinagbabaril na niya ang mga ito kanina, paano kung hindi pa rin kayanin? Paano kung masaktan pa rin siya?



Habang patuloy na nagaganap ang bakbakan sa dilim, hindi rin maiiwasan na matalsikan ng dugo si Richelle. Pagkatapos ay may narinig siyang dalawang magkasunod na pagbagsak ng mga katawan. Ang huli ay ang naghihingalong boses ng mommy ni Miggs, “Masusunog ka rin sa impyerno…”



Sa wakas ay natapos na rin ang sigawan… ngunit parang hindi pa rin tapos ang patayan. Naririnig pa rin ni Richelle ang tuluy-tuloy na pagsasaksak ni Triple-face Killer sa isang katawan. Ang tunog nun ay parang karneng ginigiling gamit lang ang kutsilyo.



“Zenn, nasaan ka…” Nangapa sa dilim si Richelle na hinahanap si Zenn. “Tama na…”



Tumigil naman din ito at lumapit sa kanya. Nang magkahawak sila ng kamay, hinila ni Zenn si Richelle para yakapin ng mahigpit. Ligtas na siya—iyon ang ibig sabihin ng pagyakap sa kanya.



“Hindi ko na kayang sumuko, Iche.” Ibinulong ng binata sa kanyang tenga. “Payagan mo na lang akong manatili sa tabi mo.”



“Pero hinahanap ka ng mga pulis…”



“Naniniwala na silang si Shane si Triple-face Killer. Sumama ka saakin at tumakas na lang tayo. Ipagtatanggol kita sa kahit na sino.”



Unang bumitaw sa pagkakayakap si Richelle. Kahit madilim, alam niyang magkaharap na sila. Kinapa niya ang mukha ng binata at natatakpan ito ng maskara. Nang tanggalin niya ito, sunod niyang hinanap ang labi ni Zenn upang halikan ito.



“Sasama na ako, Zenn.” Ibinulong naman ni Richelle. Nakapagpasya na siya, “Sasamahan kitang tumakas.”



Naghawak-kamay na ang dalawa at handa nang lisanin ang lugar na iyon.



Ngunit muling bumukas ang pinto dahil sa pwersa ng pagsipa mula sa labas ng kwarto. Inilawan sila at may mga pulis pang nakatutok ang baril sa kanila.



Isang tao ang namukhaan ni Richelle sa grupo ng mga pulis na dumating—si Shane na may hawak rin ng isang baril at pinaputukan nito si Zenn.



Noong mga oras na iyon, para bang bumagal ang takbo ng mundo ni Richelle.



Bumagsak sa semento si Zenn. Tumingin pa ito kay Richelle habang may tumutulong luha sa mata at ilang sandali pa, tuluyan na itong nawalan ng hininga.



“Hindi…” Nanginginig naman ang boses ni Richelle na yumakap sa wala nang buhay na binata. “Zenn! ZENN!!!”



Nang lumapit sa kanya si Shane, doon na bumuhos ang hindi maipaliwanag na emosyon niya. “Walang hiya ka, Shane! Pinatay mo si Zenn! Pinatay mo si Zenn!”



Parehong nabasag ang puso nila noong mga oras na yun. Kinailangang patulugin si Richelle upang mapakalma ito at madala sa ospital.


End of Chapter 32



No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^