Wednesday, December 17, 2014

Another Wizard's Tale : Side Story 7

:Side Story 7:
(The Author)


Kasalukuyang nagka-klase ngayon ang mga Class E o yung mga nasa Beginners level pa lamang sa camp na ito. Dibdiban ang pag-aaral nila tungkol sa History of Magic and Wizardry.

Para sa lahat, ang parteng ito ng kanilang pag-aaral ang pinaka-boring dahil puro notes, lectures, discussions at sangkaterbang memorizations lang ang ginagawa. Katulad lamang ito sa mga karaniwang klase sa Mortal World—walang magic, ibig sabihin ay walang thrill. Lalong walang shortcut, kung kailangan mong mag-sunog ng kilay sa pag-aaral, gawin mo.

Ngunit kahit gaano pa ito ka-boring, ito naman rin ang pinakamahalagang dapat nilang matutunan. Bago kasi makaangat sa Primary level o Class D, kailangang 100% nilang maipasa ang oral at written tests. Sa oras na magpabaya sila sa pag-aaral o kahit simpleng detalye lang ang makalimutan nila, hindi sila kailanman makakaangat ng ranking.

“Okay, may makapagsasabi ba sa inyo kung sino ang naging kauna-unahang Class S Wizard sa buong kasaysayan ng Otherworld?”

Sabay-sabay na nagtaas ng kamay ang mga estudyante. Syempre pa, walang hindi nakakakilala sa taong iyon.

“Si Arturius Flemwall po!” Sagot ng estudyanteng tinawag ng guro nilang Class A+ Wizard na nasa edad singkwenta na.

“Magaling! At ilang taon siya noong maging Class S siya?”

“63 years old po!”

“Tama!” Saka nagharap ang guro ng painting ni Arturius Flemwall. “Hindi lahat ng mga magagaling na Wizard at Sorceress ay nakakaabot sa ganitong ranking. Maka-graduate ka man dito sa camp at maging Class A+, walang kasiguraduhan kung makakaya mo pang iangat ang sarili upang umabot sa supreme level na ito.”

“Sir…” Napataas naman ng kamay ang isang estudyante upang magtanong, “Totoo po ba na kung wala kang dugong Flemwall, mahirap talaga na umabot sa ganoon level?”

Napangiti ng mapait ang guro. “Totoo. Bukod sa family secret na mayroon sila, nanalaytay na rin mismo sa mga dugo at ugat nila ang natural na paggamit ng kapangyarihan—idagdag pa na mga Luxurians sila kaya sila ang talagang tinitingala pagdating sa Wizardry.”

Sa mga sinabing iyon ng guro, halata ang pagkadismaya ng buong klase.

“Ngunit, hindi rin naman ito imposible para sa mga non-Flemwall!” Agad na idinagdag ng guro upang hindi panghinaan ng loob ang buong klase. “Sa naitalang kasaysayan ng Wizardry, dalawang non-Flemwall na ang nakagawa noon. Ang una ay kinilalang si Master Berinon Priery na ipinanganak noong 1630. Sa edad 65 siya naging Class S at siya ring nagtayo ng Orcen Library na matatagpuan lamang sa Mortal World. Ang pumapangalawa na alam kong kilala niyo rin ay isang Master Sorceress na kasalukuyan namang naninirahan sa Light Blooming Forest—si Sorceress Louhi.”

Saka ulit napangiti ang guro ngunit sa pagkakataong ito, wala nang bahid ng pait kundi pag-asa na lamang ang nakikita sa mga mata niyo. “Tulad ko na non-Flemwall na nangangarap pa rin na maging Class S balang-araw, gawin nating ehemplo sina Master Berinon at Sorceress Louhi upang maabot ang pangarap na iyon!”

Nagkatinginan ang lahat, napatango sila at nabubuhayan ng loob. Nang may isang sumigaw na isinusumpa niyang magiging Class S siya, sinundan din ito ng lahat.

Yung boring na klase, sa wakas ay nagkaroon din ng ingay. Kaya nga lang, “Oh siya! Bago pala kayo mangarap na maging Class S, lampasan niyo muna ang klaseng ‘to.”

Okay na sana ang lahat. Inspired na sila kahit papaano, yun nga lang, may kumalat na nakasusulasok na amoy sa buong lugar. “Class, sino yung nagpasabog?” Napatakip ng kanyang ilong ang guro. Pinaypayan niya ang lugar pero naamoy pa rin niya. “Argh! May umutot!”

“Hindi ako!”

“Mas lalong hindi ako.”

“Baka si ano—”

“Hindi ako yun ah!”

“Parang dito banda nanggagaling yung amoy eh!”

“Waaaaah! Nakakasuka, galing yata sa taas!”

“Walang aamin sa inyo kung sino yung umutot?”

“Sir, hindi nga po kami yun!”


End of Side Story 7


1 comment:

  1. wahahaha! fart spell ni Sylfer mhilhabs!





    -CASSANDRA16^_^

    ReplyDelete

Say something if you like this post!!! ^_^