CHAPTER 7
Zamora’s Residence. 2:50 AM.
Naka-set talaga ang alarm clock ni Dante Zamora sa 4:30 AM
pero nagising na siya sa malakas na tunog na ginawa ng cellphone niya. Isang
tawag na may kinalaman sa trabaho niya ang dahilan kung bakit napabangon sila
bigla.
“Dante—” Bukod sa kanya ay naalimpungatan rin
ang asawa niya na katabi niyang natutulog kanina. “Bakit bumabangon ka na?”
“Sa trabaho ko, Hon. I
think we found another lead. Kailangan kong puntahan yun.”
“Nang ganitong oras?” Magkahalong pagtataka at pag-aalala
ng asawa niya. “Kung may bagong
ebidensya naman, baka pwedeng ipagpabukas—este ipagmamaya mo na lang.”
“Hindi lang tungkol sa
ebidensya. Yung suspect namin dun sa kasong hawak ko, mukhang sangkot na naman
sa panibagong krimen.”
Napanganga na lamang ang asawa niya. Iniisip nito na grabe na
talaga ang mga krimeng nagaganap sa panahon ngayon.
“O sige, Dante. Basta
mag-iingat ka dun, ah.”
Hinalikan ni Dante sa noo ang kanyang asawa at saka na ito
naghanda para puntahan ang crime scene na itinawag sa kanya.
Sa Xenoville Subdivision, eksaktong 3:25 AM ay nakarating na
si Dante sa mismong bahay na pinangyarihan ng krimen. Agad siyang sinalubong ng
kateam niya na si Rey Bernal na mas naunang nakarating sa kanya dahil mas
malapit ang tinitirahan nito.
“Detective Dante!”
“Bakit hindi pa
nako-cordon out ang lugar? Residential area ‘to. Kahit madaling araw, maraming
pwedeng maki-usyoso rito.”
“Pinalalagyan ko na po
ng police line tape ang buong lugar, Sir.”
“Nasaan na yung officer
na unang naka-respunde rito? I want the checklist for the initial action.” Utos ni Dante na agad din namang
ibinigay ng tauhan niya.
Mga papel ang natanggap ni Dante at masusi niya itong binasa.
Dalawang pangalan ang nakita niya sa list. Isang nagngangalang Teofisto
Cariaso, ang biktima. At isang nagngangalang Pamela Yuzon, kapit-bahay ng
biktima at witness sa naganap na krimen.
Nakapagsagawa na ng initial interview ang first officer kay
Pamela Yuzon. Nang basahin ito ni Dante, lubos na niyang naintindihan kung
bakit kunektado ang kasong ito sa unang kaso na hawak niya.
Ayon sa salaysay ni Pamela Yuzon, “Pauwi na ako galing sa trabaho nang mapansin ko ang isang mamahaling
sasakyan sa tapat ng bahay ni Mr. Cariaso. Hindi ko nakita yung plate number kasi
sinadyang takpan yun. Tapos, may isang di-kilalang tao ang lumabas mula dun sa
bahay. Nakasuot siya ng itim na leather jacket, balot na balot, at nakasuot ng
maskara na may tatlong mukha. May hawak siyang kutsilyo… duguan. Nagtago na ako
para hindi niya ako makita kasi alam kong masamang tao siya. Noong pumasok na siya
sa loob ng sasakyan at nagpaharurot na paalis, saka pa lang ako nakatawag sa
pulis.”
Isang killer na nakasuot ng maskarang may iba’t ibang mukha.
Ang Triple-face killer na ito ang siya ring suspect sa kasong hawak ngayon ni
Dante na tungkol naman sa pagpatay sa isang estudyante mula sa NEU, si Miggs.
“May dala raw na mamahaling sasakyan yung suspect. Hindi kaya
yun din yung sasakyan na ninakaw niya kay Miggs.” Napag-isip si Dante at napatingin sa
kaharap niyang bahay ngayon. “May ninakaw rin kaya siya mula sa biktima
niya ngayon?”
Nagpasya nang pasukin ni Dante ang mismong crime scene para
kumalap ng impormasyon at mga ebidensya. Nakasunod sa kanya si Rey na tahimik
lang. Trabaho nito na i-assist siya, kuhanan muna ng pictures ang mga
ebidensya, at saka iretrieve ang mga ito.
Sa pagpasok nila ay dugo na agad ang bumungad sa entrance at
sa dingding. “Naunang nagawa ng suspect ang plano niya. Isang malalim na saksak kaya
ganito agad karami ang dugo, ngunit posibleng nanlaban din muna ang biktima.” Pag-aanalisa
ni Dante sa isip niya. May hawak rin siyang notepad at isang ballpen para
isulat kung ano ang mga obserbasyon niya.
Tumuloy na sila sa loob para sundan ang trail ng dugo. “Hinila
ang biktima papunta sa sala. Pero mukhang nahirapan o nabigatan ang suspect sa
paghila dahil hindi tuwid ang mga bakas ng dugo sa sahig.”
Pagdating nila sa sala, tumambad na sa kanila ang brutal at
masagwang pagkamatay ng isang matandang lalaki—si Teofisto Cariaso. Ngunit
bukod sa bangkay ng biktima, natuon ang atensyon niya sa magulong ayos ng
bahay.
“Siguraduhin mong
makuhanan mo ng litrato ang bawat anggulo nitong lugar, Rey.”
“Opo.”
Tuloy naman sa pag-aanalisa si Dante. “Sinadyang guluhin ng suspect ang
lugar para mahirapan kami sa paghahanap ng ebidensya.”
Ngunit hindi ito naging hadlang para makahanap sila ng mga bagay
na makakatulong sa kaso.
Isang duguang panyo sa tabi ng biktima. “Posibleng ibinusal ‘to sa loob bibig
ng biktima. Posible ring sa suspect ito nanggaling.”
Isang bote ng vodka at dalawang baso. “Maaring inihanda ito ng biktima
bago pa man maganap ang krimen. Ibig sabihin, inaasahan na niyang may ibang
taong parating.” Tinitigan niyang mabuti ang mga baso ngunit nag-ingat
na hindi ito magalaw. “Maaring isa sa mga basong ito ay ginamit ng
suspect.”
Sunod na napansin ni Dante ay ang nagkalat na test papers ng
mga estudyante ng biktima. “May hinahanap na papel ng estudyante yung
suspect. Posibleng isa mga iyon ay may kinalaman sa naging motibo ng pagpatay.”
Lahat ng mga ebidensyang nakalap nila ay maingat na
ipinreserve ni Rey para hindi ma-contaminate ang mga ito. Dadalhin ang mga ito
sa crime lab upang mapag-aralan.
“Rey!”
“Yes, Detective Dante?”
“Anong oras uli
nagsisimula ang pasok sa NEU?”
“6:30 AM po ang
pinaka-maaga.”
“Magpunta tayo roon
mamaya. Tatanungin natin sila.” Saka ipinakita ni Dante kay Rey ang section ng klase na naroon
sa mga test papers na nakita nila.
= = = = =
Sa NEU campus.
Tulad ng plano, maagang nagpunta ang magkaibigan sa
university para makipagkita sa kaibigang student assistant ni Shane.
Naisip na nila na kung hindi sila mahanapan ng bagong
schedule na may ibang professor, baka i-drop na lang talaga ni Richelle ang
subject na yun. Kahit pa next sem na lang niya ulit kunin ang subject na yun
basta lang malayo siya sa manyakis na Sir Cariaso.
Ang usapan ay sa Student Affairs Office sila magkikita.
Kinatok na ito ni Shane at ang nagbukas ng pinto ay ang kaibigan na niya mismo.
“Pre!”
“Yow!” Nag-brofist pa yung dalawa bilang
batian.
Pero medyo weird yung ikinilos ng kaibigan ni Shane. Bago
sila pinapasok sa loob ay nilibot pa muna niya ng tingin ang buong paligid na
para bang sinisigurado na wala nang iba pa silang kasama.
“Bawal ba kaming
pumasok sa office niyo, Trent?”
“Hindi naman!
Chini-check ko lang kung may ibang estudyante na sa paligid.”
“Quarter to six pa
lang! Siguradong mamaya pa darating ang mga estudyante.”
“Sabi ko nga!” At saka pa lamang sila nito
pinapasok sa loob. “Siya na ba yung
kaibigan mong si Richelle?”
“Oo, siya na nga. Iche,
ito nga pala si Trent. Yung kaibigan kong tutulong saatin.”
“Hi!” Matipid na bati ni Richelle.
May kakaibang ngiti naman sa mukha ni Trent nang magkaroon
sila ng sandaling eye contact, “It’s so
nice to finally meet you, Iche.”
At excited pa nga itong makipag-kamay pero kinarate-chop ni
Shane ang kamay niya, “Anong Iche? Close
kayo?” Hindi pa siya nakuntento, pinalipat niya si Richelle ng upuan kung
saan malayo kay Trent. “At wag mo siyang tawaging Iche. Hindi pa kayo
close. Richelle lang ang itawag mo sa kanya.”
“Tss! Ang dami mong
alam ‘pre. Akala ko ba magkaibigan lang kayo? Bakit binabakuran mo siya ngayon?”
“Heh! Ang dami mong
napapansin.”
Pero sa totoo lang, hindi naman talaga binabakuran ni Shane
si Richelle sa ibang lalaki. Pansin lang niya na wala pa rin sa mood ang
kaibigan at balisa pa rin sa ibang tao kaya pakiramdam niya ay dapat niya itong
protektahan.
“Kamusta na nga pala
yung pinapaayos ko sayo? Meron pa bang available sched na pwedeng malipatan ni
Iche?”
“Shane, mukhang ‘di na
kailangan ng kaibigan mo ang magpalipat pa ng schedule.” Lumingon-lingon ulit sa paligid ang
kaibigan ni Shane at saka pabulong na nagsalita. “May balita ngayon lang. Natagpuang patay si Sir Cariaso sa bahay
niya.”
“Ano?” Sabay na nasabi nina Richelle at
Shane dahil sa pagkagulat.
“Mukhang malaki yata
yung galit nung pumatay kay Sir. Bukod sa mga saksak, pinutulan pa siya.”
“Pinutulan?” Nagtatakang tanong ni Richelle na
hindi agad na-gets ang sinabi ni Trent. “Pinutulan
ng ano?”
“Ng pagkalalaki.” Sagot ni Trent na para bang
nandidiri at naawa sa sinapit ng propesor. “Ang
saklap noh? Narinig ko sa usapan sa faculty kanina, baka raw isa sa mga babaeng
estudyanteng biktima niya ang may pakana nun.”
“Biktima?”
“Ng sexual harassment.”
Nang banggitin ni
Trent yun, napayuko na lang ito para umiwas ng tingin kay Richelle. May ideya
na rin kasi siya kung bakit gustong magpalipat ng schedule ni Richelle. “Kaya ayun. For sure naghahanap na sila ng
papalit na magtuturo sa klase niyo.”
Muling nagkatinginan sina Shane at Richelle. Nabawasan na
kahit papaano ang problema nila. Pero parehong may tanong sa mga isip nila.
Sino ang pumatay kay Sir Cariaso?
End of Chapter 7
No comments:
Post a Comment
Say something if you like this post!!! ^_^