Saturday, September 28, 2013

My Last Rose Sequel : My First, My Last - Chapter 39



CHAPTER 39
[ ELLAINE’s POV ]


Napahinto ako sa tahimik kong pag-iyak nang maramdaman kong may sumipa sa paa ko. Lumingon ako sa kaliwa ko. Wala akong makita at hindi rin ako makapagsalita. Naalala kong kinuha rin ng mga lalaking ‘yon si Drenz. Pero bakit? Ano kailangan nila kay Drenz?


 Sinubukan kong magsalita pero puro tunog lang ang lumabas sa bibig ko. Bilang sagot ay marahang sinipa ng taong katabi ang paa ko. Si Drenz ang katabi ko! Malamang katulad ko rin ay nakapiring siya at may telang nakatakip sa bibig niya.
Narinig kong nagbukas ang pintuan.


“Gising na pala ang mga bisita ko.”


Ang boses na ‘yon. Bakit parang pamilyar sakin? Naramdaman kong humakbang palapit ang nagmamay-ari ng boses na ‘yon hanggang sa maramdaman kong nasa harap ko lang siya.


“Kamusta ka na, Ellaine?”


“Uhmmm...!” Tanging nasabi ko na lang. Naramdaman ko ang paghaplos niya sa pisngi ko. Iniwas ko agad ang mukha ko.


Napapalatak siya. “It’s nice to see you again, Ellaine. Long time no see, huh. Oh! Hindi mo nga pala ko nakikita.” Naramdaman ko ang paglayo niya sakin. “Ilagay ninyo sa dulo ang lalaking ‘yan.” Naramdaman ko ang paghila ng kung sino sa katabi ko palayo sakin.


“Uhmmm...!”


“Nagtataka ka siguro kung bakit ka nandito, Ellaine. Sisihin mo si Jaylord. Siya ang may kasalanan ng lahat ng ito. Hindi pa kasi siya namatay.”


Nanlaki ang mga mata ko sa kabila ng nakapiring kong mga mata. Alam niyang buhay si Jaylord! Sino ba ang lalaking ito?


“At, Drenz. Si Jaylord din ang sisihin mo kung bakit ka nabugbog ng mga tauhan ko at kung bakit ka napasama dito. Katulad nang ginawa niyang pagpatay sa kuya mo.”


Ano bang sinasabi niya? Anong pinatay ni Jaylord ang kuya ni Drenz? Solong anak lang si Drenz! Wala siyang kapatid! Ni wala siyang pamilyang kasama niya!


Bigla kong naalala ang sinabi ni Drenz kanina.


“Na ang taong buhay mong minahal ay mamamatay tao pala.”


No! Hindi pwedeng mangyari ‘yon! Walang pinatay si Jaylord!


“Nagtataka ka siguro, Ellaine, kung anong tinutukoy ko. Pwes, ipapaalala ko sa’yo. Five years ago, nangyari ang huling pagtutuos ng DSG at ACG. Five years ago, namatay ang kuya ni Drenz. At nando’n ka ng araw na ‘yon, Ellaine. Kitang-kita mo ang mga nangyari. Kung paano pinatay ni Jaylord ang kuya ni Drenz. At anong ginawa mo? Nanahimik ka na lang.”


Five years ago? Isa lang ang alam kong nangyari no’n sa pagitan ng DSG at ACG. Pero hindi totoo ang mga sinabi niyang pinatay ni Jaylord ang sinasabi niyang kuya ni Drenz!


“Hindi ba’t ngayon ang araw kung kailan namatay ang kuya mo, Drenz? Baka naman gusto mo ding isabay ang kamatayan ni Ellaine sa kuya mo? Hindi ka nakaganti kay Jaylord diba? Yun naman talaga ang dahilan mo sa pagpasok mo sa NPC. Ang gantihan siya. It’s your chance. Wag mo nang biguin ang kuya mo.”


No! Hindi totoo ang mga naririnig ko! Hindi!


“Alam mo ba ang bagay na siguradong makakasakit kay Jaylord na mas masakit pa sa ilang tama ng baril na ibibigay mo sa kaniya?”


Ang lalaking ‘to...


“Para mo na ring pinatay ng paulit-ulit si Jaylord kapag binura mo sa mundo ang pinakamahalagang babae sa buhay niya. At yun ay si Ellaine.”


Kilala ko na ang lalaking ‘to. Kilala ko na kung sino siya...


“Goodluck sa inyong dalawa.”


Nakarinig ako ng hakbang hanggang sa pagsara ng pintuan. May kung sinong nagtanggal ng piring sa mata ko. Ilang beses kong kinurap ang mga mata ko nang umabot sa paningin ko ang pagsara ng pintuan. Wala ng tao. Itinuon ko ang paningin ko sa lalaking nasa kabilang dulo ng kwarto. Nakatali ang mga kamay niya sa harap niya. Wala na rin siyang piring. Pero hindi katulad ko, wala nang nakatakip sa bibig niya.


At tanging kami na lang dalawa ang nasa madumi at maliit na kwarto, na ang tanging liwanag lang ay nagmumula sa bintanang nasa mataas na bahagi na malapit sa kisame.


Drenz…


May mga bahid ng dugo ang mukha niya. Putok ang gilid ng labi niya. Maga din ang kanang mata niya. May mga pasa ang mukha niya.


At habang nakatingin siya sakin, walang reaksyon ang mukha niya. Wala akong mabasang reaskyon sa mukha niya. Parang hindi siya si Drenz na nakilala ko. Ang topakin, moody at makulit na Drenz na kaibigan ko.


Mas lalo akong natigilan nang makita ko ang itim na bagay na nasa tabi niya.


= = =


[ DRENZ’s POV ]


Nagising ako nang makarinig ako ng pag-iyak. Naramdaman ko ang sakit sa buong katawan at mukha ko. Nalaman kong nakapiring ang mga mata ko. May takip din sa bibig ko. Nakatali ang mga paa at kamay ko.


Naramdaman kong may tao sa tabi ko. Siya ang naririnig kong umiiyak.


Ellaine...


Kasalanan ko ‘to. Kung hindi ko siya kinausap kanina, wala kami dito.


Pero...


Kinuyom ko ang kamao ko.


Isa lang naman ang pinag-ugatan ng lahat ng ‘to, eh.


Si Jaylord...


         - F L A S H  B A C K -        

Five years ago...


Malapit na ko ng bahay nang matanaw ko ang kuya ko na may kasamang mga lalaki. Mukhang pauwi na ang mga lalaki dahil naglakad na sila pasalubong sakin. Sinundan ko sila ng tingin nang makalagpas sila sakin.


“Drenz!”


Lumapit ako sa kuya ko.


“Ang aga mo ata.”


I smiled. “Nag-cutting ako, eh.” Nang akmang itataas niya ang kamay niya para batukan ako, umatras agad ako. “Joke lang. Ito naman. Wala yung prof namin sa last subject ko. Inuna ang date.” Nilingon ko ang mga lalaking kasama niya kanina. “Kuya, sino sila?” Sa itsura nila, parang hindi sila gagawa ng mabuti.


“Mga bago kong kaibigan.”


“Kaibigan mo sila?” Nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kaniya at sa direksyon ng mga lalaking lumiko na sa may kanto. “Sa gwapo nating ‘to, nakikipag-kaibigan ka sa mga gano’ng—aray!” Napangiwi ako at napahawak sa ulo ko. Binatukan niya kasi ako. “Kuya naman.” reklamo ko.


“Kailan pa naging basehan ang itsura ng isang tao sa pakikipag-kaibigan?” seryosong tanong niya.


“Uso na ngayon ‘yon, kuya. Marami nang gumagawa niyan.”


“Pwes, ibahin mo ko. Alam mo bang iniligtas nila ko?”


Kumunot ang noo ko. “May nangyari ba sa’yo, kuya?”


“Nahold-up ako nang nakaraang araw at muntik na kong saksakin kung hindi pa sila dumating. Kaya utang ko ang buhay ko sa kanila. Lalo na kay Kairo. Kaya wag mong kukuwestiyunin ang pakikipag-kaibigan ko sa kanila. Besides, ngayon lang uli ako nakipag-kaibigan kaya pagbigyan mo na ko. Sige na, pumasok ka na at magbihis. Papasok pa ko.”


Napasunod na lang ako ng tingin sa kaniya hanggang sa pumasok siya sa bahay namin na tanging iniwan samin ng mga namayapa naming magulang.


I sighed. Hindi muna ko pumasok at umupo muna sa gilid ng kalsada.


Tama si kuya. Ngayon lang uli siya nakipag-kaibigan simula nang mamatay ang magulang namin nung grade six ako dahil sa isang aksidente. Sakin na umikot ang mundo niya.


Simple lang ang buhay namin no’n. Hindi kami mayaman. Hindi din kami isang kahig, isang tuka. Pero nang mamatay ang magulang namin, napilitang huminto si kuya sa pag-aaral niya. Kakatapos lang niya ng highschool at hindi na siya nag-college. Nagtrabaho na siya para saming dalawa at para matustusan ang pag-aaral ko.


Ngayon, third year na ko sa kursong Psychology dahil sa pagsisikap ni kuya. Hindi ‘yon ang gusto ko pero yun ang madalas banggitin ni kuya nung highschool pa siya na kukunin niya pag college na siya. Kaya yun ang kinuha ko. Para kahit man lang sakin, matupad ni kuya ang pangarap niya.


Dahil ang tangi ko lang pangarap sa buhay ay tuparin ang mga pangarap ng kuya ko para sakin.


“Drenz!” narinig kong tawag ni kuya sakin.


“Nandyan na kuya!”


= = =


“Member ka na nang ACG?” Yun ang pangalan ng gang na kinabibilangan nina Kairo, ang mga kaibigan ni kuya. Isang buwan na simula nang makilala niya ang mga ito. Narinig ko lang sa pakikipag-usap ni kuya kanina na may meeting daw sila ng mga ACG.


“Oo.”


“Pero, kuya—”


“Drenz. Hindi porke’t kapatid kita, may karapatan ka nang manghimasok sa mga desisyon ko. Baka nakakalimutan mo, ako ang bumubuhay sa’yo.”


Parehas kaming natigilan sa huling sinabi niya. Siya ang unang nakabawi.


“I’m sorry. Pagod lang ako sa trabaho.”


Sinundan ko na lang siya ng tingin nang tumalikod siya. Marahas akong napabuntong-hininga. Simula nang naging kaibigan ni kuya ang mga ‘yon, parang may nagbago na sa kaniya. Parang problemado siya.


Masama ang impluwensya sa kaniya ng gang na ‘yon. Ang walang kwentang gang na ‘yon! That’s why I need to talk to my brother. Hindi ko hahayaang masira ang buhay niya nang dahil sa gang na ‘yon.


Pero lumipas lang ang araw na hindi ko siya nakausap dahil lagi siyang wala sa bahay tuwing umuuwi ako. Kung mag-aabot man kami, lagi siyang wala sa mood at bugnutin.





Dumaan ang dalawang linggo.


Bisperas na ng pasko.


Nakatanggap ako ng text kanina kay kuya na hintayin niya ko. Darating daw siya bago maghating gabi at sabay naming sasalubungin ang pasko kagaya ng nakagawian naming gawin nang magkasama. At ang huling mga salitang nabasa ko sa text niya, ‘Sorry and I love you, bro’


Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaba sa dibdib ko. Mas dumoble pa ‘yon sa bawat oras na lumipas hanggang sa maging minuto bago mag-pasko. Tinatawagan ko siya pero not available ang phone niya. Thirty minutes ang lumipas ng wala pa rin siya hanggang sa maging dalawang oras. Hindi na ko nakatiis at hinanap siya sa kung saan-saan nang makatanggap ako ng tawag.


Unknown number. Pero sinagot ko.


“Hello, sino ‘to?”


“Si Drenz Sanchez ba ‘to?”


“Yes.”


“Are you related to Jhonny Sanchez?”


Binalot agad ng kaba ang dibdib ko. “K-kapatid ko s-siya.”


“I’m sorry to say this but you’re brother is dead. Nasangkot siya sa isang gulo. We need you here...”


Hindi ko na narinig ang iba pang sinabi niya dahil nabitiwan ko na ang phone ko.


Hindi ako makapaniwala sa narinig ko.


Nananaginip lang ako.


Hindi ‘to totoo.


= = =





“Drenz, let’s go. Umaambon na.”


“Mauna ka na. Dito lang ako.” hindi lumilingong sabi ko kay Maricar, ang girlfriend ni kuya. Nakatutok lang ang mga mata ko sa puntod ni kuya.


“Take this.” May inabot siya saking payong na hindi ko tinanggap. “Ang tigas ng ulo mo.”


“Dito lang ako.” madiing sabi ko.


Matagal bago siya nagsalita. “Hindi lang ikaw ang nasaktan, Drenz. I love your brother but I need to move on my own life. You, too.”


“Nasasabi mo lang ‘yan dahil ikaw ang nasa kalagayan ko. Ilang buwan lang ba kayong magkakilala? Three months? Four months? Buong buhay ko siyang nakasama. He was not just my brother, Maricar. He was my bestfriend, too. Siya rin ang tumayong magulang ko. Kaya sabihin mo, how could I move on with my life without him?”


“We’ve known each other for almost four months but it doesn’t mean na gano’n na kababaw ang pinagsamahan namin. I love him but it doesn’t mean that I should soak myself into grieveness. I still have my life, Drenz.”


Pinikit ko nang mariin ang mga mata ko nang maramdaman kong umalis na siya. Ilang segundo ang lumipas nang maramdaman kong lumalaki ang patak ng ulan na tumatama sakin hanggang sa tuluyan nang lumakas ang ulan.


I opened my eyes. May nakita akong lalaking palapit sakin. Kinuyom ko ang kamao ko nang tuluyan siyang makalapit at makilala ko siya.


“Kairo.” nanggigigil na sabi ko. Kasalanan nila! Sila ang may kasalanan kung bakit namatay si kuya! “Hayop ka!” Sinugod ko siya ng suntok pero nailagan lang niya ‘yon. Sinugod ko pa siya ng isa. Tumama sa kaniya pero kamay niya ang isinalubong niya. “Hayop kayo! It’s all your fault!” nanggigigil na sabi ko. “Pinatay ninyo siya!”


“Hindi kami ang pumatay sa kaniya!” Tinulak niya ko nang malakas kaya napasadsad ako sa lupa. Susugod pa sana ko nang maunahan niya ko. Kinuwelyuhan niya ko. “Hindi kami ang pumatay sa kuya mo!” malakas niyang sabi.


“At sino?! Sino?!” sigaw ko.


“Si Jaylord! Siya ang pumatay sa kuya mo!” Patulak niya kong binitiwan. “Pauwi na kami ng gabing ‘yon nang masalubong namin ang mga member ng kalaban naming gang, ang DSG. Nag-aya sila ng away. Nagtawag pa sila. Dumating ang leader nilang si Jaylord. Pinag-initan niya ang kuya mo dahil napansin niyang mahina ang kuya mo. Gano’n kawalang-awang tao si Jaylord. Sa kabila nang pagmamakaawa ng kuya mo na wag siyang patayin, pinatay siya ni Jaylord.”


“Jaylord.” nanggigigil na sabi ko. “Nasa’n siya?! Nasa’n ang hayop na ‘yon?!”


“At anong gagawin mo? Papatayin mo siya?”


“Hindi ako mamamatay-tao na katulad ninyo!”


“Hindi mo siya kaya, Drenz. Siya si Jaylord Nevarez. Maimpluwensya ang pamilyang kinabibilangan niya. Kaya nga madali nilang nabaligtad ang kaso. At kaya nga sa halip na sila ang parang kriminal na dapat hanapin ng mga pulis, kami ang pinaghahahanap ngayon. Gusto naming ipaghiganti ang nangyari sa kuya mo pero hindi kami makakakilos ngayon. Matatagalan kami bago makakilos, Drenz.”

“Kung gusto mong ipaghiganti ang pagkawala ng kuya mo na hindi siya pinapatay, saktan mo ang pinakamahalagang tao sa kaniya. Para mo na rin siyang pinatay no’n. Mas malala pa. Pero wag muna ngayon, magpalakas ka muna. Humanap ka ng tamang pagkakataon.”


Umalis na siya’t lahat-lahat, nakaluhod pa rin ako sa maputik na lupa. Tumayo ako at lumapit sa puntod ni kuya. Nanghihinang napaluhod ako.


“Kuya...” Hinawakan ko ang lapida niya. “I promise you. Kung sino man ang hayop na Jaylord na ‘yon, sisirain ko ang buhay niya. Just like what he did to you. To us.” puno ng galit na sabi ko.


“Kuya...”


Hindi ko na napigilan ang emosyon ko na pumupuno sa dibdib ko. Sa isip ko. Sa puso ko. Sunod na sunod na pumatak ang mga luha ko na sumasabay sa pagpatak ng ulan sa mukha ko.


Wala na ang kuya ko. Wala na ang taong pinakamahalaga sa buhay ko.



= = =


“Siya pala si Jaylord.” bulong ko sa sarili ko habang nakatingin sa lalaking walang emosyon ang mukha habang nakahalukipkip at nakasandal sa kotse at nakatingin sa coffee shop kung nasa’n ako. Nandito ako sa labas naka-pwesto.


Sa loob ng isang linggo kong pagkalap ko ng impormasyon tungkol sa kaniya, nalaman kong dito sa university na nasa harap ng coffee shop siya grumaduate.


Habang tinitingnan ko siya, kuyom ko ang kamao ko. Namumuo ang galit sa dibdib ko. Gusto ko siyang sugudin. Hindi ko napigilan ang sarili ko. Tumayo ako ng may hindi tumitinging babae na kalalabas lang ng coffee shop ang bumangga sakin.


“Oh, shit!” naiinis na sabi ko. Natapunan niya ko ng hawak niyang kape.


“Naku! Sorry! Sorry talaga! Hindi ko sinasadya!” Pinunasan niya ng panyo niyang hawak ang t-shirt ko.


“Ako na!” Kinuha ko ang panyo niya.


“Sorry talaga. Hindi ko naman sinasadya, eh. Sa iba kasi ako tumitingin. Sorry.”


“Buti alam mo.” masungit na sabi ko.


“Wag ka ng magalit, kuya. Nag-sorry na nga, eh. Ano na lang... Ah!” Nagulat ako ng hawakan niya ang braso ko at akmang hihilahin ako papasok ng coffee shop.


“Hey!” Saka lang ako napatingin sa kaniya. Sa mukha niya.


“Linisin natin ‘yang t-shirt mo sa restroom.”


“What?”


“Linisin natin ‘yang t-shirt mo.” She smiled.


And the moment she smiled, parang nawala ang—


“Ellaine!”


Napalingon ako sa pinagmulan ng boses na ‘yon. Si Jaylord! Palapit siya sa gawi namin. At mukhang kilala niya ang babaeng kausap ko. Ito ba ang babaeng sinasabi nilang girlfriend niya?


“Shit!” I whispered. “Okay na ko, miss.” Yun lang at nagmamadali na kong umalis.


“Ano ‘yon, Elle?”


“Natapunan ko ng coffee.”


“Bakit hinila mo siya?”


“Lilinisin sana namin yung damit niya sa restroom.”


“Ninyo?”


Yun ang huling narinig ko dahil nakalayo na ako sa kanila. Nagtago ako sa likod ng isang van. Sinilip ko sila. Hawak ni Jaylord ang kamay ng tinawag niyang Ellaine habang tumatawid sa kalsada. Tumaas ang sulok ng labi ko. Siya ang babaeng kailangan ko para maghiganti kay Jaylord.


Ngumiti ang babae. At dahil nakaharap siya sa gawi ko, I saw it again. Saglit akong natigilan bago natauhan at nagpasyang umalis sa lugar na ‘yon.





Lumipas ang mga araw at linggo.


Napatunayan kong bantay-sarado si Ellaine kay Jaylord. Hindi ko siya malalapitan ng gano’n-gano’n na lang. At habang lihim ko silang minamatyagan, hindi ko mapigilan ang sarili kong maramdaman ang hindi ko dapat maramdaman. Hanggang sa magpasya akong hindi pa ito ang oras. Tama si Kairo.


Hihintayin ko ang araw na ‘yon na kukunin ko kay Jaylord ang pinakamahalagang tao sa buhay niya. Katulad ng ginawa niya sakin.





Lumipas ang mga araw at mga linggo.


Hanggang sa naging buwan ang mga linggo.


Hanggang sa hindi ko namalayang dalawang taon na pala ang lumipas.

  
Hindi ko na tinapos ang pag-aaral ko simula ng mawala si kuya. Nawala na ang pangarap ko dahil nawala na rin ang kuya ko na siyang bumubuo ng pangarap ko. Kung anu-anong trabaho ang pinasok ko. Naging magulo ang buhay ko sa nakalipas na dalawang taon.


Hanggang sa may nalaman ako mula kay Maricar, nagta-trabaho siya sa Nevarez Pharmaceutical Company, ang kumpanyang pag-aari ng pamilya ni Jaylord at kung sa’n ito nagta-trabaho. Tatlong taon nang nagta-trabaho si Maricar sa NPC. Para sabihin sakin ni Maricar ang mga nangyayari sa buhay ni Jaylord at ni Ellaine, kinailangan kong sabihin sa kaniya na may kinalaman si Jaylord sa kamatayan ni kuya.


Hindi lingid sa kaalaman ko na naiinis siya kay Ellaine. Yun ang madalas niyang i-kwento sakin pag nagkikita kami. Sinamantala ko ‘yon para tulungan niya kong makapasok ng NPC. Nalaman kasi ni Maricar na papasok si Ellaine sa NPC pagka-graduate niya. Yun ang hinihintay kong pagkakataon para makalapit sa kaniya kung sa isang company lang kami nagta-trabaho.


Ilang buwan na lang ang hihintayin ko para magawa ko ang misyon ko. Lahat ng credentials na kinakailangan ko, pinaasikaso ko sa isang kilala ko. Pineke ko ang kinakailangang ipeke. At sa tulong ni Maricar, makakapasok ako sa NPC. Boyfriend niya ang head ng HR department. Siya na daw ang bahala basta siguraduhin ko lang na igaganti ko ang pagkamatay ng kuya ko.





Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay ko.


Sa unang araw ng interview, nakita ko siya. Alam kong hindi niya ko makikilala dahil nakashades at cap ako ng una kaming magkita. Besides, dalawang taon na simula nang mangyari ‘yon. At katulad nang nangyari no’n. Nabunggo na naman niya ko. Pero this time, sinadya ko na. Hindi din naman kasi siya nakatingin sa dinaraanan niya habang hawak nang phone niya.


“Sorry, miss.”


“Okay lang. Hindi rin kasi ako nakatingin.” And then she smiled.


Umiwas agad ako ng tingin.


“Mag-aaply ka rin?” tanong niya.


“Yap.” hindi lumilingong sagot ko.


“Parehas tayo. I’m Ellaine nga pala. You are?”


“Drenz.” Hindi pa rin ako lumilingon. Hindi dapat ganito ang mangyari. Akala ko nawala na sa nakalipas na mga taon. Pero bakit ganito? Nandito pa rin ang—


“Excuse me mga ate, mga kuya. Pwedeng magtanong?”


Lumingon ako sa likuran ko. “What?” impatient na tanong ko.


“Galit ka, kuya?”


“Hindi.” Iniwan ko na sila.


“Ano ‘yon, miss?” narinig kong tanong ni Ellaine sa babae.


“Sa’n ba yung HR department? Naliligaw kasi ako, eh.”


“Do’n din ang punta ko. Sabay na tayo. I’m Ellaine nga pala.”


“I’m Charie. Kilala mo ba yung lalaki kanina? Ba’t ang sungit no’n?”


“Hindi naman siya masungit kanina. Nakangiti pa nga. Moody lang siguro.”


“At may topak.”


Hindi ba nila alam na naririnig ko sila? Nilingon ko silang dalawa dahil nakasunod lang sila sakin. “Alam ninyo ba ang nangyayari sa mga babaeng madadaldal? Pinapakain sa pating.”


“Weh di nga?” sabay na sabi ng dalawa.


“Totoo ‘yon.” I said seriously as I continued walking.


“Sana makapasa tayo noh?”


“Sana nga, Charie.”





And that were all started.


Nakapasok kaming tatlo. We became friends. Nang wala sa plano ko.


Lumipas ang mga araw at linggo hanggang sa naging buwan.


Napalapit akong lalo kay Ellaine.


Yun naman talaga ang plano ko.


Ang makuha ang loob niya.


Pero hindi kasama sa plano ko ang mahulog sa kaniya.

= = =


No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^