Thursday, November 6, 2014

Psycho's Love Interest : Chapter 25

CHAPTER 25




Nang masabi na ni Richelle ang nangyari sa kanya doon sa convenience store kasama si Carlo, dali-daling tinutukan ni Shane yung CCTV na pina-install nila. Sa mga oras na iyon, nakatayo na nga si Carlo sa harap ng kanilang pintuan.



Nakikiramdam ito sa mga nangyayari sa loob ng apartment nila. At akma pa nga sana itong kakatok ngunit hindi rin itinuloy.



Kilabot ang bumalot sa buong katawan ni Richelle nang tumingala na lang si Carlo at tumitig sa CCTV nila. Para itong nakatitig mismo sa kanila. Alam nitong pinapanood nila siya kaya ngumiti pa ito, kumaway sa kanila at saka nag-flying kiss pa.



Balak na sana itong sugurin ni Shane ngunit napakapit sa braso niya si Richelle. “Wag na…” Pakiusap ng dalaga. Wala namang magandang maidudulot ang pagsugod niya at isa pa, nagpasya na ring umuwi sa sarili niyang apartment si Carlo.



“Wala na akong nakikitang solusyon dito kundi lumipat na tayo ng ibang apartment.” Saad ni Shane na hanggang ngayon ay tensyonado pa rin. “Hindi ako mapapakali hangga’t umaaligid sayo ang lalaking yun.”



Hindi naman na nakaimik pa si Richelle. Sang-ayon na siya dahil mas mapapalagay ang loob niya kung hindi na niya makikita pa ang Carlo na yun. Ang kaso, may pag-aalinlangan din siya. Sigurado ba si Shane na lumipat na ng ibang apartment? Paano na silang dalawa ni Darcie?



Nangangati na siyang itanong iyon ngunit kinagat na lamang niya ang dila niya para hindi ito ituloy. Hindi alam ni Shane na alam na niya ang tungkol sa kanila ni Darcie.



“Saan ka nga pala nanggaling?” Yun na lang ang itinanong niya. “Kumain ka na ba?”



Sandaling napatitig si Shane sa kanya. Medyo napangiti pa nga ito pero, “Nakipagkita ako kay Uncle Greg. At hindi pa ako nakakapag-dinner.”



Napatayo na si Richelle at agad na kinuha yung mga pinamili nila. “Sige tatapusin ko na yung niluluto ko.” At para hindi na tuluyang masira ang gabi nila, hindi na nila pinag-usapan pa si Carlo.



Ilang minute pa at natapos din ang niluluto niya. Ngunit hindi tulad ng dati, tahimik lang nilang pinagsaluhan ang hapunan. Marami pang bagay silang dapat pag-usapan—ngunit pareho nilang napagkasunduan na ipagpaliban na muna ang mga bagay na iyon.



Gusto nila pareho ng katahimikan. Pareho silang pagod... parehong namimiss na rin ang isa’t isa.



= = = = =



Nag-convoy na ang mga sasakyan ng pulis at isa pang ambulansya patungo sa lumang estasyon ng pulis na halos tatlong oras din ang byahe. Umaasa ang team nila na matatagpuan pang buhay ang dalawang dalaga dahil ayon dun sa video, kaninang 12:30 lang ito ng hapon kinunan at 7 PM naman inupload.



Habang nasa byahe at tahimik sa loob ng sasakyan, may mga ilang puna at ebidensya na rin ang nabubuo na sa utak ni Detective Dante habang inaalala yung masalimuot na video. Inililista niya ang mga ito upang hindi makalimutan.



ANALYSIS 1: Ayon dun sa video, hindi nagsasalita si Triple-face Killer. Bagkus ay may hawak itong whiteboard para magkipagkomunikasyon. Ibig sabihin, maaring kakilala siya nina Eunice at Sherrie at kapag nagsalita siya ay makikilala siya ng mga ito agad.



ANALYSIS 2: Ito ang pinakasigurado niya. Base sa mga isinulat ni Triple-face sa kanyang whiteboard, ang motibo ng kanyang pagpatay ay paghihigante para sa taong minamahal.



ANALYSIS 3: Maaring fan din siya ni Lana Del Rey dahil yun ang pinatugtog niya habang pinapanood ang dalawang biktima. Dahil dito kaya kakailanganin nilang bumalik sa WineLine Bar para itanong sa DJ kung may nag-request ng kahit na anong kanta ni Lana Del Rey noong huling gabing nakita sina Eunice.



“Sir Dante, pwede pong magtanong? Paano niyo nalaman na sa lumang estasyon naganap yung video?”



“Dahil doon sa mga two-way mirrors sa paligid. Lahat ng mga ini-interrogate namin noon ay dinadala sa kwartong iyon. Kadalasan, hindi alam ng mga taong pinapasok namin doon na may ibang mga pulis pa ang nakikinig habang kinukuhanan namin sila ng pahayag.”



ANALYSIS 4: Tulad ng mga taong na-interrogate ni Dante sa kwartong iyon, hindi alam nina Eunice at Sherrie na kinukuhanan sila ng video. And this leads him to his final and most important analysis…



ANALYSIS 5: Yung video ay medyo shaky. Halatang hindi ito ginamitan ng tripod kaya ang ibig sabihin ay may ibang may hawak ng camera. Hindi nag-iisa si Triple-face Killer. May kasabwat ito sa mga pagpatay.



= = = = =



11:00 PM nang matanaw na nila ang isang lumang gate na napalilibutan na ng mga ugat ng halaman at napaliligiran pa ng mga talahib. At bawat andar palapit sa gate na iyon, nakumpirma nila ang kinatatakutan nila. Tumambad sa kanila ang kagimbal-gimbal na sinapit ng isa sa mga dalagang biktima.



Nagkalat ang nilalangaw at umaalingasaw na pira-pirasong parte ng mga katawan. At isang tingin pa lang ni Detective Dante, malinaw na agad sa kanya ang mga nangyari.



“Sinadyang iwan ang mga stainless steels na ito sa mismong daraanan. Nakatakas nga ang isang biktima mula doon sa building pero hindi niya inasahan na may patibong palang nag-aabang dito.” Pagkatapos ay napuna ni Dante yung nagkagutay-gutay rin na damit sa may gilid. Doon na lumabas ang teorya na maaring si Sherrie Chen iyong bangkay na nasa harap nila. “Ito yung suot na damit ni Sherrie dun sa CCTV galing sa WineLine bar.”



Ngunit wala pa rin itong kasiguraduhan hangga’t hindi pa nila nakikita ang isa pang dalaga—buhay man ito ang bangkay na rin.



Napansin rin ni Dante yung motor na nakatiwangwang sa may gilid. “Ito yung ginamit na sasakyan ng biktima para tumakas.” Saka siya napatingin sa brake nito. “Pero sinadya namang putuluin yung wire kaya hindi na gumagana ang brake.”



Matinding self-control na lang ang pumipigil kay Dante sa mga nalalaman niya ngayon. “Rey, may plate number itong motor. Ipa-check niyo agad kung sinong nagmamay-ari nito.”



“Yes Sir!”



Nagpasya na silang pumasok sa loob. Kahit matagal na panahon na ang lumipas, alam ni Dante kung saan yung kwartong pinagganapan dun sa video. Yun yung dating interrogation room nila.



Nang marating na nila iyon, nakita na nila yung kama at isa pang bangkay ng dalaga. Hubo’t hubad ito, puno ng saksak sa katawan at wakwak pa ang tyan. Ngunit dahil hindi naman sira ang mukha nito, nakilala nila agad kung sino ito.



“Siya si Sherrie Chen.” Which could only mean na yung pira-pirasong bangkay doon sa gate ay walang iba kundi si Eunice—ang pamangkin niya.



Kahit ano pang pagpapakatatag ni Detective Dante, hindi na rin niya nakayanan ang panlalambot ng tuhod. Maging ang sikmura niya ay tuluyan nang bumaliktad. Sa may bintanang bukas, isinuka niya ang kakarampot na nga lang na laman ng kanyang tyan. Pagkatapos nito, pailing-iling siyang naluluha at isinambit, “Demonyo ka Triple-face. Hindi ako titigil hanggang sa mahanap kita at ang kasabwat mo….”

RIP Eunice Zamora

End of Chapter 25

No comments:

Post a Comment

Say something if you like this post!!! ^_^