Sunday, May 15, 2016

Resurrection Academy : Prologue

RESURRECTION ACADEMY
by : Hannah Jewel


Prologue:

"Gising ka na?" Kinusot ko ang mata ko at sinubukang tingnan ang taong iyon pero napaiwas lamang ako dahil sa liwanag na nanggagaling sa kaniya.

Napakasakit sa mata at nakasisilaw ang mukha at damit niyang napakaputi. Para bang may kaharap akong isang angel ngayon. "Asan... Asan ako?" tanong ko at sinubukang ilibot ang paningin ko, naghihintay ng sagot mula sa kaniya pero imbes na sagutin ang tanong ko ay ngumiti lamang siya.

Kumunot ang noo ko nang iabot niya sa akin ang isang envelope. Inabot ko iyon at binuksan. Napakirot pa ako ng mahawakan ko ang papel na nasa loob nito. Parang hinigop nito ang kaluluwa ko. Tiningnan kong muli ang tao na nasa harapan ko at itinuon ang pansin sa papel. Binasa ko ng malakas ang nakasulat dito.

"Welcome to Resurrection Academy."

Tinignan ko ng may halong pagdududa ang mukhang anghel na nasa harapan ko. Napapikit pa ako dahil habang mas lalo ko siyang tinititigan ay mas lalo pa siyang nakakasilaw sa paningin ko. Napailing na lamang ako.

"Anong ginagawa ko dito?" tanong ko sa kaniya at inilibot ang paningin sa buong kuwarto. Napansin kong puro puti ang kulay dito. Mula kisame hanggang sa tiles nito, puti din ang kulay. Maging ang mga gamit dito ay puti rin.

Muli kong itinutok ang atensyon ko sa taong nasa harapan ko. Ngumiti naman siya kaya napaiwas ako ng tingin.

"Simple lang naman. Nandito ka para mag-aral."

"Mag-aral?" pagtataka ko.

"YEP. Ako nga pala ang Headmaster ng school na 'to. Junmyeon Risurrezione. Puwede mo rin akong tawagin na Suho kung gusto mo." at muli siyang ngumiti. Ngayon ko lang napansin na biglang nawala ang liwanag na parang bumabalot sa kaniya kanina kaya nakita ko na ang mukha niya ng maayos.

May inabot na naman siya sa akin na mukhang isang libro. Nagtataka ko itong kinuha sa kaniya at tiningnan ang cover nito. Nakalarawan dito ang isang phoenix na nakapaikot ang pakpak. Nakasulat din dito ang 'Resurrection Academy'. Tumaas ang kilay ko habang nakatingin dito.

"Ano 'to?"

"Isang student handbook--" bigla naman siyang napatigil na para bang may tumawag sa kaniya. Napalingon naman ako para tingnan kung may tao pa bang iba ang nandito sa kuwarto pero wala naman. "Pasensya na. Kailangan ko ng umalis. Maaari ka ng lumabas. Ang student handbook na mismo ang magpapaliwanag sayo kung ano ang dapat at hindi mo dapat gawin habang nandito ka sa Academy na ito."



Magsasalita pa sana ako ng bigla siyang nawala sa paningin ko. Napakurap ako ng wala sa oras. Anong nangyayari?


No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^