Saturday, July 5, 2014

Psycho's Love Interest : Chapter 14

CHAPTER 14


“Iche? Iche?”



Naalimpungatan si Richelle nang marinig niya ang boses ng best friend niyang si Shane. Hindi niya namalayan na nakatulog pala siya sa sofa. Alas-tres pa lang kanina noong huli niyang tignan ang orasan, pero ngayon ay alas-sais na pala. Tatlong oras agad ang lumipas.



“Hey, are you alright?” Nag-aalalang tanong ni Shane. Sobrang lapit ng mukha nito sa kanya, at humawak ito sa pisngi niya para alamin kung may sinat o lagnat ba siya. “Nag-alala ako sayo. Hindi ka uli nagri-reply sa mga texts ko. Buti nasabi saakin ni Trent na nakita ka raw niya na pauwi na kanina.”



“Si… si Trent?”



“Yung kaibigan ko. Hindi mo na siya naalala?”



“Naalala ko siya.”



“Bakit ka ba umuwi mag-isa? Diba lagi na nga kitang ihahatid pauwi.”



Hindi na nakasagot si Richelle. Hanggang ngayon, parang di pa rin siya nahihimasmasan sa mga nangyari sa kanya kanina. Napabuntung-hininga siya at nagtakip ng mukha niya gamit ang mga palad niya.



“May nakita pala ako kanina, Iche.” Sabi bigla ni Shane at saka ipinakita sa kanya ang isang bagay na hindi niya inaasahan. Isang retaso ng pamilyar na tela. Nangingitim ang mga gilid nito, nagpapakita na sinunog ito. “Pagdating ko kanina, nagtapon ako dun sa drum kung saan madalas na nagsusunog ng mga basura yung mga kapit-bahay natin. Nakita ko yan… at naisip kong kapareho yan ng tela dun sa jacket na ipinahiram sayo ni Zenn.”



Napatitig si Richelle sa sunog na retasong hawak niya. Bigla niyang naalala ang nangyari noong oras na malaman niyang nawawala na ang jacket. Noong umagang paalis na sana sila ni Shane papasok sa NEU, nakita pa niya ang chismosang kapit-bahay na si Darcie. Nasa akto ito ng pagtatapon ng basura at saka ito niliyaban ng apoy. At habang ginagawa yun ni Darcie, nakangisi at nakatitig ito sa kanya.



‘Si Darcie… si Darcie nga.’ Sabi ni Richelle sa isip. Tama nga ang hinala niya sa babaeng iyon. At hindi na niya mapigilan na hindi matakot sa nangyayari. Ano ang dahilan ni Darcie para gawin yun? Yung target ba nila na magkaibigan ay siya at si Shane mismo?



Dahan-dahan ay pumatak ang mga luha ni Richelle.



“Iche? Bakit umiiyak ka na?”



“Shane… Shane, natatakot ako.”



“Kanino ka natatakot? Kay Zenn? Babayaran na lang natin yung jacket niya—”



“Hindi yun…”



“Eh ano?”



Napahagulgol na si Richelle. Hindi niya masabi ang tunay na dahilan. Dahil paano nga ba niya ipaliliwanag?



Na simula pa lang ay pinaghihinalaan na niya ang kapit-nahay nilang sina Darcie at Carlo. Na tumawid siya sa balcony ng kapit-bahay para pasukin ang apartment nito. Na naging saksi siya sa pagtatalik at pag-uusap ng dalawa. At lahat ng iyon, ginawa niya para lang hanapin ang jacket ni Zenn.



“Iche, paano kita tutulungan kung hindi mo sasabihin saakin?” Marahan na itinanong ni Shane kay Richelle, habang nakahawak ang dalawang kamay nito sa magkabilang pisngi niya. “Bakit ka ba natatakot? Saan? Kanino?”



Pero kahit pa anong pagpapakalma at pangungumbinsi ang gawin ng binata, tila ba umurong na ang dila ni Richelle. Hindi tumigil ang mga mata niya sa pagluha at patuloy lang sa paghikbi.



Dahil dito, parang nahawa na si Shane at nagsimula na ring mamuo ang luha sa mga mata nito. Awang-awang ito at walang magawa.



Nagpasya na lang na buhatin ni Shane si Richelle para dalhin siya sa sarili niyang kwarto. At doon, magkatabi silang nahiga sa kama tulad ng madalas nilang gawin noong mga bata pa sila. Magkayakap. Walang halong malisya.



At hindi umalis si Shane sa tabi niya hanggang sa tumigil na siya sa pag-iyak at muling makatulog.



= = = = =



Sa mainit na yakap ni Shane nakaramdam ng seguridad si Richelle. Muli siyang nakatulog at nagpapasalamat na hindi siya binangungot. Ngunit ang dapat sana'y mahimbing na niyang tulog ay nabulabog ng matinding sigawan at tunog ng mga nagbabagsakang gamit.



Napabangon siya at wala na sa tabi niya ang kaibigan.



“PAPATAYIN KITA!” Sigaw ng isang pamilyar na boses na nasa labas lang ng kwarto niya. Boses iyon mismo ni Shane.



Patakbo na siyang lumabas kwarto para alamin kung ano ang nangyayari. Naabutan niya na may kaaway nga si Shane sa loob mismo ng apartment niya—si Carlo.



Nauna nang sunud-sunod na sumuntok si Shane sa mukha ni Carlo. Nagwawala siya ngunit nag-iingat rin na hindi magantihan. Isa pang malakas na tadyak sa sikmura ang pinakawalan ni Shane na siyang dahilan ng tuluyang pagbagsak ni Carlo sa sahig.



“Shane…” Lalapit na sana si Richelle ngunit pinigilan siya ng kaibigan.



“Wag kang lumapit sa gagong ‘to, Iche! Delikado!”



“A—ano bang nangyayari?”



“Nahuli ko siyang tumawid sa balcony para makapunta rito!” Saka nanggigigil na kinuwelyuhan ni Shane si Carlo para muling suntukin. “Carlo! Carlo ang pangalan mo, di ba? Tangina kang hayop ka! Anong balak mo sa kaibigan ko!”



Sobrang nagpupuyos sa galit si Shane. Ngunit nakuha lang siyang tawanan ni Carlo.



“May ebidensya ka bang may balak nga akong masama dyan sa kaibigan mo?”



“Gago ka! Magpapalusot ka pa! Eh anong ginagawa mo dito sa apartment na ‘to!”



“Ikaw ang gago! Nanahimik lang ako sa labas, tapos kinaladkad mo ako papasok dito. Baliw ka yata eh.”



“Wag mo akong baliktarin!”



Medyo nalito si Richelle sa magkaibang kwentong narinig niya. Tumingin yung dalawa sa kanya, parang hinihintay ang rekasyon niya kung sino ang paniniwalaan niya. Ngunit syempre pa, sa best friend niya sa naniniwala.



“Ano namang dahilan ni Shane para kaladkarin ka niya papunta rito!” Pasigaw na tanong ni Richelle kay Carlo. “At isa pa, kung talagang kinaladkad ka niya, saan kayo dumaan? Sa pintuan?” Saka tinignan ni Richelle ang direksyon ng pintuan na nakasarado pa rin naman. “Ano bang kailangan mo?”



Tinitigan lang ng masama ni Carlo si Richelle dahil hindi niya ito napapaniwala. Sinuntok naman siya muli ni Shane, “Magsabi ka na kung ayaw mong ipapulis ka namin!”



“Ipapapulis niyo ako? Anong kaso? Trespassing? Eh ikaw nga kumaladkad saakin! Robbery? Wala naman akong ninanakaw sa inyo ah.”



“Sinungaling ka! Yung jacket!”



“Jacket na lang talaga ang nanakawin ko!” Napahalakhak si Carlo. “Mag-isip naman kayo ng ibang mas kapani-paniwala! Eh kung rape na lang kaya ang ikaso niyo?” Saka ito tumingin kay Richelle.  Tinitigan nito ang dalaga mula ulo hanggang paa na para bang dahan-dahan niya itong hinuhubaran. “Ang kaso, wala rin namang naganap na rape!”



“Sira-ulo ka!” Ubos na ang pasensya ni Shane ngunit sinasagad pa ito lalo ni Carlo. Bubugbugin niya na sana ito kung hindi lang ito naunang nagbanta.



“Ikaw ang pwede kong kasuhan, Shane Venavidez. Itong pambubugbog mo saakin ng walang dahilan ang ebidensya ko.”



“Hindi lang yan ang aabutin mo saakin! Papatayin kita!”



“Talaga? Hinahamon kita! Subukan mo!”



Kinagat ni Shane ang hamon ni Carlo. Sinakal niya ito ng napakahigpit. Halata na sa namumulang mukha ni Carlo na unti-unti na siyang lumalapit sa kamatayan.



Kung hindi pa ito pinigilan ni Richelle, baka natuluyan na nga ni Shane si Carlo. “Tama na, Shane. Wag mong gawin yan. Hindi ikaw yan.”



Napatitig si Shane sa nagmamakaawang mata ni Richelle. Nang mapansin nitong lumuluha na ang kaibigan, saka pa lamang nito binitawan ang leeg ni Carlo.



Samantala, napaubo at desperado na muling makalanghap ng hangin si Carlo. Ngunit kahit ganun ang sinapit niya sa mga kamay ni Shane, walang bakas ng pagsisisi sa mukha nito. Nakuha pa nitong muling matawa dahil hindi nagawa ni Shane ang hamon niya na patayin siya.



“I’m warning you…” Medyo kalmado na ngunit seryoso pa ring nagbanta si Shane. “I swear to God I will kill you if you ever lay a finger on my girl…”



“Finger? Parang exciting yun ah!” Saka idinisplay ni Carlo ang middle finger niya at natawa uli ng parang baliw. “But wait! Lay a finger on YOUR girl? Ibig sabihin, totoo pala ang sinabi ng girlfriend ko na hindi lang talaga kayo magbestfriend!”



Akmang manununtok sana uli si Shane ngunit yumakap sa kanya si Richelle. “Tama na…” At pinakinggan iyon ni Shane.



Muli nang nakatayo sa sarili niyang mga paa si Carlo. Pinagpag niya ang sarili at pinunasan ang mga dugo sa katawan. Hindi pa rin nawawala ang pagiging maangas nito kahit nabugbog-sarado na siya. “Suggestion lang ah, magsama na kaya kayong dalawa? Ituloy niyo na yang pagli-live-in niyo para masaya! Tsk!” Saka siya naglakad na paalis. Pero tulad ng pagpasok na ginawa niya kanina, hindi siya dumaan sa may pinto. Sa may balcony siya tumawid pabalik sa apartment niya.



Nabigyan na rin sa wakas ng katahimikan ang mag-bestfriend. Hindi pa rin bumibitaw si Richelle sa pagkakayakap niya kay Shane. Pinapakinggan niya ang tibok ng puso ng binata at hinihintay na makakalma pa ito.



“Iche… magsama na tayo sa apartment ko.” Saad ni Shane.



Hindi na masyadong nagtaka si Richelle kung bakit sinabi yun ng best friend. Alam niyang hindi naman dahil yun ang iminungkahi ni Carlo.



Yun ay dahil alam niyang hindi na makakapante si Shane kung patuloy pa rin siyang mamumuhay ng mag-isa. Kahit maghanap pa sila ng ibang malilipatan, hindi nun mababawasan ang pag-aalala ng binata.



At kung hindi naman papayag si Richelle, natatakot siya na baka pabalikin naman siya sa mga magulang niya kung saan siya mas magiging ligtas. Kaya naman, “Okay, Shane. Lilipat na ako sa apartment mo.”



Hinarap na ni Shane si Richelle at bakas sa mukha nito na nabawasan kahit kaunti ang pinoproblema. Humawak ito sa balikat ng dalaga, yumuko at saka humalik sa pisngi na halos malapit lang din sa labi.



Hindi naman na nagtaka pa si Richelle sa ginawa ng kaibigan. Sa halip ay may iba itong itinanong, “Bakit mo yun sinabi sa kanya? Why did you tell him that I’m your girl?”



“Dahil yun ang totoo.” Direchong sagot ni Shane na hindi inaalis ang tingin kay Richelle. “You’re my girl, Iche. Mine.”




End of Chapter 14


2 comments:

  1. SHAN'iChe Love Team ! Ahoy ! Ahoy !! xD

    ReplyDelete
  2. ang intense!!!! nakkkilig si shane dto pero mas gusto ko pa rin si zenn ang makatuluyan ni richelle.... medyo nakakapanghinala ksi si shane. gut feeling tlaga na siya ang killer dito dhil masyadong possesive..

    ReplyDelete

Say something if you like this post!!! ^_^