Thursday, August 28, 2014

Psycho's Love Interest : Chapter 22

CHAPTER 22


Zamora’s Residence. 4:45 AM.



Hindi pa sumisikat ang araw ngunit sinusulit na ni Dante ang kape at almusal na inihanda ng kanyang butihing may-bahay na si Cynthia. Binubusog na niya ang sarili niya ngayon pa lang bago siya pumasok sa trabaho.



Sobra-sobrang pressure na kasi ang ibinibigay sa kanya ng kasong kasalukuyang hawak. Tipong hindi na siya nakakakain ng matino ng tanghalian, merienda at hapunan para lamang malaman na kung sino ba talaga si Triple-face Killer.



“Balita ko, sinugod ka raw kahapon ng kamag-anak ng biktima dun sa kasong hawak mo? Totoo ba yun, Dante?”



“Sino namang nagsabi sayo, Hon?”



“Yung katrabaho mong si Rey.”



“Chismoso talaga ang isang yun.”



“Nag-aalala lang siya sayo, Dante. Ano ba kasing nangyari?”



“Tatay yun ni Miggs. At hindi naman din talaga niya ako sinugod.” Sagot nito saka humigop sa kanyang mainit na kape. Nabakas ang pait sa mukha nito hindi dahil sa timpla ng kape kundi dahil sa problemang idinudulot ng kasong hindi pa niya matapos-tapos na ayusin. “May mga matitinding kapit din kasi ang pamilya nila. Namimilit na bigyan namin sila ng bagong balita. Nagmamadali na may managot na sa krimen.”



Ramdam ni Cynthia ang bigat na pasan ng kanyang asawa at wala itong magawa kundi ang palakasin ang loob ng asawa. “Wag kang mag-alala, Hon. Alam kong kayang-kaya mo yang kaso na yan. Mahuhuli mo rin yung taong hinahanap mo.”



Naputol ang kanilang pag-uusap nang biglang mag-ring ang telepono. Si Cynthia ang tumayo at lumapit para sagutin ito. “Hello? Oh ikaw pala! Kamusta na?”



“Hon, sino yan?”



“Si Kiko lang!”



“Ano raw balita? Bakit ang aga pa tumawag niyan?” Napailing na tanong ni Dante. Si Kiko ay ang nakatatanda niyang kapatid.



Ibinigay na ni Cynthia ang telepono kay Dante para silang magkapatid na ang mag-usap.



Noong una ay masaya pa ang pagbati na ginawa ni Dante, ngunit kinalaunan ay nagbago ito. “Ano yun, Kiko? Ano kamong nangyari sa pamangkin kong si Eunice?”Kinutuban na ng masama ang detective lalo pa at labis ang panginginig sa boses ni Kiko sa kabilang linya. “Teka nga… huminahon ka. Hindi ka pa nasanay sa anak mong yan. Baka kaibigan lang niya yun…”



Si Cynthia na nakikinig lang ay nagsimula na ring kabahan dahil unti-unti na niyang nakikita ang bumabalot na takot sa mukha ni Dante. “Dante, ano raw nangyari kay Eunice?”



Imbes naman na sagutin, sinenyasan siya ni Dante na kumuha ng papel at panulat. “Hello, Kiko! Ano ba, huminahon ka nga! Ibigay mo saakin ang address. WineLine Bar, sa North-East Avenue. Okay sige, didirecho na ako dyan.”



Hindi na nagawa pang ubusin ni Dante ang kanyang almusal. Nagmadali na ito at naghanda.



“Dante, teka lang! Ano ba kasing nangyari sa pamangkin natin?”



Natigil sandali si Dante para sagutin si Cynthia kahit pa sigurado siyang hindi ito magugustuhan ng asawa. “Kinidnap daw si Eunice kasama yung kaibigan niya doon sa bar na pinuntahan nila kagabi.” Nanginginig na sabi ng detective at saka hindi na nito napigilan pa ang kanyang emosyon. “Ayon dun sa CCTV ng bar, isinakay sila ng isang lalaki—may suot na maskarang tatlo ang mukha.”



= = = = =



Sa apartment nila Shane at Richelle. 9:00 AM.



Namulat si Richelle at napatanaw siya sa labas ng bintana. Mataas na ang sikat ng araw.



Hindi tulad ng nakagawiang pahirapang paggising niya para lang pumasok, hindi nag-abala si Shane na gisingin siya ngayon. Wala rin namang kaso kung lumiban siya uli dahil sa tuloy pa rin ang foundation week sa NEU at malamang ay walang matinong klase ngayon.



Bumangon na si Richelle, lumabas ng kwarto at pagdating niya sa dining area, may mga nakahanda nang almusal para sa kanya. Nilingon-lingon niya kung nasaan si Shane at nakatambay ito sa may balcony.



Nang mapansin siya ng binata, agad itong lumapit sa kanya. “Good morning.” Simpleng bati nito.



Hindi naman makatingin ng direcho sa kanya si Richelle. Sa dami ng mga nangyari kahapon at kaninang madaling araw, hanggang ngayon ay hirap pa rin siyang ayusin ang mga eksena sa utak niya. Magulo. Nakakalito.



Naupo na lamang si Richelle sa tapat ng lamesa. Nagsalok siya ng gatas mula sa pitchel at saka ito ininom.



“Naiuwi ko na yung mga gamit na naiwan mo sa university. Mga estudyante sila na… na nakita ng nangyari sayo kahapon.” Sabi sa kanya ni Shane, saka ito naupo sa upuan na kaharap niya. “Sapilitan ka raw isinama nina Eunice at Henry.”



Natigil sa pag-inom ng gatas si Richelle. Parang nawalan siya agad ng gana noong maalala niya yun.



“Anong ginawa nila sayo? Kasama ba si Sherrie nun?” Nag-aalalang tanong ni Shane. “Noong mabalitaan ko yun. hinanap kita agad kung saan-saan. Sobrang nag-alala ako sayo, Iche.”



Sa pagkakataong iyon, iniangat na ni Richelle ang kanyang mukha at nagtama na ang mga mata nila ni Shane. Naayos na niya sa kanyang isipan ang mga salitang gusto niyang ilabas.



“Oo, isinama ako nina Eunice para makausap ako ng ex-girlfriend mong si Sherrie.” Nanginginig na sabi niya dahil sa pagpipiil niya ng luha. “Sinabi mo kay Sherrie na ako yung may gustong maghiwalay kayo! Bakit ako ang idinahilan mo, Shane? Bakit mo ginawa saakin yun? Bakit ako yung ipinahamak mo?”



Napaluhod na si Shane sa harapan niya. Hinawakan nito ng mahigpit ang kanyang kamay at saka nagmakaawa. “Sorry, Iche. I’m so sorry… wala lang kasi akong ibang maisip na dahilan noon para makipaghiwalay kay Sherrie.”



“E 'di sana sinabihan mo na lang siya na hindi mo na siya mahal!”



“Hindi yun ganun kadali… hindi niya ako agad pakakawalan sa ganun klaseng dahilan.”



“Pwes, bakit ka nga ba kating-kati nang hiwalayan siya noong mga oras na yun?”



Hindi na nakasagot si Shane—o mas tamang sabihin na hindi niya kayang ibigay ang sagot sa tanong na yun. Muli na itong tumayo at saka inayos ang kanyang sarili. Sa mga sandaling iyon, siya naman ang hindi makatingin ng direcho sa dalaga.



Doon pa lamang din napansin ni Richelle na nakabihis pang-alis si Shane. Hindi niya alam kung may balak pa ba itong pumasok sa NEU o may iba pa itong lakad.



“Hindi ko alam kung anong nangyari sayo kahapon kaya mas mabuti pa sigurong magpahinga ka na lang muna.” Sabi ni Shane sa kanya—halatang iniba na ang usapan. “May kailangan lang akong puntahan at asikasuhin ngayon. Baka gabihin na ako ng uwi.” Saka nito kinuha ang mga gamit niya at nagsimula nang maglakad paalis. “Pero mamaya pag-uwi ko, mag-uusap tayo uli.”



Nang maiwan nang mag-isa si Richelle, kung anu-ano nang posibleng sagot sa mga katanungan niya ang pumasok sa kanyang isip. Sagot sa lahat ng tanong na noon pa man ay nagpapagulo na ng sitwasyon.



Bakit nakipaghiwalay noon si Shane kay Sherrie?



Marahil dahil noong mga oras na yun, nagkakilala na sina Shane at Darcie. Nagkaroon sila ng sikretong relasyon at naging mas matimbang pa iyon kaysa sa relasyon nila ni Sherrie.



Kaya ba parang may galit sa kanya si Darcie?



Malamang dahil pinagseselosan siya nito. Kaya nga nagawa nitong nakawin at sunugin ang jacket ni Zenn.



May kuneksyon din ba ito doon sa insidenteng pinasok ni Carlo ang apartment niya?



Pwede. Dahil may gusto si Carlo kay Darcie—ngunit may relasyon din sila ni Shane. At kung pagbabasehan nga ang kuneksyon nilang tatlo sa isa’t isa, maaring totoo rin ang naging paratang ni Carlo na kinaladkad lang siya ni Shane noong gabing iyon—selos uli ang posibleng dahilan.



Ngunit sino kaya yung babaeng tinutukoy ni Darcie na nais niyang paghigantihan sa pamamagitan ni Carlo?



Sa puntong iyon, pagkabahala ang nangibabaw kay Richelle. Ang babaeng iyon ay posibleng siya mismo. At dahil doon, alam na niyang nalalagay siya sa panganib.



At kung sakaling dumating ang oras na papipiliin si Shane sa kanilang dalawa ni Darcie, sino kaya ang pipiliin nito?



Pagbabaka-sakali na lamang ang naisip ni Richelle. Umaasa siyang sana, sa bandang huli, siya pa rin ang at ang pagkakaibigan nila ang piliin ni Shane.



= = = = =



Sa isang lumang building. 12:10 PM.



Triple-face Killer. Alam niyang yun na ang binansag sa kanya ng mga taong naghahanap at gustong huliin siya. Yun lang naman din kasi ang natatangi niyang pagkakakilanlan. Pumapatay siya habang may suot na triple-face mask.



Ngunit hindi naman siya tulad ng ibang serial killers na pumapatay lang ng walang dahilan. Pinipili niya ang biktima niya dahil may atraso ito sa kanya at sadyang masasamang tao ang mga ito.



Nagsimula na siyang maglakad papasok sa building para muling makipagkita kina Sherrie Chen at Eunice Zamora—ang mga bagong biktima niyang pagbabayarin niya sa mga kasalanan nito.



Pumasok siya sa isang kwartong may nakadikit na salamin sa mga pader. Sa gitna ng kwartong iyon ay isang higaan kung saan naka-kadena sina Sherrie at Eunice. Parehong walang malay ang mga ito—malamang dahil sa epekto ng drugs na palihim na inilagay sa kanilang mga inumin kagabi. Iyon din ang dahilan kung bakit madali ang naging pagkidnap sa kanila mula doon sa bar.



Naupo si Triple-face Killer sa isang upuan na medyo may kalayuan sa kama. Ngunit maganda pa rin ang pwestong ito dahil sakop ng paningin niya ang lahat ng salamin sa pader. Makikita niya sa iba’t ibang anggulo mamaya ang mga eksena ng pagpapahirap na pinlano niya para sa mga biktima.



Tumingin siya sa kanyang orasan, alam niyang anytime ay magigising na ang dalawa.



Maya-maya pa ay nauna nang namulat si Eunice. “What the…” Napabangon ito at agad na napansin na nakaposas ang kanyang mga kamay at nakakunekta ito sa isang maikling kadena.



Ilang saglit pa ay sumunod na ring nagising si Sherrie. Ngunit hindi gaya ni Eunice, mas OA ang reaksyon nito, “Oh my God! Where the hell are we?”



“I… I don’t know…”



“Bakit nakaposas tayo! Why are we here! Oh my God, what is happening?”



Wala pa sa sarili yung dalawa. Sabay silang tumayo para makawala doon sa posas at makaalis dun sa kama pero hindi nila nagawa. Sugat lang ang aabutin nila kapag pwersahan nilang tinanggal ang mga posas sa kanilang mga kamay. Yung bakal na mga paa naman ng kama ay sinadyang ipinako sa sahig para hindi ito magalaw.



Natawa si Triple-face Killer sa katangahan ng dalawa at doon pa lamang siya napansin ng mga ito. Nagulat sila at napayakap sa isa’t isa dahil sa takot. Hindi nila makilala kung sino siya at kung ano ang expression ng mukha niya dahil sa suot na maskara.



“Sino ka!” Nagmamatapang na tanong ni Eunice. “Anong lugar ‘to? Bakit mo kami dinala rito!”



Imbes naman na sagutin, inilabas lang ni Triple-face ang mga props niya mula sa kanyang bag—isang maliit na whiteboard, non-permanent marker at pambura. Idinaan niya sa pagsusulat ang pakikipag-komunikasyon sa dalawa. “HELLO! UNLESS YOU WANT TO BE DEAD, CALL ME YOUR MASTER.”


End of Chapter 22


No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^