Thursday, June 19, 2014

Psycho's Love Interest : Chapter 11

CHAPTER 11

“Hindi naman mawawala yun kung walang nagnakaw eh!”



“Baka na-misplace mo lang.”



“Hindi! Dapat nandoon lang yun sa sampayan ko sa balcony. Nilabhan ko yun pagkatapos kong maligo eh! Tapos sinampay ko na doon!”



Umagang-umaga ngunit nagtatalo na ang mag-bestfriend. Sabay silang naglalakad papuntang carpark para pumasok sa NEU.



“Baka nailigpit mo na. Tapos hindi mo lang maalala kung saan mo nailagay.”



“Pwede bang makalimutan yung ganun? Sinampay ko yun para matuyo! Hindi yun basta-bastang mawawala unless may nagnakaw nga!”



Napatigil bigla sa paglalakad si Shane para harapin si Richelle. “So pinagbibintangan mo ako?”



“Hindi ikaw, Shane! Ang sinasabi ko lang, may nagnakaw nun na posibleng dumaan doon sa balcony kung saan ko siya sinampay!”



Pagdating nila sa harap ng sasakyan ay padabog na pumasok si Richelle sa loob nito. Nang pumasok na rin Shane at naupo sa driver’s seat, “Talagang mas pino-problema mo pa yung nawalang jacket kaysa dun sa posibilidad na maaring may magnanakaw nga sa balcony mo?”



Natahimik si Richelle, napaisip, at saka inirapan si Shane. “Just drive. Baka masayang yung pahirapan kong paggising kanina kung mali-late lang ako.”



Napabuntong-hininga si Shane. Napailing na lamang siya at saka na in-start ang sasakyan.



Halatang ayaw naman na makipag-usap ni Richelle nang sadyain niyang iharap na lang ang buong katawan sa bintana. Iniiwas niya ang tingin sa bestfriend at itinuon ang atensyon sa labas.



Ngunit bago sila tuluyang nakaalis, napansin pa muna ni Richelle ang paglabas ng kapit-bahay nilang chismosa. May hawak itong isang black plastic bag na puno ng basura, inilagay niya ito sa drum, binuhusan ng gas at saka sinindihan ng apoy.



Napatitig si Richelle sa mukha ng chismosang kapit-bahay nila na yun. Tila ba nakatingin din ito sa kanya at nakangisi pa ito. Magkahalong inis, kilabot at paghihinala ang naramdaman ni Richelle noong mga oras na yun.



= = = = =



As usual, maagang nakarating ang magkaibigan sa NEU. Mag-isang nagpunta si Richelle sa building kung nasaan ang una niyang klase. Ngunit habang naglalakad sa hallway, naramdaman niyang parang hindi na siya nag-iisa.



Tumigil siya sa paglalakad para lingunin ang paligid. Wala naman siyang nakitang ibang estudyante kaya inisip niya baka guni-guni lang yun.



Nagpatuloy na lang siya sa paglalakad, ngunit mas tumindi lang ang pakiramdam niya na parang may sumusunod nga sa kanya. Na parang may mga matang nakatingin sa kanya. Muli siyang naglakas-loob na lumingon ngunit walang nakita na kahit na sino.



Sa pagkakataong iyon, dinalian na lang ni Richelle ang paglalakad niya. Doon lang mas lumakas ang hinala niya na may nakasunod nga sa kanya dahil nakakarinig na rin siya ng mga yabag ng paa na tumatakbo rin.



Hinahabol siya ng isang taong hindi niya makita. At sa takot niya, agad niyang dinukot ang cellphone niya para tawagan si Shane.



Tumatakbo siya ng mabilis habang hinahanap sa phonebook niya ang number ni Shane. At dahil sa pagmamadali niyang iyon, hindi niya napansin ang taong nasa harap na niya at ‘di sinasadyang nagkabanggaan.



“Zenn?”



“Iche…”



“Oh my God, Zenn!” Humahangos na sigaw ni Richelle. Takot na takot siyang napakapit sa braso ng binata. “Bu—buti nakita kita…”



“Why? What’s wrong?”



“May taong nakasunod saakin! Hinahabol niya ako!”



Naalarma si Zenn at agad na tinignan ang direksyon na pinanggalingan ni Richelle. May nakita silang anino at sinundan nila ito.



Isang lalaking estudyante sa NEU ang kumakaripas ng takbo palayo. Hindi nila ito nahabol dahil bigla na lamang nanghina si Richelle dahil sa matinding takot. Nanlabot ang mga tuhod niya at hindi na makatakbo.



“Okay ka lang, Iche? Gusto mong dalhin kita sa clinic?”



Umiling si Richelle at mahigpit ang kapit niya kay Zenn. “Wag—wag mo akong iwan…” Natatakot na pakiusap nito.



“I won’t leave you.” Sinigurado ni Zenn at saka niyakap ng mahigpit si Richelle.



Magkasama silang nagpunta sa bakante pang classroom ni Richelle. Naupo siya sa pwesto niya na malapit sa bintana at sumunod naman si Zenn na naupo sa katabing upuan. Sinamahan siya nito hanggang sa makakalma na siya at masigurong ayos na talaga ang lagay niya.



“Aalamin ko kung sino yung gagong nananakot sayo.” Marahang sabi ni Zenn. “At papatayin ko siya para tigilan ka na niya.”



“What? Zenn…” Hindi siya makapaniwala sa mga narinig niyang sinabi ni Zenn. Hindi niya mawari kung seryoso ba ito o nagbibiro lang para palubagin ang loob niya. “Parang hindi yata applicable na joke yan ngayon. Masyadong brutal lang. At isa pa, medyo okay na ako. Ngayong nandito ka na, hindi na ako natatakot.”



Nginitian lang siya ni Zenn bilang tugon. Hahawakan sana ni Richelle ang pisngi ng binata, ngunit inunahan siya nito sa paghablot ng kamay niya. Mahigpit ngunit mahinay na hinawakan ni Zenn ang kamay ni Richelle at saka ito hinalikan.



“Sa susunod, kung may kailangan ka o pakiramdam mong nasa panganib ka, ako lang ang tatawagin mo.” Saad ni Zenn. Hindi nito iniaalis ang tingin kay Richelle at seryosong-seryoso ang mukha niya. “Kahit nasaan ka man, siguradong darating ako. Basta ako lang ang tatawagin mo. Saakin ka lang aasa at ‘di kita bibiguin.”



Parang bata lang na nakikiusap si Zenn kay Richelle. Napaka-inosente ng dating ngunit ramdam niya ang matinding sinseridad nito. Napangiti na lamang si Richelle dahil sa pakikitungo sa kanya ng binata. Grabeng pagpapahalaga ang ipinaparamdam sa kanya.



“Oo, Zenn. Tatawagin kita at aasahan kita.”



Hindi naman naikubli ni Zenn ang saya niya at napayakap ng mahigpit kay Richelle. Ngunit mas hindi maipagkakaila ang kilig na naramdaman ni Richelle nang gawin iyon ni Zenn.



“Siya nga pala, Zenn. May kasalanan ako sayo.” Nag-aalangan ngunit kailangan pa ring ipaalam ni Richelle. “Yung jacket mo nga pala… naiwala ko.”



Biglang natigilan si Zenn. “Gusto ko yung jacket na yun kasi kumportableng suotin.” Malungkot na parang nasasayangan siya. “Pero kung naiwala mo na, ayos lang din.”



“Si—sigurado ka? Ayos lang sayo? Babayaran ko na lang…”



“Wag na. Hindi na kailangan. Hindi naman din saakin yun.”



“Ha? Eh paano kung hanapin sayo yun ng may-ari?”



“Hindi na niya hahanapin yun. Wala na rin siyang magagawa.”



Napatango na lang si Richelle at nakampante dahil hindi na niya poproblemahin ang nawalang jacket. Nagtataka lang siya kung kanino talaga yung jacket, ngunit minabuti na lang niyang wag tanungin.



Ilang sandali pa ay paisa-isa nang dumating ang mga kaklase niya. Ito na ang hudyat ni Zenn para umalis. Ngunit nang maiwan na si Richelle, saka lang din niya naalala na may nalimutan pala siyang itanong na isang bagay. Ano ang ginagawa rito ni Zenn ng ganun din kaaga, dahilan para magkasalubong sila?



= = = = =



Detective Zamora’s Office.



Dismayado sina Detective Dante sa naging resulta ng mga ebidensyang nakuha nila sa crime scene ng biktimang si Mr. Cariaso.



“Mautak si Triple-face Killer!” Magkahalong bilib at pagkainis na ikinomento ni Rey. “Tulad ng nagawa niya kay Miggs, wala rin siyang iniwang kahit na anong marka o fingerprints man lang. Biruin niyo, nagawa pa niyang banlawan yung basong ininuman niya dun sa bahay ni Mr. Cariaso. Ang utak eh!”



“Ibig lang sabihin, sanay nang gumawa ng krimen ang killer natin.” Dagdag naman ni Dante na sumang-ayon kanina sa mga sinabi ni Rey. “Yung magkasunod niyang pagpatay, masasabing hindi naman matagal na pinagplanuhan pero malinis pa rin niyang nagawa. Alam niya kung paano itago ang sarili para hindi natin siya matunton agad.”



“Ano kayang pakiramdam niya habang pinapatay ang mga biktima niya?”



“Kalmado ngunit walang awa.” Simpleng paglalarawan ng detective sa killer. “He or she killed with no mercy and with no signs of remorse. Kasi kung may awa at pagsisisi siya, hindi na siya papatay uli sa pangalawang beses.”



Habang nagpapaliwanag ang detective ay mararamdaman sa boses niya ang matinding panggigil na mahuli na ang kriminal. Bawat pumapatak na segundo, minuto, oras at panahon na nakakalaya pa rin ang mamatay-tao na yun, malaki ang posibilidad na madagdagan muli ang mga biktima nito.



Ni-review na lang uli ng detective ang mga impormasyon na nakalap nila noong nagdaang mga araw. Kahit wala silang nakuhang DNA sample mula sa mga ebidensya, hindi naman din nauwi ang ilang pag-iimbestigang ginawa nila. Kabilang na roon ang mga bagay na ninanakaw ni Triple-face Killer sa mga biktima niya.



Hawak ni Detective Cariaso ang magkahiwalay na list ng mga bagay na nawawala o ninakaw ni Triple-face sa mga biktima niya.



Teofisto Cariaso’s stolen items:
1. Laptop
2. Sony Ericsson phone



Sa dalawang nawawalang bagay na ito, buo na ang anggulo at posibleng kwento sa utak ng detective.



“Ilang oras bago mangyari ang krimen, kasalukuyang nagchi-check ng mga test papers si Mr. Cariaso. Gamit ang laptop niya, malamang ay naka-login din siya sa university portal nila para direcho nang i-encode ang grades ng mga estudyante niya. Tapos biglang nag-text yung suspect. May ibinigay itong impormasyon and most likely, student number yun ng isang babaeng estudyante. Gamit ang laptop at access niya sa portal, chineck niya ang student number na ibinigay ng katext niya. Nakita ng professor ang profile ng estudyanteng iyon at kursunada niya ito. At dahil hayok at sadyang manyak ang biktima, pikit-mata niyang niyaya ang katext sa bahay niya. Yung akala niyang siya ang makakapambiktima, siya pa tuloy ang nabiktima.”



Sunod namang tinignan ng detective ang list ni Miggs.



1. Ford Mustang



“Sino nga bang hindi maakit sa sasakyan ng batang iyon? Pero dahil alam ng suspect na hahanapin ito ng pulisya, malamang ay ibinenta na niya ito o pwede ring nakipag-swap na lang para makakuha ng bago ngunit mas mura at hindi kahina-hinalang sasakyan. Sabi ng witness na si Pamela Yuzon, nasisiguro niyang hindi Ford Mustang ang ginamit ng suspect nang makita niya ito noong papatakas na sa krimeng ginawa kay Mr.Cariaso. Kapag natunton namin ang pinagdalhan sa sasakyan ni Miggs, yun din ang magpapabilis ng pagtunton namin kay Triple-face.”



Sa bagay at paniniwalang iyon humuhugot si Detective Dante ng pag-asa na sa lalong madaling panahon ay mahahanap na nila ang kriminal na nagtatago sa triple-face mask. Ngunit sa tuwing nakikita niya ang ikalawang bagay na nasa list ng stolen items ni Miggs…



2. Jacket



“Ano naman kayang meron sa jacket na yun at natipuhan niya ring nakawin?”



Hindi maiwasang mainis ng detective dahil sa kalituhan. Hindi tulad ng mga naunang kaso na nahawakan niya, nahihirapan siyang intindihin ang tunay na tumatakbo sa utak ng Triple-face Killer.



End of Chapter 11





No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^