Wednesday, November 19, 2014

Another Wizard's Tale : Side Story 3

:Side Story 3:
(The Author)

Si alyas Boy Magna—isang notorious snatcher sa lugar na iyon na labas-pasok na rin sa kulungan. Noong gabing iyon, siya rin ang bumiktima sa ating bidang mortal.

Pwedeng sumali sa marathon si Boy Magna at maaring siya pa ang manalo dahil sa bilis niyang tumakbo. Doon pa siya dumaan sa karaniwan niyang ruta—yung lugar kung saan kabisado na niya ang paikot-ikot na daan upang makasiguradong hindi siya masusundan ng mga humahabol sa kanya.

Ang laki na ng ngiti ng damuho dahil bukod sa wala nang nakasunod sa kanya, ramdam niya sa bigat ng bag na nahablot niya na tiba-tiba siya ngayong gabi.

Ilang hakbang na lang at malapit na sa kanyang tambayan si Boy Magna, ngunit isang lalaki ang bigla na lang humarang sa daraanan niya.

“Sino ka?”

“I’m your worst nightmare, pal! You made the biggest mistake of making a beautiful lady cry!”

Tinignan lang siya ng masama ni Boy Magna. Hindi niya kasi naintindihan yung sinabi nung lalaki. Bukod doon, malakas ang loob niya dahil mukha namang walang ibubuga ang isang iyon.

“Lumayas ka sa daraanan ko kung ayaw mong masaktan!” At bilang panakot, naglabas siya ng balisong at itinutok ito sa lalaki.

“If I were you, I would be very careful with that.”

“Ano bang pinagsasabi mo?”

“Hey, I’m trying to be nice here since it’s my first time in this world. And that bag isn’t yours so hand it over.”

“Bag? Itong bag ang gusto mo? Ulol mo! Ako nauna rito! Maghanap ka ng ibang bibiktimahin mo!”

Nakipagpatintero si Boy Magna dun sa lalaki at matagumpay niya itong naiwasan. Nakangisi siya at patakbo na sana ulit, pero hindi siya natuloy dahil may biglang umalingasaw na kung anong amoy.

May umutot! At dahil sigurado siyang hindi siya ang nagpakawala nun, malamang ay yung lalaki humarang sa kanya ang salarin.

“That is just a low level Fart Spell. Surrender now or suffer.”

Walangyang lalaki. Mukha namang mayaman at may pa-English pang nalalaman pero ang tindi magpakawala ng masamang hangin!

Pinilit takbuhan ni Boy Magna yung matinding amoy pero parang dumidikit na ito sa buong katawan niya at namamahay na rin sa ilong niya.

Ilang sandali pa, hindi na niya kinaya ang bagsik ng utot at tuluyan nang nanghina. Ngunit bago siya tuluyang nahimatay, isang tanong ang sumagi sa kanyang isipan. “Ano bang kinain nung lalaking yun at ganun kabagsik ang utot niya?”

Sa huli, nabawi nung lalaki yung bag na hawak ni Boy Magna. Nanaig ang hustisya—kahit na sa mabahong paraan.



End of Side Story 3






No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^