Thursday, July 10, 2014

Psycho's Love Interest : Chapter 15

CHAPTER 15


Tatlong araw na may pasok ngunit piniling umabsent nina Richelle at Shane. Matapos ang insidenteng may kinalaman kay Carlo, lumipat na si Richelle sa apartment ni Shane—tuloy na talaga ang pagsasama nilang dalawa.



Gusto pa nga sana ni Shane na malipat sila sa ibang floor para mas malayo kina Carlo, pero dahil wala naman nang ibang bakante sa building na yun kaya wala na silang nagawa kundi manatili roon. Inisip na lang nila na at least, napagigitnaan naman nila yung nabakanteng apartment ni Richelle. Hindi man ganun kalayo ngunit may sapat nang distansya.



Bukod doon, nagpa-install na rin ng mga security cameras si Shane sa balcony at sa entrance ng apartment bilang dagdag seguridad. Kung may balak pa na masama si Carlo, mas handa na sila.



Nagdaan pa ang Sabado at Linggo, at dumating ang araw ng Lunes. Simula na ng foundation week sa North Erden University. Wala namang masyadong namiss ang magkaibigan noong mga araw na hindi sila pumasok—liban lang kay Richelle na may namimiss na isang tao. Si Zenn.



Kataka-takang hindi na naman uli ito nagpaparamdam. Hindi maiwasang isipin ni Richelle na maaring may tampo pa nga si Zenn sa kanya.



Busy na ang lahat, lalo na ang mga school orgs at mga estudyanteng nagtayo ng kani-kanilang booths. Sa panahon din kasi na ito ay bukas ang university sa mga outsiders. Si Richelle na hindi pa naman kabilang sa kahit na anong organization ay nakatambay lang at nagmamasid.



‘Sana pala, hindi na rin ako pumasok ngayon.’ Pagmamaktol niya sa isip. ‘Kung sana man lang nagti-text o nagri-reply si Zenn, hindi sana boring ngayon.’



Napabuntong-hininga siya, at saka sinilip ang cellphone. Puro texts lang ni Shane ang natatanggap niya—at may recent text pa uli galing dito. Nag-aaya si Shane na makipagkita sa kanya at dahil wala nga naman siyang ginagawa kaya agad niya itong pinuntahan.



“Oy!” Salubong ni Richelle nang magkita uli sila ni Shane. “Bakit? Anong kailangan mo?”



“Wala akong magawa eh. Nakatambay lang. Eh ikaw?”



“Tambay lang din. Sunud-sunod na hindi natuloy yung klase ko kanina. Baka yung mga susunod na class ko mamaya, tamarin din na magturo yung prof.”



“Ganun talaga kasi foundation week. Maglibut-libot na lang muna tayo.” Pag-aaya ni Shane saka ito umakbay kay Richelle.



“Uwi na lang tayo. Ang boring eh.”



“Mas boring kapag umuwi tayo agad.” At nagsimula nang maglakad si Shane. “May naisip akong puntahan. Yung NEU Museum.”



“Ha?”



“Marami akong mga kaibigan na tuwang-tuwa dahil sa wakas daw ay nai-display rin yung mga gawa nila. Gusto ko lang tignan.”



“Sinong mga kaibigan?”



“Yung mga kaibigan kong Fine Arts ang course. Sabi nga nila, pati raw yung kay Trent, naisama eh.”



“Si Trent? Yung photo collage niya?”



“Teka paano mo nalaman na ay kinalaman sa photography yung ginagawa ng kumag na yun? Nasabi ko na ba sayo yun?”



Natigilan bigla si Richelle. Hindi pa nga pala niya nasasabi kay Shane yung pagsunud-sunod sa kanya noon ni Trent para lang kuhaan siya ng pictures ng walang paalam. Pero dahil nag-sorry naman ito sa kanya, mukhang ‘di rin naman magiging problema kung sasabihin niya ang totoo kay Shane—kahit pa may konting pagbabago ito.



“Um… kasi nagpaalam saakin noon si Trent. Ayun sabi niya nga photographer siya… tapos kinuha niya akong subject para sa project niya.”



“Talaga? So nag-photoshoot kayo ng ‘di ko alam?”



“Hindi! Actually, stolen shots yung ginawa niya.”



Napa-isip si Shane sa sinabi ni Richelle. “Stolen shots? Bale parang sumusunod-sunod siya sayo? Parang—”



“Stalker?”



“Hindi! Paparazzi!”



“Ah oo… paparazzi. Parang ganun nga.”



“Lalo tuloy akong na-curious sa ginawa niya sa mga pictures mo.”



Agad nang nagpunta ang dalawa sa NEU Museum para tignan ang gawa ni Trent. Sa may featured photography section sila nagtungo at doon ay inisa-isa ang mga gawa ng estudyante. Ngunit nang mahanap na nila pareho ang pangalan ni Trent, ibang photo collage niya ang naka-display.



“Hindi naman ikaw ‘to, Iche.” Saad ni Shane habang nakatitig sa pinagpatong-patong na litrato ng iba’t ibang babae. Kahit pa inisa-isa na niya ang mga yun, wala siyang nakita na kahit na anong picture ni Richelle.



“That’s weird. Sabi niya, gandang-ganda siya sa mga kuha niyang pictures saakin.” Medyo napasimangot na komento ni Richelle. Maging siya ay nagtataka kung bakit hindi yung pictures niya ang ginamit ni Trent. “Ginoyo lang siguro ako ng kaibigan mong yun.”



“O pwede ring magaganda talaga yung mga pictures mo. Sinolo lang ng kumag na yun.” Napapailing na sabi ni Shane. “Kapag nagkita kami ni Trent mamaya. Tatanong ko nga sa kanya.”



Habang nag-uusap sila tungkol kay Trent ay sakto namang napadaan din ang isa sa mga kaibigan ni Shane na nakakakilala rin kay Trent. Sinadya talaga nitong tumigil sa harap nila. “Shane, hinahanap mo si Trent?”



“Oo sana. Nakita mo ba?”



“Naku! Mukhang ‘di yata papasok yun!”



“Bakit?”



“Hindi mo pa alam? Na-holdap siya kamakailan lang. Pauwi na raw siya noon nang may humarang na nakamaskarang lalaki sa kanya tapos tinangay nun yung motor at tsaka yung DSLR niya.”



“Ano! Eh kamusta naman raw si Trent?”



“Hindi naman siya sinaktan. Na-depress nga lang.” At habang kinu-kwento ito ay napatingin ito sa naka-frame nang photo collage ni Trent. “Hindi raw dapat yan yung mga pictures na gagamitin niya. May mas magaganda pa siyang shots dun sa nanakaw niyang camera.”



Nagkatinginan ang mag-bestfriend dahil sa nalaman nila. Kung ganun pala, nakasama yung mga pictures ni Richelle sa nakuha nung mga magnanakaw. Bukod sa awa kay Trent ay pareho rin silang nakaramdam ng panghihinayang sa mga nawalang mahahalagang gamit nito.

= = = = =



Sabay nang naglakad paalis ng NEU Museum ang magkaibigan. Pareho silang tahimik, parehong may malalim na iniisip. At napansin ni Shane ang mukha ni Richelle na halata ang pagkabagabag sa tila ba sunud-sunod na insidente ng mga krimen at nakawan.



“Gusto mo nang umuwi?” Pag-aaya nito na agad din namang sinang-ayunan ni Richelle. Pareho nga naman din kasi silang wala nang gagawin kundi ang tumambay na lang.



Ngunit papunta pa nga lang sana sila sa car park, nag-vibrate ang cellphone ni Richelle dahil sa na-receive na text. Sigurado siyang hindi galing kay Shane ang text na yun dahil magkasama naman sila ngayon. Isang tao lang ang naisip niya at natuwa siya na malamang tama nga ang palagay niya.



“Happy foundation week, Iche!” Sabi sa text ni Zenn.



“Zenn! Tagal mong hindi nagparamdam ah. Nasaan ka? Anong ginagawa mo?” Reply naman agad ni Richelle.



At makalipas ang ilang segundo, “Heto, nakatanaw ako sayo. Pwede bang wag ka na munang umuwi?”



Napatigil sa paglalakad si Richelle nang mabasa ang reply na yun ni Zenn. Nilingon-lingon niya ang buong paligid para hanapin ang kinaroroonan ng binata ngunit hindi niya ito makita. Para bang nakikipaglaro pa ito ng taguan.



“Iche!” Muli namang inagaw ni Shane ang kanyang atensyon. Nakapamewang ito at bakas ang pagtataka sa mukha. “Anong pang ginagawa mo? Tara na! Uuwi na tayo, ‘di ba?”



Ngumiti ng inosente si Richelle, saka dahan-dahang humakbang paatras. “May nakalimutan ako. May gagawin pa pala ako eh!”



“Akala ko ba—”



“Ite-text kita, promise! Sabay tayong uuwi mamaya! For the meantime, pumasyal ka na lang muna!” At saka mabilis na tumakbo si Richelle. Sinigurado pa niya na dumaan sa medyo crowded na lugar kung sakali mang maisipan pa siyang habulin ni Shane.



At nang masigurado na nga niyang hindi na siya hinabol nito, saka siya muling nag-text kay Zenn. “Hindi na ako uuwi. Kung nasaan ka man ngayon, puntahan mo na ako.”



Humihingal pa siya na naghintay ng reply ni Zenn, pero biglang nag-ring ang phone niya at nang sagutin niya ito, “Hello… Zenn?”



“Nandito na ako.”



“Saan?”



“Sa likod mo.”



Napalingon si Richelle at nakita niyang nakatayo na nga si Zenn sa likod niya na ilang hakbang lang ang layo sa kanya. Nakatingin ito sa kanya habang nakadikit pa rin ang cellphone sa tenga nito.



“Hi.” Bati sa kanya ni Zenn at may ngiti sa mga labi nito.



Something na namiss din ni Richelle.






End of Chapter 15






No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^