(The Mortal)
Nanginginig yung kamay ko habang nakatitig sa katatanggap ko lang na email. Reply iyon mula sa publishing consultant na pinagpasahan ko ng manuscript na pinaghirapan kong isulat sa loob ng hindi ko na mabilang na buwan.
Ang saya-saya ko pa noong sinimulan ko nang basahin yung message, “Good day! I am Elizabeth Martinez, a Publishing Consultant from…” Pero habang papalapit na ako sa dulo, nagsimula nang gumuho ang mundo ko. Kumbaga parang tragic ending pala yung nakalagay doon sa message. “Your story is good. But this is not what we are looking for.”
Pinin-point nung publishing consultant yung mga dahilan kung bakit hindi raw mabebenta yung libro ko. Masyado raw cliché at parang hindi raw babagay sa target audience ko.
Ang dami pa niyang pampalubag-loob na pinagsasabi—na kesyo may potential naman daw ako bilang writer, na magaganda raw ang ideas ko, na keep on writing and sending proposals, but for the nth time, rejected yung manuscript ko.
Breathe in. Breathe out. Screw it!
“Bakit palagi na lang ganito!” Naisigaw ko sa sobrang pagka-dismaya. Pinagpupunit ko na rin yung mga tissue na nakalagay sa may gilid ng lamesa pero dahil sa ginawa ko…
“Miss, sinasayang niyo po ang tissue namin at nakakaistorbo pa kayo sa ibang customer. Baka pwedeng doon na po kayo sa labas at nang magamit naman ng ibang naghihintay na customers yung upuan at lamesa.”
Napatingin ako dun sa babae, from head-to-toe-to-head ulit. “FYI Miss, customer rin ako rito. Nakita mo ‘tong tubig at crackers? Dito ko yan binili!”
“Yun na nga po, yan pa lang ang nabibili niyo mula pa kaninang umaga. Hapon na ngayon!” Pagsusungit nito at may huling hirit pa. “At least man lang, pakidagdagan yung bibilhin para sulit naman yung libreng charge niyo ng laptop niyo at ng gamit niyo sa wifi ng shop namin.”
Ang sungit ni Ateng! Dumadagdag pa sa init ng ulo ko. Dinukot ko nga yung wallet ko sa bag ko pero pagsilip ko, wala na akong kapera-pera.
“Ano Miss, may bibilhin ka pa ba?” At bilang pagganti niya, tinignan niya ako from head-to my wallet-to my head ulit. “May pambili ka ba?”
Wala akong nagawa kundi irapan na lang siya at magpack-up na ng gamit ko. Pero bago ako umalis, sinadya ko muna siyang bungguin ng laptop bag ng laptop na dala ko at sinagi ko pa yung ibang upuan at lamesa. “Hindi na ako babalik dito sa shop niyong bulok!”
“Hindi na talaga kayo makakabalik dito dahil yung wallet niyo po yung bulok!” Aba naman talaga! Pahiya ako roon ah. Galing mambara ni Ateng!
* * *
Umuwi na ako sa apartment na tinutuluyan ko. Nagmukha akong akyat-bahay dahil sa bintana ako dumaan. Hindi sa nakalimutan ko yung susi nitong kwarto ko. Sadyang pinagtataguan ko lang kasi yung landlady dahil two months na akong delayed sa pag-abot ng upa.
Pagpasok ko sa loob, hinalungkat ko sa damitan ko yung natitirang perang tinitipid-tipid ko. Alam ko naman na kung magkano na lang yung natitira dun—pero binilang ko ulit sa pag-asang may tooth fairy na naligaw sa kwarto ko at ‘di sinasadyang nakaiwan ng pera.
Natapos ko na itong bilangin. Walang nadagdag sa pera ko. Walang tooth fairy. Hindi kaya kailangan ko lang talagang mag-alay ng ngipin? Pero hindi! Wala talagang tooth fairy.
Napatingin ako bigla sa cellphone ko na sadya kong iniiwanan sa tuwing lumalabas ako. May missed calls mula kay Mrytle, younger sister ko.
Sabi ko sa kanya, ako lang ang dapat tumawag sa kanya. Pero naisip ko, baka may problema kaya gusto ako nitong makausap.
I dialed her number and, “Hello Mryt.” I tried to sound as calm as possible. “Hindi ba sabi ko ako lang ang tatawag sayo. Naka-ilang missed calls ka. May problema ba?”
“So it’s really you.”
Malalim na boses ng lalaki ang narinig ko sa kabilang linya. Bakit siya pa? Bummer! “Dad…?”
“Nasaan ka?”
I knew he would ask that. Buti na lang bilang isang writer, napaghandaan ko na ang isasagot ko. “Kung sasabihin ko sa inyo kung nasaan ako, anong point ng paglalayas ko?” Sabi ko with conviction pa!
“Ano bang problema mong bata ka? Bakit mo ginagawa ‘to? Gusto mo ba talagang sirain ang buhay mo? Nasaan ka at ipapasundo na kita!”
“Dad, I’m okay!” Nag-iisang sagot ko sa lahat ng mga tanong niya. “You don’t have to worry about me.”
“Umuwi ka na!”
“Uuwi lang ako kapag pinaalis mo na yang babae mo sa bahay.”
“Si Amelia ay parte na ng pamilya natin. Matuto ka namang respetuhin siya!”
“Pero si Mommy, hindi mo na nirespeto.”
“You know that’s not true!”
“I know what’s true, Dad. Iniwan mo si Mommy para sa Amelia na yan. Namatay siya dahil din sa babaeng yan! You can’t force me to go home and live together with that killer!”
“That’s too much!” He shouted. This time, galit na talaga siya.
But that’s nothing compared to how angry I am at him and that mistress of his. “If you’re not ready to lose that woman, then that means you’re ready to lose your daughter.”
“For heaven’s sake! Don’t make it sound like I have to choose! Anak kita at asawa ko na si Amelia ngayon. We can settle this. Natanggap na siya ni Mrytle kaya alam kong matatangap mo rin siya.”
“What?” Nagpintig ang tenga ako. “Tinanggap na siya ni Mrytle?” That traitor!
“Just give Amelia a chance, honey. Go home, please.”
“Hell no, Dad! And this conversation ends now!” I hang up. Tuluyan ko na ring in-off ang phone ko para hindi na niya ako matawagan pa ulit.
First, career problem. And then, financial dilemma. Now, family drama! What’s next? Problem sa love life? Pero buti imposibleng mangyari yun. Sa sobrang dami na ng problema ko sa buhay, wala na akong time para sa ganun.
* * *
Isinangla ko na yung last pair ng earrings na meron ako kapalit ng halos fifteen thousand. Sosyalin yung earrings na yun pero hindi ako nanghihinayang na isangla dahil si Dad naman nagbigay nun. Wala nang kwenta yun.
Pagkakasyahin ko yung pera para sa upa ko sa apartment at sa panggastos ko hanggang sa mga susunod pang buwan. Pero ang plano ko, hindi na lang ako basta tatambay at haharap sa laptop ko.
Siguro panahon na nga para maghanap na muna ako ng ibang trabaho. Saka na lang ulit ako magsusulat. Saka na kapag nakahanap na ulit ako ng inspirasyon.
Para sa kakainin ko naman sa hapunan, nagpasya akong magtinapay na lang. Pero kahit tinapay lang, kailangan magmaganda pa rin. Sa paborito kong sosyalin na bakery ako namili kahit na may kamahalan pa. Feeling ko kasi, baka ito na yung last time na makakain ako ng masarap at yung trip ko.
Sa may ‘Fabelous Bakery and CafĂ©’ ako bumili. Pagmamay-ari iyon ng mag-jowang ginamit ko bilang character reference sa kwento ko. Mala-prinsipe kasi yung lalaki—gwapo, mabait at mayaman. Yung girlfriend naman niya, kahit na may pagka-villainous ang ugali ay perfect princess pa rin naman.
They are a perfect couple, kaya nga nagtataka ako kung bakit ayaw bumenta nung kwentong ibinase ko sa kanila?
Nang makabili na ako ng tinapay na sinigurado kong aabot hanggang bukas, nagpasya na akong umuwi. Ngunit nang mapadaan na ako sa tulay kung saan may malalim na ilog sa ilalim, hindi ko naiwasan tumigil sa paglalakad upang pagmasdan yung tanawin.
Yung mga ganitong eksena sa buhay ko, napapaisip na lang ako bigla. Maayos naman yung buhay ko noon. Bakit siya naging patapon ngayon?
Napabuntong-hininga ako. Naalala ko ulit yung mga problema ko. Nalulungkot tuloy ako.
“Hoy ineng!” Naputol ang pagse-senti ko nang bulyawan ako ng isang matandang lalaki. Medyo gusgusin siya at pang-sinauna ang ayos. Pipilay-pilay siyang lumapit saakin—ang kaliwang kamay ay nakakapit sa kanyang tungkod at yung kanang kamay naman ay nakasapo sa kanyang noo. “Ay dyusmeng buhay ‘to! May sumpa ba ang lugar na ito?”
“Po?”
“Hindi ito ang unang beses na may naabutan akong taong balak din tumalon sa tulay na ito! Dyan! Dyan mismo sa pwestong iyan siya nakatayo at kung hindi ko pa napigilan, siguro patay na siya ngayon!”
Napaatras ako at lumayo dun sa pwestong tinutukoy ng matanda.
“Ano bang problema niyong kabataan ngayon? Wala na ba kayong ibang solusyon para tapusin ang problema niyo?”
Napakurap ang mga mata ko. Anong pinagsasabi niya? Was he thinking na magpapakamatay ako? “Iniisip niyo bang magpapakamatay ako?”
“Hindi ba? Magsabi ka ng totoo!”
“Hindi po! Mahal ko pa buhay ko!”
Pinandilatan ako ng matanda. “Kapag nagsisinungaling ka, bukol aabutin mo saakin!” Pagbabanta pa niya habang nakaduro na saakin ang tungkod niya. And you know what’s weird? Feeling ko parang mas dangerous pa ang tungkod niya kaysa sa baril o kutsilyo.
“Opo! Napatambay lang po ako rito sandali para magpahangin!”
Nang mapatunayan ko nang hindi naman talaga ako magpapakamatay, nakita kong nakahinga na ng malalim yung matanda.
Palihim naman akong natawa at medyo na-touch rin sa reaksyon niya. Sa kabila ng sunud-sunod na problema ko ngayong araw, isang estranghero ang nagpakita saakin ng kabutihan at pag-aalala ngayon.
“Pasensya ka na, ineng. Yung itsura mo kasi kanina, mukha ka nang tatalon dyan sa tulay.”
“Ganun po ba ka-obvious yung patung-patong na problema sa mukha ko?”
Tinitigan ako ng matanda habang hinihimas pa yung balbas niya. “Kung ganun may pinoproblema ka nga?” Tapos napatingin siya sa hawak kong paperbag mula sa Fabelous.
Mula sa pure pag-aalala niya saakin kanina, I have this feeling na mukhang may hidden agenda na rin siya sa mga tinapay ko.
“Bibigyan kita ng isang payo pero bilang kapalit, bigyan mo rin ako ng isang tinapay na hawak mo.”
Just as I thought! Tinapay nga ang puntirya niya! Pero magbibigay naman ako kahit wala siyang ibigay na kapalit. Pero dahil siya naman ang nag-aalok na payuhan ako, I’ll give it a shot then. May pakiramdam kasi ako na kung ano ang sasabihin ng estrangherong ito, magkakaroon ng malaking saysay sa buhay ko.
End of Chapter 1
Ano kaya sasabihin ni lolo .... Excited much .!!!!!!! ud na idol .!!!!!
ReplyDeleteang cute! si lolo lorcan may appearnce!!!!
ReplyDelete