“Ang tagal mong hindi nagparamdam. Kahit text, wala rin. Akala ko talaga nagalit ka na saakin.”
“Hindi naman ako sayo nagalit eh.”
“Kay Trent?”
“Sa sarili ko.”
Sabay na naglalakad sina Richelle at Zenn. Palibut-libot lang sila sa buong university, wala talagang direktang pinatutunguhan. Pinababayaan lang nilang lumipas ang oras habang walang pakialam kung saan sila dalhin ng mga paa nila.
“Nagalit ako sa sarili ko. Napag-isipan ko kung gaano ka-immature yung inasal ko noong araw na yun.” Puno ng lungkot at pagsisisi sa boses ni Zenn nang banggitin niya yun. “Kaya hindi ko rin alam kung ano sasabihin ko sayo sa text o sa tawag. Gusto ko muna kasing humingi ng pasensya sayo ng personal.”
“Naku, wala naman din yun! Mas kinabahan lang ako noong hindi ka na nag-text.”
Saka pa lang nasilip uli ni Richelle ang ngiti ni Zenn na tila ba nakahinga na ito ng maluwag. Labis ang tuwa na nararamdaman nila pareho.
Hindi na maipagkakaila ang kakaibang kuneksyong nararamdaman nila sa isa't isa. Para bang matagal na silang magkakilala kaya tugma ang mga ugali nila. At higit sa lahat, yung pakiramdam na pinupunan nila ang pagkukulang ng bawat isa ang siyang nagpapatibay sa paniniwalang mas dapat lang nilang bigyang importansya ang isa’t isa.
“So... magkwento ka naman. Bakit nga pala ang tagal mong umabsent?”
“May nangyari kasi. Mahabang kwento—”
“Makikinig ako.”
“Kumplikado.”
“Mas makikinig ako.”
Saktong umihip ang malakas na hangin. Napatingin si Richelle sa direksyon ng isang matandang puno at sa lilim nito, naisipan niyang magandang pwesto iyon para makapag-usap sila. Naglakad na sila papunta roon, naupo ng kumportable sa may ugat at doon ay sinimulan nang ikwento ni Richelle ang nangyari.
Sinabi niya kay Zenn na hindi talaga nawala yung jacket na ipinahiram niya kundi ninakaw at sinunog lang ng kapit-bahay nila. Nasabi niya rin ang tungkol sa ginawa ni Carlo na nauwi sa pambubugbog sa kanya ni Shane, at naging dahilan kung bakit mas minabuti nilang mag-bestfriend na manirahan na lamang sa iisang apartment.
“Medyo traumatic para saakin. Tapos kinailangan rin magpagaling ng sakit ng katawan niya si Shane. Bukod doon, matagal din yung paglilipat namin ng mga gamit ko at pag-aayos ng apartment. Naging sobrang busy talaga kaya ‘di na namin kinaya na pumasok.”
Napayuko si Zenn na tila ba may pinanghihinayangan. “Nagsisisi tuloy ako na hindi tayo nagkatext. Nasabi mo sana saakin kung ano yung problema mo.”
“Ayos lang yun, Zenn. Nandun din naman si Shane.”
“Pero diba nangako ka. Kapag pakiramdam mong nasa panganib ka o basta kapag nangangailangan ka, ako lang tatawagin mo. Darating naman ako agad.”
“Paano ka darating agad? Syempre ba-byahe ka pa papunta saamin.”
“Basta darating ako agad!”
Napa-pout si Richelle. Hindi niya rin kasi mapigilan na hindi kiligin at matawa sa mga pinag-sasabi ni Zenn. Kahit parang ‘di talaga nito alam ang pinagsasabi niya, seryoso pa rin niyang sinasabi. Parang siyang bata na nagsasabi ng isang napaka-imposibleng bagay pero pinaninindigan pa rin.
“Paano ka darating eh hindi mo pa naman alam kung saan ako nakatira.”
“Block 017, Pleynas Building, Encisco Street.”
Natulala ng wala sa oras si Richelle kay Zenn. Napanganga na lamang siya dahil sa nalalaman ng binata.
“A—alam mo talaga kung saan ako nakatira?”
“Pero ngayong sabi mo na lumipat ka na sa apartment ni Shane, Block 016 na ang address mo.”
“You know what, I'm still curious kung paano mo nalalaman ang lahat.”
“Kapag gusto ko, maraming paraan.” Nakangiting sabi nito sabay tumayo at pinagpagan ang sarili. “Nauuhaw ka na siguro. Ibibili muna kita ng juice.”
“You know what, I'm still curious kung paano mo nalalaman ang lahat.”
“Kapag gusto ko, maraming paraan.” Nakangiting sabi nito sabay tumayo at pinagpagan ang sarili. “Nauuhaw ka na siguro. Ibibili muna kita ng juice.”
“Pero—”
“Hintayin mo ako. Sandali lang ako.” Saka patakbong umalis si Zenn patungo sa mga booth kung saan may mga nagbibenta ng inumin. Hindi na nga lang alam ni Richelle kung saan ito partikular na bumili at ano ang bibilhin nito.
Muling naalala ni Richelle ang minsan nang sinabi sa kanya ng binata, “…if I like someone, I want to know everything about her.”
“Seryoso pala talaga siya nun.” Kulang na lang ay isa-isahin na niyang nang pitasin yung mga damo sa paligid para lang mailabas ang nararamdamang kilig.
At habang hinihintay pa ang pagbabalik ni Zenn at ang ipinangakong inumin nito, bigla namang may lumapit na dalawang lalaki sa kanya. Ang isa ay may hawak na warrant of arrest, at ang isa naman ay may bitbit na posas sa kamay niya.
“Mga student police kami ng jail booth. Hinuhuli ka namin sa salang pagtambay ng mag-isa rito.”
Natagalan pa bago na-process sa utak ni Richelle yung sinabi ng kaharap niyang estudyante. “Anong klaseng joke 'to?” Pero nalaman din niya agad na hindi ito biro pinosasan na siya at sapilitan nang dinala sa kulungan.
= = = = =
Tahimik lang na nakaupo si Richelle katabi ang ilan pang mga na-bilanggong estudyante na gaya niya ay mga freshman din at walang kamuwang-muwang tungkol sa jail booth.
“Bakit ka raw nila hinuli?”
“Naka-red daw kasi ako na t-shirt. Ikaw?”
“Nagpa-henna tattoo raw kasi ako sa braso ko. Eh ikaw naman?”
“Naapakan ko raw kasi yung isa sa mga red marks na ikinalat nila sa buong NEU.” Saka silang lahat napatingin kay Richelle. “Eh ikaw? Anong kaso mo?”
“Pagtambay ng mag-isa dun sa puno. Hindi naman talaga ako mag-isa. Iniwan lang ako sandali ng kasama ko.”
Pare-parehong hindi nila alam kung maiinis ba o matatawa sila sa kabaliwang nangyari. Nakaka-badtrip nga naman kasi na sa mga simpleng dahilan, hinuli na sila.
Ang masaklap pa ngayon, hindi sila makaalis ng kulungan kung walang magpi-pyansa para sa kanila. Hindi naman daw pwede na sila mismo ang magpyansa sa sarili nila dahil labag daw iyon sa rules nila.
“Richelle Ariano.” Tinawag siya ng isa sa mga student police. Hawak nito ang ID at cellphone niya na kinumpiska sa kanya kanina. “Na saakin ang cellphone mo. Ngayon, bibigyan ka namin ng pagkakataon na itext ang isa sa mga kaibigan mo na magpi-pyansa para sayo. Tandaan mo, isa lang sa mga kaibigan mo ang pwede mong lapitan.”
Asar-talo si Richelle sa kausap niyang student police. Ni hindi niya alam kung bakit kailangan pa itong sundin. “Teka, magkano ba muna yung pyansang kailangan niyo para makaalis ako rito?”
“5000 pesos.”
“5000!”
“O pwede namang gawin niya ang isa sa mga nakahanda naming challenges.”
“Tulad ng…?”
“Tumakbo ng limang beses paikot ng NEU. Magbilad sa araw sa loob ng isang oras. Ubusin itong isang pitchel ng pure ampalaya juice na ginawa namin. At marami pang iba na kasing lala o mas malala pa.”
“Nagpapatawa ba kayo!”
“Kaya nga itext mo na yung pinakamalapit mong kaibigan na handang gawin ang lahat para lang makalaya ka.”
Napasapo ng ulo niya si Richelle. Nakakalokong patulan ang ganitong kabaliwan pero mukhang seryoso talaga yung mga taong nagpapatakbo ng jail booth na ito.
Gayun pa man, may dalawang tao naman na naiisip niyang handang gawin ang alinman sa mga challenges na yun. Either si Shane or si Zenn lang? Ang tanong, sino sa kanilang dalawa ang iti-text ni Richelle.
Kung si Shane, alam niyang wala itong ganung kalaking pera na dala. Kaya paniguradong masi-sermunan siya nito pagkatapos gawin ang isa mga challenges.
Kung si Zenn naman, siguro nga’y may pera ito dahil madalas itong manlibre. Yun nga lang, bukod sa nakakahiya ay iniisip ni Richelle kung paano niya ito babayaran pabalik? Kulang na kulang pa naman ang baon niya.
Malalim na nag-isip si Richelle kung sino kina Shane at Zenn ang ite-text niya.
Ang bestfriend ba niya o yung taong laging nagsasabi na kung kailanganin niya ito ay darating ito agad.
Huminga muna siya ng malalim, saka nagsimulang mag-text. ‘Uy sorry… nasa jail booth ako. Puntahan mo naman ako rito at pagpyansahan mo ako. Please.’ Saka niya sinend ang mensaheng iyon sa lalaking napili niyang tulungan siya.
Maya-maya pa, “Richelle Ariano, narito na yung magpa-pyansa para sayo.”
Nahihiyang nginitian ni Richelle ang binatang dumating. Humihingal pa ito, halatang tumakbo talaga para lang makarating agad at tulungan siyang makalaya.
End of Chapter 16
No comments:
Post a Comment
Say something if you like this post!!! ^_^